Skip to content
Opens in a new window

[1] At nang tumingala si Jesus, nakita niya ang mga mayaman na naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa kaban ng yaman.

[2] At nakita rin niya ang isang dukhang babaing balo na naghuhulog doon ng dalawang lepta°.

[3] At sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang babaing balong ito ay naghulog ng higit kaysa sa lahat

[4] sapagkat ang lahat ng mayayamang ito ay naghulog ng mga kaloob sa Diyos mula sa kanilang kasaganaan, ngunit mula sa karukhaan ng isang ito ay inihulog niya ang kaniyang buong kabuhayan.”

[5] At habang ang ilan ay nagsasabi patungkol sa templo, na ito ay pinalamutian na ng mga magagandang bato at mga ipinangakong kaloob, sinabi ni Jesus,

[6] “Darating ang mga araw, na sa mga bagay na inyong nakikita ay walang maiiwanang bato na nakapatong sa bato na hindi mawawasak.”

[7] At siya ay tinanong nila na sinasabi, “Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang mga tanda na ang mga bagay na ito ay malapit nang mangyari?”

[8] Ngunit sinabi niya, “Mag-ingat kayo na hindi kayo maililigaw sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ‘ang panahon ay malapit na.’ Huwag nga kayong sumunod sa kanila.

[9] Ngunit kapag kayo ay makarinig ng mga digmaan at kaguluhan, huwag kayong matatakot sapagkat ang mga bagay na ito ay kinakailangan munang mangyari. Subalit ang wakas ay hindi kaagad mangyayari.”

[10] Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang bansa ay babangon laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.

[11] Magkakaroon ng malakas na mga lindol sa iba't ibang dako, mga taggutom, mga salot, mga nakakatakot na pangyayari at dakilang mga tanda mula sa langit.

[12] Ngunit bago mangyari ang lahat ng mga ito, kayo ay susunggaban at kayo ay pagmamalupitan nila sa pagdadala sa inyo sa mga sinagoga at sa mga bilangguan at sa pagdadala sa inyo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

[13] Ngunit ito ay magiging patotoo para sa inyo.

[14] Kaya panatilihin ninyo sa inyong mga puso na huwag ninyong pag-iisipan ang pagtatanggol sa inyong sarili

[15] sapagkat ako ay magbibigay sa inyo ng pananalita at karunungan na hindi mapapasinungalingan, ni matatanggihan ng lahat ng mga kumakalaban sa inyo.

[16] At kayo rin ay ipagkakanulo ng mga magulang, ng mga kapatid na lalaki, ng mga kamag-anak at ng mga kaibigan. At ang ilan sa inyo ay kanilang papatayin.

[17] At kayo ay kamumuhian ng lahat nang dahil sa aking pangalan.

[18] Ngunit ang buhok sa inyong ulo ay hinding-hindi mawawala.

[19] Angkinin ninyo ang inyong buhay sa inyong pagtitiis.

[20] “At kapag makita ninyo na ang Jerusalem ay napapalibutan ng mga hukbo, alamin ninyo sa oras na iyon na ang kaniyang kapanglawan ay malapit na.

[21] At sa oras na iyon, sila na nasa Judea ay hayaang tumakas patungo sa mga bundok at sila na nasa kalagitnaan nito ay hayaan nang lumabas at sila na nasa mga lupain ay huwag nang hayaang pumasok dito

[22] sapagkat sa mga araw na ito ng paghihiganti ay magaganap ang lahat ng mga bagay na nasusulat.

[23] Ngunit sa aba niyaong mga nagdadalang-tao at sa kanila na mga nagpapasuso sa mga araw na iyon sapagkat magkakaroon ng malaking kaguluhan sa lupa at poot sa bayang ito.

[24] At sila ay babagsak sa talim ng tabak at ipapadalang mga bihag sa lahat ng mga bansa. At ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil hanggang sa maganap ang kapanahunan ng mga Gentil.

[25] “At magkakaroon ng mga tanda sa araw at sa buwan at sa mga bituin, at sa lupa ay kahapisan ng mga bansa na may pagkalito at ng malakas na ugong ng dagat at ng alon

[26] habang ang mga tao ay panghihinaan ng loob dahil sa takot at sa pangamba sa mga darating sa buong sanlibutan sapagkat ang kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig.

[27] At pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

[28] Ngunit kapag magsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, tumindig kayo at itingala ninyo ang inyong mga ulo sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”

[29] Si Jesus ay nagsalita ng isang talinghaga sa kanila, “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punongkahoy.

[30] Kapag sila ay sumibol na, makikita ninyo at malalaman ninyo mismo na ang tag-init ay malapit na.

[31] Gayundin naman kayo, kapag makita ninyo ang mga bagay na ito na nangyayari, alamin ninyo na ang paghahari ng Diyos ay malapit na.

[32] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat.

[33] “Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

[34] “Ngunit ingatan ninyo ang inyong mga sarili baka sa anumang oras ay bumigat ang inyong mga puso sa labis na kabusugan, kalasingan at pagkabalisa sa buhay na ito. At madatnan kayo ng Araw na iyon na hindi ninyo namamalayan,

[35] sapagkat katulad sa bitag, ito ay darating sa kanilang lahat na nananahan sa buong sanlibutan.

[36] Kaya magbantay kayo na sa bawat panahon ay nananalangin, upang kayo ay maging karapat-dapat na makaligtas sa lahat ng mga bagay na ito na malapit ng mangyari, at upang kayo ay makatayo sa harapan ng Anak ng Tao.”

[37] Sa araw, si Jesus ay nagtuturo sa templo, ngunit sa gabi, siya ay lumalabas at nanatili sa bundok na tinatawag na bundok ng mga Olibo.

[38] At ang lahat ng tao ay maagang pumupunta sa kaniya sa templo upang makinig.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters