[1] Pagkatipon ni Jesus ng kaniyang labindalawang alagad, sila ay binigyan niya ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonyo at upang magpagaling ng mga sakit.
[2] At sila ay isinugo niya upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at upang pagalingin ang mga may karamdaman.
[3] Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o supot, o tinapay, o pilak, o magkaroon ng dalawang tunika.
[4] “At saan mang bahay kayo papasok, manatili kayo roon at umalis kayo mula roon.
[5] Kung ang sinuman ay hindi tatanggap sa inyo, sa inyong paglabas sa lungsod na iyon ay pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”
[6] Kaya sila ay umalis at sila ay dumaan sa lahat ng mga nayon na ipinapahayag ang ebanghelyo at nagpapagaling sa lahat ng dako.
[7] At narinig ni Herodes na tetrarka ang lahat ng mga ginawa ni Jesus at siya ay naguluhan dahil sinasabi ng ilan na si Juan ay bumangon mula sa mga patay,
[8] at ang ilan ay nagsabi na si Elias nagpakita, ang iba naman ay nagsabi na muling nabuhay ang isa sa mga propeta nang unang panahon.
[9] At sinabi ni Herodes, “Pinugutan ko ng ulo si Juan. Ngunit sino ito, na naririnig ko ang mga bagay patungkol sa kaniya?” Kaya sinikap niya na makita si Jesus.
[10] Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila sa kaniya ang lahat ng kanilang mga ginawa. At sila ay isinama niya at pumuntang bukod sa isang ilang na dako ng lungsod na tinatawag na Betsaida.
[11] Ngunit nang nalaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kaniya. Sila ay kaniyang tinanggap at siya ay nagsalita sa kanila patungkol sa paghahari ng Diyos, at sila na nangangailangan ng kagalingan ay kaniyang pinagaling.
[12] Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang labindalawang apostol at sinabi sa kaniya, “Paalisin mo na ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa palibot ng mga nayon at sa mga bukid na matutuluyan nila at sila ay makakahanap ng pagkain sapagkat tayo ay nasa ilang na dako.”
[13] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Subalit sinabi nila, “Wala tayong ibang pagkain kundi ang limang tinapay at dalawang isda, maliban na kami ay aalis at makakabili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito”
[14] sapagkat ang mga lalaki ay halos limang libo. Ngunit sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng tiglilimampu bawat pangkat.”
[15] At gayon ang ginawa nila at pinaupo nila ang lahat.
[16] At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, siya ay tumingin sa langit at pinagpala niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.
[17] At sila ay kumain at nabusog ang lahat. At ang lumabis na mga piraso na kanilang nakuha ay labindalawang bakol.
[18] At nangyari nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, ang kaniyang mga alagad ay kasama niya at sila ay tinanong niya na sinasabi, “Ayon sa sinasabi ng napakaraming tao, sino raw ako?”
[19] Sila ay sumagot na sinabi, “Si Juan na tagapagbawtismo, ngunit ang iba ay nagsasabi, si Elias, at ang iba ay nagsasabi na ikaw ay isa sa mga propeta ng unang panahon na nabuhay muli.”
[20] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Subalit sa inyong sinasabi, sino ako?” At sumagot si Pedro na sinabi, “Ang Cristo ng Diyos.”
[21] At sila ay mahigpit niyang pinagbilinan at inutusang huwag itong sabihin sa kaninuman,
[22] na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdanas ng matinding pagdurusa at itatakwil ng matatanda, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at upang ipapatay subalit siya ay ibabangon sa ikatlong araw.”
[23] At sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung ibig ng sinuman na ako ay sundan, tanggihan niya ang kaniyang sarili at pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw at siya ay sumunod sa akin,
[24] sapagkat ang sinumang magnanais na maingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinuman na ang kaniyang buhay ay mawawala alang-alang sa akin, maiingatan niya ito.
[25] Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak o mawawala naman ang kaniyang sarili?
[26] Sapagkat kung ako at ang aking salita ay ikakahiya ng sinuman, siya ay ikakahiya ng Anak ng Tao sa kaniyang pagparito sa kaniyang kaluwalhatian, at ng Ama at ng mga banal na anghel.
[27] Ngunit katotohanang sinasabi ko sa inyo, mayroong ilan sa mga nakatayo rito na kailanman ay hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa makita nila ang paghahari ng Diyos.”
[28] Pagkalipas ng halos walong araw pagkatapos ng mga pananalitang ito, isinama ni Jesus sina Pedro, at Juan at Santiago at umahon sa bundok upang manalangin.
[29] At nangyari habang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago at nagningning ang kaniyang puting kasuotan.
[30] At narito, may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kaniya, sila ay sina Moises at Elias
[31] na mga nagpakita sa kaluwalhatian, at nagsabi patungkol sa kaniyang kamatayan na malapit na niyang ganapin sa Jerusalem.
[32] Ngunit si Pedro at ang mga kasama niya ay napahimbing na ng tulog, subalit nang sila ay gumising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaki na nakatayong kasama niya.
[33] At habang papaalis sina Moises at Elias mula sa kaniya, si Pedro ay nagsabi kay Jesus, “Guro, mabuti na kami ay naparito at makakagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Sinabi niya ito dahil hindi niya nalalaman ang kaniyang sinasabi.
[34] At habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang ulap at nililiman sila. Ngunit ang mga lalaking ito ay natakot habang pumapasok sa ulap.
[35] At mayroong tinig na nagmula sa ulap na sinasabi, “Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya!”
[36] Nang lumipas ang tinig, si Jesus ay natagpuan nilang nag-iisa. At sila ay tumahimik at hindi nila ibinalita kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.
[37] Nangyari nang sumunod na araw, pagkababa nila mula sa bundok ay sumalubong sa kaniya ang lubhang maraming tao.
[38] Narito, may lalaking sumigaw mula sa napakaraming tao, na sinasabi, “Guro, isinasamo ko sa iyo, tingnan mo ang aking anak, sapagkat siya ay kaisa-isa kong anak.
[39] Narito, siya ay sinusunggaban ng espiritu at siya ay biglang sumisigaw at siya ay pinapangisay nito hanggang sa bumula ang kaniyang bibig. Siya ay sinasaktan nito na halos ayaw siyang iwanan.
[40] Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na ito ay palayasin nila ngunit hindi nila nakaya.”
[41] At sumagot si Jesus na sinabi, “O lahing walang pananampalataya at lihis, hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.”
[42] Habang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at kaniyang pinagaling ang bata, at siya ay ibinalik sa kaniyang ama.
[43] At ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. At habang sila ay nanggigilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
[44] “Pakinggan ninyong mabuti ang mga salitang ito sapagkat ang Anak ng Tao ay malapit nang ibigay sa mga kamay ng mga tao.”
[45] Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito ay ikinubli mula sa kanila upang hindi nila ito maintindihan, at natatakot silang magtanong patungkol sa pananalitang ito.
[46] At nagkaroon ng pagtatalu-talo sa kanila kung sino sa kanila ang magiging pinakadakila.
[47] At dahil alam ni Jesus ang pagtatalu-talo ng kanilang mga puso, siya ay kumuha ng isang maliit na bata at siya ay pinatayo sa kaniyang tabi.
[48] At sinabi niya sa kanila, “Kung ang sinuman ay tatanggap sa maliit na batang ito dahil sa aking pangalan, ako ang tinatanggap. Kung ang sinuman ay tatanggap sa akin, ang nagsugo sa akin ang tinatanggap sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang magiging dakila.”
[49] Sumagot si Juan at sinabi, “Guro, may nakita kaming isang nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya dahil siya ay hindi sumusunod na kasama namin.”
[50] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat siya na hindi laban sa atin ay panig sa atin.”
[51] At nangyari, habang nagaganap ang mga araw na si Jesus ay tatanggapin na sa itaas, itinuon niya ang kaniyang mukha upang makapunta sa Jerusalem,
[52] at pinapunta niya ang mga sugo na mauna sa kaniya. At sa kanilang pag-alis, sila ay pumasok sa nayon ng mga taga-Samaria upang maghanda para sa kaniya.
[53] Ngunit siya ay hindi nila tinanggap dahil ang kaniyang mukha ay nakatuon na sa pagpunta sa Jerusalem.
[54] At nang ito ay nakita nina Santiago at Juan na kaniyang mga alagad ay kanilang sinabi, “Panginoon, nais mo bang mag-utos kami upang ang apoy ay bumaba mula sa langit at sila ay tupukin, katulad din ng ginawa ni Elias?”
[55] Ngunit nang siya ay lumingon, sila ay kaniyang sinaway at sinabi, “Hindi ninyo alam kung sa anong uri ng espiritu kayo
[56] sapagkat ako na Anak ng Tao ay hindi naparito upang ipahamak ang buhay ng mga tao kundi upang magligtas.” At sila ay pumunta sa ibang nayon.
[57] At nangyari, habang sila ay naglalakbay sa daan ay may isang nagsabi sa kaniya, “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.”
[58] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.”
[59] At sinabi ni Jesus sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sinabi niya, “Panginoon, pahintulutan mo muna akong umalis upang ilibing ang aking ama.”
[60] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hayaan mo na ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay. Subalit humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.”
[61] At sinabi naman ng isa, “Panginoon, susunod ako sa iyo, ngunit pahintulutan mo muna akong magpaalam sa kanila na nasa bahay ko.”
[62] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Walang sinumang nakahawak sa araro at tumitingin sa mga bagay sa likuran ay karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”