Skip to content
Opens in a new window

[1] Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpung iba pa at sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa kaniyang unahan sa bawat lungsod at dako na kaniyang pupuntahan.

[2] Kaya sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang anihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Dumalangin nga kayo sa Panginoon ng anihan upang magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.

[3] Humayo kayo. Narito, isinusugo ko kayo katulad ng mga batang tupa sa kalagitnaan ng mga lobo.

[4] Huwag kayong magdala ng lalagyan ng salapi, o ng supot, o ng mga pangyapak, at huwag kayong bumati kaninuman sa daan.

[5] Sa alinmang bahay na inyong papasukan, sabihin ninyo, ‘Kapayapaan sa bahay na ito.’

[6] Kapag ang anak ng kapayapaan ay naroroon, ang inyong kapayapaan ay mananatili roon, ngunit kung hindi, ito ay babalik sa inyo.

[7] At kayo ay manatili mismo sa bahay na iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang bagay na ipagkaloob nila sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang gantimpala. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.

[8] At sa alinmang lungsod na inyong papasukin at kayo ay kanilang tatanggapin, kainin ninyo ang mga bagay na inihahain sa inyo.

[9] Pagalingin ninyo ang mga may karamdaman na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang paghahari ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

[10] Ngunit sa alinmang lungsod na inyong papasukin at kayo ay hindi tatanggapin, paglabas ninyo sa mga lansangan nito ay sabihin ninyo,

[11] ‘Maging ang alikabok na kumapit sa amin mula sa inyong lungsod ay aming ipinapagpag laban sa inyo. Gayunpaman, alamin ninyo ito, na ang paghahari ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

[12] Subalit sinasabi ko sa inyo na lalo pang madaling tiisin ang parusa sa Sodoma sa araw na iyon kaysa sa lungsod na iyon.”

[13] “Sa iyong aba, Corazin! Sa iyong aba, Betsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyahirang gawa na nangyari sa inyo ay nangyari sa Tiro at Sidon, sila ay matagal na sanang nagsisi na nakaupo sa kasuotang-sako at sa abo.

[14] At madali pang batahin ang parusa sa Tiro at Sidon kaysa sa inyo sa paghuhukom.

[15] At ikaw Capernaum na itinaas hanggang sa langit ay ibabagsak hanggang sa Hades.

[16] Siya na dumirinig sa inyo ay dumirinig sa akin. Siya na tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin at siya na tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.”

[17] At ang pitumpu ay bumalik na may kagalakan na sinasabi, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa pamamagitan ng iyong pangalan.”

[18] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog mula sa langit na parang kidlat.

[19] Narito, ibinibigay ko sa inyo ang kapamahalaan upang tapakan ang mga ahas at mga alakdan at laban sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway. Kailanman ay walang anumang makakapanakit sa inyo.

[20] Gayunpaman, huwag ninyo itong ikagalak na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, ngunit higit ninyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa kalangitan.”

[21] Sa oras na iyon ay nagalak si Jesus sa espiritu at sinabi, “O Ama, ipinagbubunyi kita, Panginoon ng langit at ng lupa sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at marurunong, ngunit ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Gayon nga Ama, sapagkat ito nga ay naging kaluguran sa iyong paningin.

[22] Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala kung sino ang Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala kung sino ang Ama maliban sa Anak at sa sinumang ninanais pagpahayagan ng Anak.”

[23] At nang humarap siya sa kaniyang mga alagad, sinabi niya nang bukod sa kanila, “Pinagpala ang mga matang nakakakita ng inyong mga nakikita,

[24] sapagkat sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at mga hari ang naghangad upang makita ang mga nakikita ninyo subalit hindi nila nakita, at upang marinig ang mga naririnig ninyo subalit hindi nila narinig.”

[25] Narito, isang dalubhasa sa kautusan ang tumayo upang subukin si Jesus at sinabi, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang hanggan?”

[26] Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nasusulat sa Kautusan? Ano ang pagkabasa mo?”

[27] Kaya sumagot siya at sinabi, “ ‘Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo,’ Deu 6:5 at iibigin mo ‘ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.’ ” Lev 19:18

[28] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang isinagot mo, gawin mo ito at ikaw ay mabubuhay.”

[29] Ngunit dahil ibig niyang ituring na matuwid ang kaniyang sarili, sinabi niya kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

[30] At sumagot si Jesus na sinabi, “May isang lalaking bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico at siya ay pinalibutan ng mga tulisan. Pagkatapos nila siyang hubaran at sugatan, sila ay umalis at iniwan siyang nag-aagaw buhay.

[31] At nagkataong may isang saserdote ang lumusong sa daang iyon at pagkakita sa kaniya, siya ay dumaan sa kabilang tabi.

[32] At gayundin naman, ang isang Levita ay napadako rin sa lugar na iyon. Nang siya ay dumating at kaniyang nakita, siya ay dumaan sa kabilang tabi.

[33] Subalit may isang Samaritano na habang naglalakbay ay dumating sa kinaroroonan niya at nang nakita niya, siya ay nahabag.

[34] At nang siya ay nakalapit sa kaniya, tinalian niya ang kaniyang mga sugat at binuhusan ito ng langis at alak, at isinakay siya sa kaniyang sariling hayop at dinala siya sa isang bahay-panuluyan at siya ay inalagaan.

[35] At kinabukasan, nang siya ay umalis, kumuha siya ng dalawang denaryo° at ibinigay ang mga ito sa tagapamahala ng bahay-panuluyan at sinabi sa kaniya, ‘Alagaan mo siya at ano pa man ang iyong magugugol ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbabalik.’

[36] Sino ngayon sa tatlong ito ang ipinapalagay mong naging kapwa tao ng lalaking nahulog sa mga tulisan?”

[37] At sinabi niya, “Siya na gumawa ng kahabagan sa kaniya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya, “Humayo ka at gayon ang iyong gawin.”

[38] At nangyari, na sa kanilang pagpatuloy, si Jesus ay pumasok sa isang nayon. At may isang babaing ang pangalan ay Marta na tumanggap sa kaniya sa kaniyang bahay.

[39] Siya ay may babaing kapatid na tinatawag na Maria at nang siya ay umupo sa paanan ni Jesus, nakinig siya sa kaniyang salita.

[40] Subalit si Marta ay naabala ng maraming paglilingkod. Siya ay lumapit kay Jesus at sinabi, “Panginoon, wala bang halaga sa iyo na iniwan ako ng aking kapatid upang maglingkod akong nag-iisa? Sabihin mo nga sa kaniya na tulungan ako.”

[41] Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay,

[42] subalit isang bagay ang kailangan, at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kaniya.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters