Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu ay bumalik mula sa Jordan at siya ay dinala ng Espiritu sa ilang

[2] upang tuksuhin ng diyablo sa loob ng apatnapung araw, at siya ay hindi kumain ng anuman sa mga araw na iyon. Pagkatapos ng mga ito, siya ay nagutom.

[3] At sinabi ng diyablo sa kaniya, “Yamang ikaw ang anak ng Diyos, sabihin mo sa batong ito na ito ay maging tinapay.”

[4] Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya na sinasabi, “Ito ang nasusulat, ‘Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lamang kundi sa bawat Salita ng Diyos.’ ” Deu 8:3

[5] At nang dinala ng diyablo si Jesus patungo sa isang mataas na bundok, ipinakita niya sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan sa sandaling panahon.

[6] At sinabi ng diyablo sa kaniya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapamahalaang ito at ang kaniyang kaluwalhatian sapagkat ibinigay na ito sa akin at ibibigay ko ito kung kanino ko nanaisin.

[7] Kaya kung ikaw ay sasamba sa harapan ko, ang lahat ng mga ito ay magiging iyo.”

[8] Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Sapagkat ito ang nasusulat, ‘Sasambahin mo ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’ ” Deu 6:13

[9] At dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at pinatayo siya sa taluktok ng templo at sinabi niya sa kaniya, “Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito

[10] sapagkat ito ang nasusulat, ‘Uutusan niya ang kaniyang mga anghel patungkol sa iyo upang ingatan ka,’ Awi 91:11

[11] at ‘bubuhatin ka nila ng kanilang mga kamay upang hindi tumama sa bato ang iyong paa.’ ” Awi 91:12

[12] Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ito ang sinabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’ ” Deu 6:16

[13] Pagkatapos ng lahat ng pagtukso, siya ay iniwan ng diyablo hanggang sa nakatakdang panahon.

[14] At si Jesus ay bumalik sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap ang patungkol sa kaniyang katanyagan sa buong palibot ng lupain.

[15] At siya ay nagturo sa kanilang mga sinagoga, na niluluwalhati ng lahat.

[16] Siya ay pumunta sa Nazaret kung saan siya lumaki, at ayon sa kaniya nang kinaugalian, siya ay pumasok sa sinagoga sa araw ng Sabat at siya ay tumayo upang magbasa.

[17] At iniabot sa kaniya ang aklat ni propeta Isaias at nang ibinuklat niya ang aklat, natagpuan niya ang bahagi kung saan ito ang nasusulat,

[18] “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin dahil ako ay pinahiran niya ng langis upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga dukha. Isinugo niya ako upang pagalingin ang mga sugatang puso, upang ipangaral ang kalayaan sa mga bihag at ang panunumbalik ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naapi,

[19] at upang ipangaral ang katanggap-tanggap na taon ng Panginoon.” Isa 61:1-2

[20] At nang naibalumbon niya ang aklat at naibigay niya ito sa opisyal, si Jesus ay umupo. At ang mga mata ng lahat ng mga nasa sinagoga ay nakatitig sa kaniya.

[21] Kaya sinimulan niya na sabihin sa kanila, “Ang Kasulatang ito ay naganap sa inyong pandinig sa araw na ito.”

[22] At ang lahat ay nagpatotoo sa kaniya at namangha sa mga salita ng biyaya na lumabas sa kaniyang bibig at sinabi nila, “Hindi ba ito ang anak ni Jose?”

[23] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Ang anumang narinig naming ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan.’ ”

[24] Ngunit sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na walang propetang katanggap-tanggap sa kaniyang sariling bayan.

[25] Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, maraming mga babaing balo sa Israel sa panahon ni Elias nang ang langit ay isinara sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, nang nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain,

[26] ngunit hindi isinugo si Elias sa kaninuman sa kanila maliban sa isang babaing balo sa Sarepta na lungsod ng Sidon.

[27] At sa panahon ng propetang si Eliseo ay maraming ketongin sa Israel at walang nilinis sa kanila maliban kay Naaman na taga-Siria.”

[28] Kaya ang lahat ng mga nasa sinagoga ay labis na nagalit pagkarinig nila ng mga bagay na ito.

[29] At sa kanilang pagtindig, itinaboy nila si Jesus sa labas ng lungsod at siya ay dinala nila hanggang sa gilid ng burol na pinagtayuan ng kanilang lungsod, upang siya ay ihulog na patiwarik.

[30] Ngunit siya ay dumaan sa kanilang kalagitnaan at umalis.

[31] Si Jesus ay bumaba sa Capernaum na lungsod ng Galilea at siya ay nagtuturo sa kanila sa mga araw ng Sabat.

[32] At sila ay nagtaka sa kaniyang katuruan sapagkat ang kaniyang salita ay may kapamahalaan.

[33] Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumal-dumal na demonyo at siya ay sumigaw na may malakas na tinig

[34] na sinasabi, “Hayaan mo kami! Ano ang kinalaman mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami ay lipulin? Kilala kita kung sino ka. Ikaw ang Banal ng Diyos!”

[35] Ngunit sinaway siya ni Jesus na sinasabi, “Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya.” Nang naibagsak ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan, lumabas siya mula sa kaniya at hindi niya sinaktan.

[36] Silang lahat ay namangha at nag-usap-usap sa isa't isa na sinasabi, “Anong pananalita ito! Sapagkat ang mga karumal-dumal na espiritu ay inutusan niya nang may kapamahalaan at kapangyarihan at sila ay lumabas.”

[37] At ang katanyagan patungkol sa kaniya ay kumalat sa bawat dako sa palibot ng lupain.

[38] Ngunit nang siya ay tumindig at lumabas sa sinagoga, siya ay pumasok sa bahay ni Simon. At ang biyenang babae ni Simon ay pinahihirapan ng mataas na lagnat kaya sila ay humiling para sa kaniya.

[39] Nang si Jesus ay tumayo sa tabi niya, sinaway niya ang lagnat at ito ay nawala. Kaagad siyang bumangon at naglingkod sa kanila.

[40] At nang papalubog na ang araw, ang lahat ng mga maysakit ng iba't ibang karamdaman ay dinala nila kay Jesus, at sa pamamagitan ng pagpatong niya ng kaniyang mga kamay sa bawat isa sa kanila, sila ay pinagaling niya.

[41] At lumabas din ang mga demonyo sa marami sa kanila, na sumisigaw at nagsasabi, “Ikaw ang Cristo, ang anak ng Diyos!” At sila ay sinaway niya at hindi niya pinayagan na makapagsalita sila dahil alam nila na siya ang Cristo.

[42] Ngunit nang mag-uumaga na, siya ay umalis at pumunta sa ilang na dako at hinanap siya ng napakaraming tao at sila ay lumapit sa kaniya. At siya ay kanilang pinigilan upang huwag siyang umalis sa kanila.

[43] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kinakailangan kong ipangaral ang ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos sa iba pang mga lungsod sapagkat ako ay isinugo para rito.”

[44] Kaya siya ay patuloy na nangaral sa mga sinagoga sa Galilea.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters