Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Jesus ay pumasok at dumaan sa Jerico.

[2] Narito, may isang lalaking tinatawag na Zaqueo. Siya ang punong maniningil ng buwis at siya ay mayaman.

[3] At hinahangad niyang makita kung sino si Jesus, ngunit hindi niya ito magawa dahil sa napakaraming tao, sapagkat siya ay hindi matangkad.

[4] Kaya siya ay tumakbo sa unahan at umakyat sa puno ng sikamoro upang makita niya si Jesus sapagkat si Jesus ay papadaan sa daang iyon.

[5] At nang si Jesus ay dumating sa dakong iyon, siya ay tumingala at nakita niya si Zaqueo at sinabi sa kaniya, “Zaqueo, magmadali kang bumaba sapagkat sa araw na ito ay kinakailangang ako ay manatili sa iyong bahay.”

[6] Kaya siya ay nagmadaling bumaba at nagagalak niyang tinanggap si Jesus.

[7] At nang nakita nila ito, silang lahat ay nagbulung-bulungan na sinasabi, “Siya ay pumasok upang manunuluyan kasama ng makasalanang lalaki.”

[8] At si Zaqueo ay tumayo at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, narito, ang kalahati ng aking mga tinatangkilik ay ibinibigay ko sa mga dukha, at kung ako ay kumuha ng anuman sa sinuman sa pamamagitan ng maling pagparatang ay ibabalik ko sa kaniya nang makaapat na ulit.”

[9] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sa araw na ito, ang kaligtasan ay dumating sa tahanang ito yamang siya rin ay anak ni Abraham,

[10] sapagkat ang Anak ng Tao ay pumarito upang hanapin at iligtas ang napahamak.”

[11] Habang pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, idinagdag ni Jesus at sinabi ang isang talinghaga sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nila na ang paghahari ng Diyos ay mahahayag na kaagad.

[12] Kaya sinabi niya, “Ang isang lalaking maharlika ay pumunta sa malayong lupain upang tanggapin sa kaniyang sarili ang isang paghahari, at bumalik.

[13] At nang tinawag niya ang kaniyang sampung alipin, sila ay binigyan niya ng sampung mina° at sinabi sa kanila, ‘Maging abala kayo hanggang sa pagdating ko.’

[14] Ngunit ang kaniyang mga mamamayan ay namumuhi sa kaniya. At nagsugo sila sa kaniya ng isang kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang lalaking ito ay maghari sa amin.’

[15] “At nangyari, na sa kaniyang pagbabalik nang natanggap niya ang paghahari ay nagsabi siya na tawagin papunta sa kaniya ang mga alipin na binigyan niya ng salapi upang malaman niya kung ano ang pinagkaabalahan ng bawat isa.

[16] At dumating ang una na sinasabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay kumita ng sampung mina.’

[17] Sinabi niya sa kaniya, ‘Magaling na alipin, mabuti ang iyong ginawa. Dahil naging matapat ka sa pinakamaliit, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sampung lungsod.’

[18] Dumating din ang pangalawa na sinasabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay kumita ng limang mina.’

[19] At sinabi rin niya sa isang ito, ‘At ikaw ay maging gayon sa limang lungsod.’

[20] “Dumating naman ang isa na nagsasabi, ‘Panginoon, narito, nandito ang iyong mina na itinatago ko sa panyo

[21] sapagkat ako ay natatakot sa iyo dahil ikaw ay isang malupit na tao. Kinukuha mo ang hindi mo inilagay at inaani mo ang hindi mo inihasik.’

[22] Kaya sinabi niya sa kaniya, ‘Masamang alipin, hahatulan kita mula sa iyong bibig, alam mo na ako ay isang malupit na tao na kumukuha ng hindi ko inilagay at inaani ko ang hindi ko inihasik,

[23] bakit hindi mo inilagak sa bangko ang aking salapi at sa pagdating ko ay makuha ko ito kasama ang anumang tinubo nito?’

[24] “At sa kanila na nakatayo ay kaniyang sinabi, ‘Kunin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ninyo ito sa kaniya na may sampung mina.’

[25] (Sinabi nila sa kaniya, ‘Panginoon, siya ay mayroon ng sampung mina.’)

[26] ‘Sapagkat sinasabi ko sa inyo na sa bawat isang mayroon ay bibigyan at sa kaniya na wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin mula sa kaniya.

[27] Subalit sila na aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila ay dalhin ninyo rito at patayin ninyo sila sa aking harapan.’ ”

[28] At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay naunang umahon sa Jerusalem.

[29] At nangyari, na habang siya ay papalapit sa Betfage at Betania, patungo sa bundok na tinatawag na Bundok ng mga Olibo, sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,

[30] na sinasabi, “Pumunta kayo sa nayon na nasa unahan ninyo. At pagpasok ninyo roon ay matatagpuan ninyo ang isang bisiro na nakatali na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito.

[31] At kapag may magtatanong sa inyo, ‘Bakit ninyo siya kinalagan?’ Ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, ‘Dahil kailangan ito ng Panginoon.’ ”

[32] Kaya nang nakaalis ang mga sinugo, natagpuan nila ang ayon sa kaniyang sinabi sa kanila.

[33] At habang kinakalagan nila ang bisiro, ang mga may-ari nito ay nagsabi sa kanila, “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?”

[34] At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”

[35] At inakay nila ang bisiro patungo kay Jesus at ipinatong nila ng kanilang mga damit sa batang asno at pinasakay nila si Jesus.

[36] At habang siya ay humahayo, inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.

[37] Ngunit nang siya ay papalapit na sa paanan ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming alagad ay nagsimulang magalak na nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na nakita nila,

[38] na sinasabi, “ ‘Papuri sa hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon!’ Awi 118:26 Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”

[39] At ang ilan sa mga Fariseong mula sa napakaraming tao ay nagsabi sa kaniya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”

[40] At siya ay sumagot na sinasabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo na kapag ang mga ito ay mapapatahimik, ang mga bato ay sisigaw.”

[41] Nang siya ay nakalapit at nakita ang lungsod, ito ay tinangisan niya

[42] na sinasabi, “At ikaw Jerusalem, kung nalaman mo, ikaw mismo, kahit man lang sa araw mong ito ang mga bagay na para sa iyong kapayapaan. Ngunit ngayon sila ay itinago sa iyong mga paningin

[43] sapagkat darating sa iyo ang mga araw na ang mga kaaway mo ay maglalagay ng pangharang na lupa sa palibot mo. Papalibutan ka nila at kukubkubin ka nila sa bawat panig.

[44] At ikaw ay papataging kapantay ng lupa kasama ng iyong mga anak, at wala silang iiwanang bato na nakapatong sa isang bato sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”

[45] At nang siya ay pumasok sa templo, sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda at namimili roon.

[46] Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay bahay-dalanginan’ Isa 56:7 ngunit ginawa ninyo itong ‘yungib ng mga tulisan.’ ” Jer 7:11

[47] At si Jesus ay nagtuturo araw-araw sa templo, ngunit ang mga punong saserdote, ang mga eskriba at ang mga pinuno ng mga tao ay naghahanap ng paraan upang siya ay patayin.

[48] Subalit hindi pa nila nakikita kung ano ang maari nilang gawin dahil ang lahat ng tao ay nakatuong nakikinig sa kaniya.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters