Skip to content
Opens in a new window

[1] At sa ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, habang ang gobernador sa Judea ay si Pontio Pilato, at ang tetrarka sa Galilea ay si Herodes, at ang kaniyang nakababatang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite, at ang tetrarka sa Abilinia ay si Lisanias,

[2] at sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong saserdote, ang salita ng Diyos ay dumating sa ilang kay Juan na anak ni Zacarias.

[3] Siya ay pumunta sa buong lupain sa palibot ng Jordan na ipinapangaral ang bawtismo ng pagsisisi dahil sa kapatawaran ng mga kasalanan.

[4] Ganito ang nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias na sinasabi, “Ang tinig ng sumisigaw sa ilang, ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Gawin ninyong matuwid ang kaniyang mga landas.

[5] Ang bawat bangin ay tatambakan at ang bawat bundok at burol ay papatagin at ang mga liko ay gawing matuwid at ang mga baku-bako ay gawing pantay na mga daan.

[6] At makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ” Isa 40:3-5

[7] Kaya sinabi niya sa napakaraming tao na lumabas upang magpabawtismo sa kaniya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas mula sa poot na dumarating?

[8] Kaya kayo ay mamunga ng mga bunga na karapat-dapat sa pagsisisi. At huwag kayong magsimulang magsabi sa inyong sarili, ‘Mayroon kaming Ama, si Abraham.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na makakaya ng Diyos na magtindig ng mga anak para kay Abraham mula sa mga batong ito.

[9] Ngunit ngayon din ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy. Kaya ang bawat punongkahoy na hindi namumunga ng mabuting bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”

[10] At siya ay tinanong ng napakaraming tao na sinasabi, “Ano ngayon ang aming gagawin?”

[11] At siya ay sumagot na sinasabi sa kanila, “Magbahagi ang may dalawang tunika sa kaniya na wala at gayundin ang gawin ng may mga pagkain.”

[12] At dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo, at kanilang sinabi sa kaniya, “Guro, ano ang aming gagawin?”

[13] At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakda sa inyong sinisingil.”

[14] At ang mga kawal ay nagtanong sa kaniya na sinasabi, “At kami, ano ang aming gagawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangingikil, ni magpaparatang kaninuman. Masiyahan kayo sa inyong sahod.”

[15] Ngunit habang ang mga tao ay umaasa at ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Cristo o hindi,

[16] si Juan ay sumagot sa kanilang lahat na sinasabi, “Binabawtismuhan ko nga kayo sa tubig, ngunit dumarating ang isang higit na dakila kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak. Kayo ay babawtismuhan niya ng Banal na Espiritu at ng apoy.

[17] Ang pantahip ay nasa kaniyang kamay at lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig subalit ang ipa ay kaniyang tutupukin sa apoy na hindi namamatay.”

[18] Kaya nga, kahit sa maraming iba pang mga bagay ay kaniyang ipinapangaral ang ebanghelyo sa mga tao sa pamamagitan ng pagsusumamo.

[19] Ngunit si Herodes na tetrarka, dahil sinaway siya ni Juan patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe at patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa ni Herodes,

[20] ay idinagdag pa ito sa lahat, nang si Juan ay kaniyang ipinabilanggo.

[21] At nangyari, nang ang lahat ng tao ay nabawtismuhan at si Jesus ay nabawtismuhan at nanalangin, ang langit ay nabuksan.

[22] At ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya sa anyong katawan na katulad ng kalapati. At may tinig na nagmula sa langit na nagsasabi, “Ikaw ang pinakamamahal kong anak, ako ay lubos na nalulugod sa iyo.”

[23] Nang nagsimulang magtatlumpung taong gulang na si Jesus, siya ay ibinilang na anak ni Jose, na anak ni Eli,

[24] na anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki, na anak ni Janna, na anak ni Jose,

[25] na anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum, na anak ni Esli, na anak ni Nage,

[26] na anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei, na anak ni Jose, na anak ni Juda,

[27] na anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel, na anak ni Shealtiel, na anak ni Neri,

[28] na anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam, na anak ni Elmadam, na anak ni Er,

[29] na anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim, na anak ni Matat, na anak ni Levi,

[30] na anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose, na anak ni Jonan, na anak ni Eliakim,

[31] na anak ni Melea, na anak ni Menan, na anak ni Matata, na anak ni Natan, na anak ni David,

[32] na anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz, na anak ni Salmon, na anak ni Naason,

[33] na anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom, na anak ni Fares, na anak ni Juda,

[34] na anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham, na anak ni Tera, na anak ni Nacor,

[35] na anak ni Saruc, na anak ni Reu, na anak ni Peleg, na anak ni Heber, na anak ni Selah,

[36] na anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem, na anak ni Noe, na anak ni Lamec,

[37] na anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared, na anak ni Mahalalel, na anak ni Cainan,

[38] na anak ni Enos, na anak ni Set, na anak ni Adan, na anak ng Diyos.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters