[1] Ngunit ang lahat na mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit upang makinig sa kaniya.
[2] At ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan na sinasabi, “Ang taong ito ay tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.”
[3] Ngunit isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila na sinasabi,
[4] “Sino sa inyo ang lalaking may isandaang tupa at napahamak ang isa sa kanila na hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at aalis patungo sa napahamak na tupa hanggang sa matagpuan niya ito.
[5] At kapag natagpuan niya ito, papasanin niya ito sa kaniyang mga balikat, na nagagalak?
[6] At pagdating niya sa bahay, sama-sama niyang tatawagin ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko ang aking tupa na napahamak.’
[7] Sinasabi ko sa inyo na sa gayong paraan ay magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
[8] “O sino sa inyo ang babaing may sampung piraso ng pilak°, na kapag mawala niya ang isang piraso ay hindi nagsisindi ng ilawan at nagwawalis sa bahay at maingat na naghahanap hanggang sa matagpuan niya ito?
[9] At kapag natagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, ‘Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko ang aking piraso ng pilak na nawala.’
[10] Sinasabi ko sa inyo, na sa gayong paraan ay nagkakaroon ng kagalakan sa harap ng mga anghel ng Diyos sa isang makasalanang nagsisisi.”
[11] At sinabi niya, “May isang lalaking may dalawang anak na lalaki.
[12] At ang nakababata sa kanila ay nagsabi sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng ari-arian na nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kaniyang kabuhayan.
[13] Kaya pagkalipas ng ilang araw, nang naipon na ang lahat, ang nakababatang anak na lalaki ay naglakbay patungo sa malayong lupain at doon niya nilustay ang kaniyang ari-arian na namumuhay sa magulong paraan.
[14] Ngunit nang nagugol na niya ang lahat, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon at siya ay nagsimula nang mangailangan.
[15] Kaya siya ay humayo at sumama sa isa sa mga mamamayan ng lupaing iyon. Ngunit siya ay kaniyang sinugo sa kaniyang mga bukirin upang magpakain ng mga baboy.
[16] At mahigpit niyang hinangad na busugin ang kaniyang tiyan mula sa mga bunga ng punungkahoy ng mga balat ng carob na kinakain ng mga baboy dahil walang sinumang nagbibigay sa kaniya.
[17] “Ngunit nang napagkilala niya ang kaniyang sarili, sinabi niya, ‘Gaano karami ang upahang utusan ng aking ama na sumasagana sa tinapay, ngunit ako ay namamatay sa gutom.
[18] Ako ay tatayo at pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kaniya, “Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin
[19] at ako ay hindi na karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo ako bilang isa sa iyong mga upahang utusan.” ’
[20] “At siya ay tumayo at siya ay pumunta sa kaniyang ama. Ngunit habang siya ay malayo pa, siya ay nakita ng kaniyang ama at nahabag sa kaniya. At tumakbo ang ama at siya ay kaniyang mahigpit na niyakap at magiliw na hinalikan.
[21] Ngunit sinabi sa kaniya ng anak, ‘Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin at ako ay hindi na karapat-dapat na tawaging iyong anak.’
[22] “Gayunpaman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, ‘Dalhin ninyo ang pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo ito sa kaniya, at magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at mga pangyapak para sa kaniyang mga paa.
[23] Magdala rin kayo ng pinatabang guya at katayin ninyo ito at tayo ay kakain at magkasayahan habang kumakain
[24] sapagkat ang anak kong ito ay patay ngunit nabuhay muli, siya ay napahamak at natagpuan.’ At sila ay nagsimulang magkasayahan.
[25] “Ngunit ang kaniyang anak na nakakatanda ay nasa bukid. At habang siya ay dumarating na papalapit sa bahay, siya ay nakarinig ng tugtugin at sayawan.
[26] Kaya pagkatawag niya sa isa sa mga lingkod na lalaki, siya ay nagtanong kung ano kaya ang kahulugan ng mga bagay na ito.
[27] At sinabi ng alipin sa kaniya, ‘Ang iyong kapatid ay dumating at ang iyong ama ay nagkatay ng pinatabang guya sapagkat ang kapatid mo ay tinanggap niyang malusog.’
[28] “Ngunit siya ay labis na nagalit at ayaw nang pumasok. Kaya ang kaniyang ama ay lumabas at nagsusumamo sa kaniya.
[29] Ngunit siya ay sumagot sa kaniyang ama na sinabi, ‘Narito, naglingkod ako sa iyo ng napakaraming taon at kailanman ay hindi ako lumabag sa iyong utos at kailanman ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang magkasayahan kami ng aking mga kaibigan.
[30] Subalit nang dumating itong anak mo na siyang umubos ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot, nagkatay ka ng pinatabang guya para sa kaniya.’
[31] “Gayunpaman, sinabi ng ama sa kaniya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama at lahat ng mga nasa akin ay sa iyo.
[32] Ngunit ang magsaya at magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at nabuhay muli, siya ay napahamak at natagpuan.’ ”