[1] At sinabi rin ni Jesus ang isang talinghaga sa kanila upang ipabatid na kinakailangan palaging manalangin at huwag manghina ang loob.
[2] Sinasabi niya, “May isang hukom sa isang lungsod na hindi siya natatakot sa Diyos at walang iginagalang na tao.
[3] At may isang babaing balo sa lungsod na iyon at patuloy na nagpupunta sa kaniya, na sinasabi, ‘Ipaghiganti mo ako sa aking kalaban.’
[4] At sa ilang panahon ay umayaw ang hukom, ngunit pagkatapos ng mga ito ay sinabi niya sa kaniyang sarili, ‘Bagaman ako ay hindi natatakot sa Diyos at wala akong iginagalang na tao,
[5] dahil tiyak na ako ay gagambalain ng babaing balong ito, siya ay ipaghihiganti ko upang ako ay hindi niya papagurin sa kaniyang patuloy na pagparito.’ ”
[6] At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo kung ano ang sinasabi ng di-makatarungang hukom.
[7] At hindi ba ipaghihiganti ng Diyos ang kaniyang mga pinili na dumaraing sa kaniya araw at gabi, at hindi ba siya ang nagtitiyaga sa kanila?
[8] Sinasabi ko sa inyo na sila ay kaagad niyang ipaghihiganti. Magkagayunman, sa pagdating ng Anak ng Tao, siya kaya ay makakatagpo ng pananampalataya sa lupa?”
[9] At sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila na nagtiwala sa kanilang sarili na sila ay matuwid at ang iba ay hinahamak nila.
[10] “Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis.
[11] Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito, ‘Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako katulad ng ibang tao na mga mapangamkam, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. At hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito.
[12] Ako ay dalawang ulit na nag-aayuno sa isang linggo. Ako ay nagbibigay ng ikapu sa lahat ng anumang aking kinikita.’
[13] Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man niya ninanais na itaas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang dinadagukan ang kaniyang dibdib na nagsasabi, ‘Diyos, kahabagan mo ako na isang makasalanan.’
[14] Sinasabi ko sa inyo, ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinawalang-sala kaysa sa isang iyon, dahil ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.”
[15] At dinala rin nila sa kaniya ang mga sanggol upang sila ay mahawakan niya. Ngunit nang nakita ito ng mga alagad, sila ay kanilang sinaway.
[16] Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata at huwag ninyo silang pigilan sapagkat ang paghahari ng Diyos ay para sa mga katulad nila.
[17] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tatanggap sa paghahari ng Diyos katulad ng isang maliit na bata ay hinding-hindi makakapasok doon.”
[18] At isang pinuno ang nagtanong sa kaniya, na sinasabi, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang ako ay magmamana ng buhay na walang hanggan?”
[19] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo sinasabing ako ay mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos.
[20] Alam mo na ang mga utos: ‘Huwag kang mangangalunya.’ ‘Huwag kang papatay.’ ‘Huwag kang magnanakaw.’ ‘Huwag kang magbibigay ng maling patotoo.’ ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ ” Exo 20:12-16; Deu 5:16-20
[21] Sinabi niya, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko mula pa sa aking pagkabata.”
[22] Ngunit nang narinig ni Jesus ang mga bagay na ito, sinabi niya sa kaniya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng pag-aari mo gaano man ito karami at ipamahagi mo sa mga dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Halika, sumunod ka sa akin.”
[23] Kaya nang narinig niya ang mga bagay na ito, siya ay lubhang nagdalamhati sapagkat napakayaman niya.
[24] Nang nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati, kaniyang sinabi, “Sila na may maraming kayamanan ay mahihirapang pumasok sa paghahari ng Diyos,
[25] sapagkat mas madali pa sa kamelyo na dumaan sa butas ng isang karayom kaysa sa lalaking mayaman na pumasok sa paghahari ng Diyos.”
[26] At sila na nakarinig nito ay nagsabi, “Sino kung gayon ang maililigtas?”
[27] Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng tao ay magagawa ng Diyos.”
[28] Kaya sinabi ni Pedro, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.”
[29] Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinumang nag-iwan ng bahay, o mga magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak alang-alang sa paghahari ng Diyos
[30] ang hindi makakatanggap ng sagana sa kapanahunang ito, at sa buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.”
[31] At isinama ni Jesus ang labindalawa at sinabi niya sa kanila, “Narito, tayo ay aahon sa Jerusalem at ang lahat ng mga bagay na nasusulat sa pamamagitan ng mga propeta patungkol sa Anak ng Tao ay magaganap
[32] sapagkat siya ay ipagkakanulo sa mga Gentil at kukutyain, aalipustain at duduraan.
[33] At pagkatapos siyang hagupitin, siya ay kanilang papatayin, ngunit sa ikatlong araw siya ay babangon.”
[34] At wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. At ang pananalitang ito ay itinago mula sa kanila at hindi nila nalalaman ang mga bagay na sinasabi.
[35] At nangyari, na habang siya ay papalapit sa Jerico ay may isang lalaking bulag na nagpapalimos na nakaupo sa tabi ng daan.
[36] Nang narinig niya ang maraming taong dumadaan, tinanong niya kung ano kaya ito.
[37] At ibinalita nila sa kaniya na si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan.
[38] Kaya siya ay sumigaw na sinasabi, “Jesus, Anak ni David, kahabagan mo ako.”
[39] At sila na mga nauuna ay sinaway siya upang siya ay manahimik, ngunit lalung-lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David, kahabagan mo ako.”
[40] At nang tumigil si Jesus ay iniutos niya na dalhin siya sa kaniya. At nang lumapit ang bulag, siya ay tinanong ni Jesus
[41] na sinasabi, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ibig kong makakita.”
[42] Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tanggapin mo ang iyong paningin. Pinagaling ka na ng iyong pananampalataya.”
[43] At siya ay nakakita kaagad at sumunod sa kaniya na niluluwalhati ang Diyos, at ang lahat ng mga taong nakakita ay nagbigay ng papuri sa Diyos.