[1] Nangyari habang si Jesus ay nasa isang dako at nananalangin, nang siya ay tumigil, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi sa kaniya, “Panginoon, turuan mo kami na manalangin katulad din ng pagturo ni Juan sa kaniyang mga alagad.”
[2] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag kayo ay mananalangin, sabihin ninyo: Aming Ama na nasa kalangitan, pakabanalin ang iyong pangalan. Dumating ang iyong paghahari. Mangyari ang iyong kalooban, kung paano sa langit ay maging gayundin sa lupa.
[3] Ibigay mo sa amin sa araw na ito, ang pang-araw-araw naming pagkain.
[4] Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan sapagkat pinapatawad din namin ang bawat isang nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, sa halip ay iligtas mo kami mula sa masama.”
[5] At sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang may kaibigan at kayo ay pupunta sa kaniya sa hatinggabi, at sasabihin sa kaniya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay
[6] sapagkat ang aking kaibigan ay dumating mula sa paglalakbay at wala akong maihahain sa kaniya’?
[7] At siya na nasa loob ay sasagot na magsasabi, ‘Huwag mo akong gambalain. Nakasara na ang pinto at kami ng aking mga anak ay nasa higaan na at hindi ko na kayang bumangon upang magbigay sa iyo.’
[8] Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya magbibigay sa kaniya, siya ay babangon sapagkat siya ay kaniyang kaibigan, at dahil sa kaniyang pagpupumilit, siya ay tatayo at ibibigay sa kaniya ang anumang kaniyang kailangan.
[9] “Kaya ako ay nagsasabi sa inyo, humiling kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at kayo ay makakasumpong. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo,
[10] sapagkat ang bawat isang humihiling ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay nakakasumpong, at siya na kumakatok ay pagbubuksan.
[11] Ngunit sino sa inyo na ama, ang mag-aabot ng bato sa anak na hihiling ng tinapay? At kung siya ay hihiling ng isda, ang iaabot ba niya sa kaniya ay ahas sa halip na isda?
[12] O kapag siya ay hihiling ng itlog, ang iaabot ba niya sa kaniya ay alakdan?
[13] Kung kayo nga bilang masasama ay marunong magbigay ng mga mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama na nasa langit na magbibigay ng Banal na Espiritu sa kanila na humihiling sa kaniya?”
[14] At si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo at ito ay pipi. At nangyari, nang nakalabas ang demonyo, ang taong napipi ay nagsalita at namangha ang napakaraming tao.
[15] Subalit ang ilan sa kanila ay nagsabi, “Siya ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub na pinuno ng mga demonyo.”
[16] Ngunit ang iba na sumusubok sa kaniya ay naghahanap sa kaniya ng tanda mula sa langit.
[17] Ngunit yamang siya ang nakakaalam ng kanilang mga pag-iisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat paghaharing nahahati laban sa kaniyang sarili ay nawawasak, at ang sambahayang nahahati laban sa sambahayan ay bumabagsak.
[18] At kung si Satanas din ay nahahati laban sa kaniyang sarili, paano makakatayo ang kaniyang paghahari? Sinabi ko ito sapagkat sinasabi ninyo na ang pagpapalayas ko ng mga demonyo ay sa pamamagitan ni Beelzebub.
[19] At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino naman nagpapalayas ang inyong mga anak? Dahil dito, sila ang magiging tagapaghatol ninyo.
[20] Ngunit kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, walang pag-aalinlangan na ang paghahari ng Diyos ay dumating na sa inyo.
[21] Kapag ang isang lalaking malakas na nasandatahang lubos ang magbabantay sa kaniyang sariling bulwagan, ang kaniyang ari-arian ay ligtas.
[22] Subalit kung ang higit na malakas kaysa sa kaniya ay dumating at malulupig siya, kukunin sa kaniya ang buong sandata na pinagtitiwalaan niya at ang kaniyang mga samsam ay ipamimigay.
[23] Siya na hindi sumasama sa akin ay laban sa akin, at siya na hindi nakikipagtipong kasama ko ay nangangalat.
[24] “Kapag ang karumal-dumal na espiritu ay makalabas mula sa isang tao, ito ay gumagala sa mga tuyong dako, na naghahanap ng pahingahan. Ngunit kapag wala itong matagpuan, sasabihin nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’
[25] At sa pagbabalik nito ay matatagpuan itong nawalisan na at napalamutian na,
[26] kaya paroroon ito at isasama ang pitong ibang espiritu na higit pang masasama kaysa sa kaniya. At sa pagpasok ng mga ito, sila ay maninirahan doon. Kaya ang magiging huli ng lalaking iyon ay lalong malubha kaysa noong una.”
[27] At nangyari, na habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa napakaraming tao ang sumigaw na nagsabi sa kaniya, “Pinagpala ang sinapupunan na nagdala sa iyo at ang mga suso na sinusuhan mo.”
[28] Sinabi ni Jesus, “Oo, subalit ang totoong pinagpala ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito.”
[29] At nang dumagsa ang napakaraming tao, siya ay nagsimulang magsalita. “Ang masamang lahing ito ay mahigpit na naghahanap ng tanda, subalit walang tanda na ibibigay sa kanila maliban sa tanda ni Jonas na propeta
[30] sapagkat kung paanong naging tanda si Jonas sa mga taga-Nineve, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.
[31] Ang reyna ng timog ay titindig sa paghuhukom kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila, sapagkat siya ay dumating mula sa kadulu-duluhan ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon. Ngunit narito, ang isang higit kaysa kay Solomon ay nandito.
[32] Ang mga lalaki sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng lahing ito at kanilang hahatulan ang lahing ito sapagkat sila ay nagsisi dahil sa pangangaral ni Jonas. Ngunit narito, ang isang higit kaysa kay Jonas ay nandito.
[33] “Walang sinuman na pagkasindi ng ilawan ay inilalagay ito sa lihim na dako, o sa ilalim ng takalan kundi sa lalagyan ng ilawan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
[34] Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kaya kapag malinaw ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay puno rin ng liwanag, subalit kapag ito ay masama, ang iyong katawan ay puno rin ng kadiliman.
[35] Kaya tingnan mong mabuti na ang liwanag na nasa iyo ay hindi maging kadiliman.
[36] Kaya kung ang buong katawan mo ay puno ng liwanag na walang anumang bahaging madilim, ang buong katawan ay magiging puno ng liwanag katulad sa ningning ng ilawan kapag magliliwanag sa iyo.”
[37] Ngunit habang si Jesus ay nagsasalita, siya ay inanyayahan ng isang Fariseo upang kumaing kasalo niya. Kaya siya ay pumasok at dumulog sa hapag.
[38] At ang Fariseo ay nagtaka nang nakitang si Jesus ay hindi muna naghugas bago kumain.
[39] Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya, “Ngayon, kayong mga Fariseo ay naglilinis ng labas ng tasa at ng pinggan subalit ang loob ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan.
[40] Mga hangal! Hindi ba siya na gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?
[41] Gayunpaman, ibahagi ninyo sa mga nangangailangan ang mga bagay na nasa inyo, at narito, ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
[42] “Ngunit sa inyong aba, mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng menta, ng ruda at ng bawat halaman subalit nilalagpasan ninyo ang hatol at pag-ibig ng Diyos. Ang mga ito ang kailangang gawin at huwag kaligtaan ang iba.
[43] Sa inyong aba, mga Fariseo! Sapagkat iniibig ninyo ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pagbati sa mga pamilihan.
[44] Sa inyong aba, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat kayo ay katulad ng mga libingan na hindi napapansin at hindi alam ng mga tao na sila ay lumalakad sa ibabaw ng mga ito.”
[45] Kaya ang isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kaniya na sinasabi, “Guro, sa pagsasabi mo ng mga bagay na ito ay inaalipusta mo rin kami.”
[46] At sinabi niya, “Sa inyong aba, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasaning mahirap dalhin at kayo mismo ay hindi ninyo idinadaiti ang isa man lang sa inyong mga daliri sa mga pasaning ito.
[47] Sa inyong aba! Sapagkat nagtatayo kayo ng mga libingan ng mga propeta, ngunit ang mga ninuno ninyo ang pumapatay sa kanila.
[48] Kaya kayo nga ang nagpapatotoo at sumasang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno sapagkat sila nga ang pumatay sa kanila at kayo ang nagtatayo ng kanilang mga libingan.
[49] Dahil dito, ang karunungan din ng Diyos ay nagsabi, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at ng mga apostol. At ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at palalayasin’
[50] upang masingil sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabuhos mula pa sa pagkatatag ng sanlibutang ito,
[51] simula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at dakong banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ay sisingilin sa lahing ito.
[52] “Sa inyong aba, mga dalubhasa sa kautusan sapagkat inilayo ninyo ang susi ng kaalaman. Kayo mismo ay hindi pumasok at hinadlangan ninyo ang mga pumapasok.”
[53] Ngunit habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanila, ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimula upang siya ay labis na tuligsain at siya ay piliting tanungin patungkol sa maraming bagay.
[54] At sila ay nagbabantay sa kaniya at naghahanap ng pagkakataon upang makahuli ng ilang mga bagay mula sa kaniyang bibig nang sa gayon siya ay kanilang maparatangan.