Skip to content
Opens in a new window

[1] At sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Hindi maaari na ang mga katitisuran ay hindi darating. Ngunit, sa aba niya na pinanggagalingan nito.

[2] Mas mabuti pa sa kaniya kung ang malaking gilingang-bato ay ibinibitin sa kaniyang leeg at siya ay maitapon na sa dagat kaysa matitisod sa kaniya ang isa sa maliliit na ito.

[3] Ingatan ninyo ang inyong mga sarili. At kapag magkakasala laban sa iyo ang iyong kapatid, sawayin mo siya, ngunit kapag siya ay magsisisi, patawarin mo siya.

[4] At kapag magkakasala siya laban sa iyo nang pitong ulit sa isang araw at babalik siya sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at magsasabi, ‘Ako ay nagsisisi,’ patawarin mo siya.”

[5] At sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

[6] Ngunit sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalatayang katulad ng butil ng mustasa, maari ninyong sabihin sa punongkahoy na ito, ‘Mabunot ka at maitanim ka sa dagat’ at ito ay maaring sumunod sa inyo.

[7] Subalit sino sa inyo ang mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa, na sa kaniyang pagdating mula sa bukid ay sasabihin sa kaniya kaagad, ‘Dumulog ka sa hapag’?

[8] Sa halip ay hindi ba sasabihin mo pa sa kaniya, ‘Ipaghanda mo ako ng makakain, magbigkis ka at paglingkuran mo ako hanggang sa ako ay makakain at makainom. Pagkatapos ng mga ito, ikaw ay kakain at iinom.’

[9] Hindi ba niya pasasalamatan ang aliping iyon dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kaniya? Sa palagay ko ay hindi.

[10] Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay mga aliping hindi kapaki-pakinabang sapagkat ginawa lamang namin ang dapat naming gawin.’ ”

[11] At nangyari, na habang si Jesus ay umaahon patungong Jerusalem, siya ay dumaan din sa gitna ng Samaria at Galilea,

[12] at habang siya ay pumapasok sa isang nayon, siya ay sinalubong ng sampung lalaking ketongin na nakatayo sa malayo.

[13] At sila ay sumigaw na sinasabi, “Jesus, Guro, kahabagan mo kami.”

[14] At nang ito ay nakita ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at ipakita ninyo ang inyong sarili sa mga saserdote.” At nangyari na habang sila ay humahayo, sila ay nalinis.

[15] Ngunit nang nakita ng isa sa kanila na siya ay gumaling, siya ay bumalik na niluluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng malakas na tinig.

[16] At siya ay nagpatirapa sa harapan malapit sa paanan ni Jesus na nagpapasalamat sa kaniya at ang lalaking ito ay Samaritano.

[17] At sumagot si Jesus na sinabi, “Hindi ba sampu ang nalinis? Ngunit nasaan ang siyam?

[18] Wala na bang natagpuang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos maliban sa dayuhang ito?”

[19] Kaya sinabi niya sa kaniya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka na ng iyong pananampalataya.”

[20] At nang tinanong siya ng mga Fariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos, siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Ang paghahari ng Diyos ay hindi dumarating sa pamamagitan ng pagmamasid,

[21] ni sa kanilang sasabihin, ‘Tingnan mo rito!’ o ‘Tingnan mo roon!’ Narito, sapagkat ang paghahari ng Diyos ay nasa inyo.”

[22] At sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Darating ang mga araw na mahigpit ninyong hahangarin na makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.

[23] At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan mo rito!’ o ‘Tingnan mo roon!’ Huwag ninyo silang pupuntahan, ni susundan,

[24] sapagkat kung paano ang pagningning ng kidlat ay nagliliwanag mula sa isang bahagi sa ilalim ng langit hanggang sa isang bahagi sa ilalim ng langit, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao sa araw niya.

[25] Ngunit kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at tanggihan ng lahing ito.

[26] At kagaya ng nangyari sa mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao.

[27] Sila ay kumakain, sila ay umiinom, sila ay nag-aasawa at sila ay ipinapakasal hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha at silang lahat ay napahamak.

[28] Gayundin naman ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila ay kumakain, sila ay umiinom, sila ay bumibili, sila ay nagtitinda, sila ay nagtatanim at sila ay nagtatayo.

[29] Ngunit sa araw na si Lot ay lumabas mula sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at silang lahat ay napahamak.

[30] Katulad ng mga ito ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay inihahayag.

[31] “Sa araw na iyon, siya na nasa bubungan at ang kaniyang mga ari-arian ay nasa loob ng bahay, huwag na siyang hayaang bumaba upang kunin ang mga ito. At siya na nasa bukid ay gayundin, huwag na siyang hayaang bumalik.

[32] Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.

[33] Kapag ang sinuman ay magnanais na ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit kapag ang sinuman na ang kaniyang buhay ay mawawala ay maiingatan ito.

[34] Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawang tao sa isang higaan, ang isa ay makukuha at ang isa ay maiiwan.

[35] Dalawang babae ang naggigiling na magkasama sa isang lugar, ang isa ay makukuha at ang isa ay maiiwan.

[36] Dalawang lalaki ang nasa bukid, ang isa ay makukuha at ang isa ay maiiwan.”

[37] At sila ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Panginoon, saan?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroroon ang patay na katawan, doon matitipon ang mga buwitre.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters