Skip to content
Opens in a new window

[1] At nangyari sa isa sa mga araw na iyon, habang si Jesus ay nagtuturo sa mga tao sa templo at habang ipinangangaral ang ebanghelyo, lumusob sa kaniya ang mga punong saserdote at mga eskriba kasama ang matatanda.

[2] At sila ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, “Sabihin mo sa amin kung sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito, o kung sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?”

[3] At siya ay sumagot sa kanila na sinabi, “Ako naman ang magtatanong sa inyo ng isang bagay at sabihin ninyo sa akin,

[4] Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?”

[5] Sila rin ay nagtalu-talo sa isa't isa na sinasabi, “Kapag sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’

[6] Ngunit kapag sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ babatuhin tayo ng lahat ng tao sapagkat sila ay nakakatiyak na si Juan ay isang propeta.”

[7] At sila ay sumagot na hindi nila alam kung saan ito nagmula.

[8] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kahit ako ay hindi ko sasabihin kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.”

[9] At siya ay nagsimula upang sabihin sa mga tao ang talinghagang ito. “Ang isang lalaking ito ay nagtanim ng ubasan at kaniyang ipinaupahan ito sa mga magsasaka, at siya ay pumunta sa ibang bansa sa mahabang panahon.

[10] At sa takdang panahon ay isinugo niya ang isang alipin sa mga magsasaka upang ang bunga ng ubasan ay maibigay sa kaniya, ngunit pagkahagupit sa kaniya ng mga magsasaka, siya ay pinaalis na walang dala.

[11] At siya ay nagsugo muli ng iba pang alipin, ngunit ang isang iyon ay hinagupit din nila at pagkatapos siyang ipahiya, siya ay pinaalis na walang dala.

[12] At muli niyang isinugo ang pangatlo, ngunit pagkatapos nilang sugatan ang isang ito, siya ay itinaboy palabas.

[13] “Kaya sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Ano ang maari kong gawin? Susuguin ko ang minamahal kong anak na lalaki. Marahil siya ay kanilang igagalang kapag siya ay kanilang makita.’

[14] Ngunit nang siya ay nakita ng mga magsasaka, sila ay nagbigay-katuwiran sa kanilang mga sarili na sinasabi, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, papatayin natin siya upang mapasaatin ang mana.’

[15] At nang siya ay kanilang naitaboy palabas sa ubasan, siya ay kanilang pinatay. Kaya ano ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?

[16] Siya ay darating at papatayin ang mga magsasakang ito at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang narinig nila ito ay kanilang sinabi, “Huwag nawang mangyari.”

[17] At sila ay kaniyang tiningnan at sinabi, “Ano nga itong nasusulat, ‘Ang batong ito na tinanggihan ng mga tagapagtayo, ito ay naging ulo ng panulok’? Awi 118:22

[18] Ang bawat isang babagsak sa batong iyon ay magkakapira-piraso, ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay magkakadurug-durog.”

[19] At ang mga punong saserdote at mga eskriba ay naghanap ng paraan upang siya ay sunggaban sa oras na iyon, ngunit sila ay natakot sa mga tao sapagkat alam nila na sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila.

[20] At siya ay kanilang minatyagan at sila ay nagsugo ng mga espiya na nagpapakunwaring mga matuwid sa kanilang sarili, upang siya ay maipahuli nila sa kaniyang pananalita at siya ay maibigay sa pamunuan at kapamahalaan ng gobernador.

[21] Kaya siya ay kanilang tinanong na sinasabi, “Guro, alam naming ikaw ay nagsasalita at nagtuturo ng tama, at ikaw ay hindi nagtatangi ng sinuman, ngunit sa katotohanan ay itinuturo mo ang daan ng Diyos.

[22] Ipinapahintulot ba sa Kautusan na kami ay magbigay ng buwis kay Cesar o hindi?”

[23] Ngunit nang nalaman niya ang kanilang katusuhan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok?

[24] Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo°. Kaninong anyo at sulat ang nakatatak dito?” At sila ay sumagot, “Kay Cesar.”

[25] Kaya sinabi niya sa kanila, “Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar at ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.”

[26] At siya ay hindi nila nagawang hulihin sa kaniyang salita sa harap ng mga tao at sila ay namangha sa kaniyang sagot kaya sila ay tumahimik.

[27] At nang pumunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduseo, na tumatangging mayroong muling pagkabuhay, sila ay nagtanong sa kaniya

[28] na sinasabi, “Guro, si Moises ay sumulat sa amin na kapag mamatay ang kapatid na may asawang babae at siya ay mamatay na walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawang babae upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay.

[29] Mayroon ngang pitong magkakapatid na lalaki at ang panganay ay nag-asawa ngunit namatay na walang anak.

[30] At ang asawang babae ay kinuha ng pangalawa at ang lalaki ay namatay na walang anak.

[31] Ang asawang babae ay kinuha ng pangatlo at hanggang sa pampito ay gayundin ang nangyari. At sila ay walang iniwang anak at sila ay namatay.

[32] Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae.

[33] Kung magkagayon, sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang asawa ng babae sapagkat pito ang naging asawa niya?”

[34] At sumagot si Jesus na sinabi sa kanila, “Ang mga anak ng kapanahunang ito ay nag-aasawa at pinapag-asawa.

[35] Ngunit sila na ibinilang na karapat-dapat na magtamo ng kapanahunang iyon at ng muling pagkabuhay mula sa mga patay ay hindi nag-aasawa, ni pinapag-asawa,

[36] dahil sila ay hindi na mamamatay sapagkat sila ay katulad ng mga anghel at sila ay mga anak ng Diyos, bilang mga anak ng muling pagkabuhay.

[37] Ngunit kahit si Moises ay inihayag ito roon sa mababang puno na ang mga patay ay ibinabangon nang tawagin niya ang Panginoon na ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’ Exo 3:6, 15

[38] sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay dahil ang lahat ay nabubuhay sa kaniya.”

[39] At sumagot ang ilan sa mga eskriba at sinabi, “Guro, mahusay ang pagkasabi mo.”

[40] At sila ay hindi na naglakas-loob na magtanong sa kaniya ng anuman.

[41] At sinabi niya sa kanila, “Papaano nilang sinasabi na ang Cristo ay anak ni David?

[42] At si David mismo ang nagsabi sa aklat ng mga awit, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa bahaging kanan ko

[43] hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.” ’ Awi 110:1

[44] At siya ay tinatawag ni David na ‘Panginoon.’ Kaya paanong si Cristo ay kaniyang anak?”

[45] Kaya nang narinig ito ng lahat ng tao, sinabi niya sa kaniyang mga alagad,

[46] “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais na maglakad na may mga mahabang kasuotan at nagugustuhan nila ang mga pagbati ng mga tao sa mga pamilihan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan.

[47] Sila ang lumalamon ng mga bahay ng mga babaing balo at sa pagkukunwari, sila ay nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng labis-labis na kahatulan.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters