Skip to content
Opens in a new window

[1] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hinding-hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa kanilang makita na ang kaharian ng Diyos ay dumating na may kapangyarihan.”

[2] At pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan. Sila ay dinala niyang bukod sa mataas na bundok, na sila lang ang naroroon, at siya ay nagbagong-anyo sa harap nila.

[3] At ang kaniyang kasuotan ay naging makinang, napakaputing kagaya ng niyebe, na walang tagapagpaputi ng damit sa lupa ang makakapagpaputi ng gayon.

[4] Nagpakita sa kanila roon si Elias kasama si Moises at sila ay nakikipag-usap kay Jesus.

[5] At si Pedro ay sumagot na sinabi kay Jesus, “Rabbi, mabuti na kami ay naparito at makakagawa kami ng tatlong kubol: isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.”

[6] Sapagkat hindi niya alam ang kaniyang sasabihin dahil sila ay takot na takot.

[7] At nagkaroon ng ulap upang liliman sila at mayroong tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!”

[8] At kaagad, nang tumingin sila sa paligid, wala na silang nakitang sinuman kundi si Jesus na lamang na kasama nila.

[9] Habang sila ay bumababa mula sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus na huwag nilang masabi kaninuman ang kanilang nakita hanggang sa mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.

[10] Kaya iningatan nila sa kanilang sarili ang salitang ito at nagtatanungan sila sa isa't isa kung ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay mula sa mga patay.

[11] At siya ay tinanong nila, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na si Elias ay kinakailangan munang dumating?”

[12] Kaya sumagot si Jesus na sinabi sa kanila, “Tunay na darating muna si Elias, at kaniyang papanumbalikin ang lahat ng mga bagay, at paano ang nasusulat patungkol sa Anak ng Tao na siya ay magdadanas ng matinding paghihirap at siya ay hahamakin?

[13] Subalit sinasabi ko sa inyo na si Elias ay dumating na nga at ginawa sa kaniya ang anumang ibig nila ayon sa nasusulat patungkol sa kaniya.”

[14] At nang siya ay lumapit sa kaniyang mga alagad, nakita niya ang lubhang napakaraming tao na nakapalibot sa kanila, at ang mga eskriba ay nagtatanong sa kanila.

[15] At kaagad, nang nakita siya ng lahat ng napakaraming tao, sila ay labis na namangha at sa kanilang pagtakbo papalapit sa kaniya, siya ay binati nila.

[16] At tinanong niya ang mga eskriba, “Ano ang mga itinatanong ninyo sa kanila?”

[17] At sumagot ang isa mula sa napakaraming tao na sinabi, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na may piping espiritu.

[18] At kahit saan siya masunggaban nito, siya ay ibinabalibag nito, at bumubula ang kaniyang bibig at nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at siya ay nanunuyot. At nagsabi ako sa iyong mga alagad na palayasin nila ang espiritu ngunit wala silang kakayahan.”

[19] Ngunit nang sumagot si Jesus sa kaniya ay kaniyang sinabi, “O lahing walang pananampalataya, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”

[20] At siya ay dinala nila kay Jesus at pagkakita kay Jesus, kaagad na pinangisay ng espiritu ang bata at pagbagsak niya sa lupa siya ay pagulung-gulong na bumubula ang bibig.

[21] At tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa nangyari sa kaniya ang ganito?” At sinabi ng ama, “Mula pa sa pagkabata.

[22] At madalas siyang itapon sa apoy at sa tubig upang siya ay maipahamak, ngunit kung sa anumang paraan ay may magagawa ka, tulungan mo kami kaagad at mahabag ka sa amin.”

[23] Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung magagawa mong sumampalataya, ang lahat ay maaaring mangyari sa kaniya na sumasampalataya.”

[24] At kaagad sumigaw na may luha ang ama ng bata, na sinasabi, “Sumasampalataya ako, Panginoon, tulungan mo ako sa kawalan ko ng pananampalataya.”

[25] Ngunit nang nakita ni Jesus na patakbong dumarating na magkakasama ang napakaraming tao, sinaway niya ang karumal-dumal na espiritu. Sinabi niya, “Espiritu ng pipi at bingi, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka mula sa kaniya at kailanman ay huwag ka nang papasok sa kaniya.”

[26] At nang sumigaw ang espiritu at lubhang pinangisay ang bata, siya ay lumabas. At ang bata ay nagmistulang patay kaya marami ang nagsabi, “Siya ay namatay na.”

[27] At nang hinawakan siya ni Jesus sa kamay, siya ay ibinangon niya, at ang bata ay tumayo.

[28] At pagkapasok ni Jesus sa bahay, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong sa kaniya nang siya ay nag-iisa, “Bakit hindi namin siya mapalabas?”

[29] At sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay hindi makakayang palabasin maliban sa pananalangin at pag-aayuno.”

[30] At sa kanilang pag-alis mula roon, dumaan sila sa Galilea at hindi ibig ni Jesus na ito ay malaman ng sinuman

[31] sapagkat tinuruan niya ang kaniyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga tao at siya ay papatayin nila at sa kaniyang pagkamatay, sa ikatlong araw siya ay babangon.”

[32] Ngunit hindi nila naunawaan ang salitang iyon at natakot silang magtanong sa kaniya.

[33] At siya ay pumunta sa Capernaum at nang siya ay nasa bahay, sila ay tinanong niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo habang kayo ay nasa daan?”

[34] Ngunit sila ay tumahimik sapagkat ang pinagtalunan ng bawat isa sa kanila habang nasa daan ay kung sino ang pinakadakila.

[35] At nang umupo siya, tinawag niya ang labindalawang alagad at sinabi niya sa kanila, “Kung ninanais ng sinuman na maging una, siya ay maging huli sa lahat at tagapaglingkod ng lahat.”

[36] At pagkuha niya ng maliit na bata, pinatayo niya ito sa kalagitnaan nila at pagkayakap niya sa maliit na bata, sinabi niya sa kanila,

[37] “Kung ang sinuman ay tatanggap sa maliit na batang katulad nito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at kung ang sinuman ay tatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi siya na nagsugo sa akin.”

[38] Ngunit sumagot sa kaniya si Juan na sinasabi, “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo. Siya ay hindi sumusunod sa atin at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.”

[39] Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko at dali-daling makakapagsalita ng masama laban sa akin,

[40] sapagkat siya na hindi laban sa atin ay panig sa atin.

[41] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dahil kayo ay kay Cristo, ang sinumang magbibigay sa inyo ng isang basong tubig sa aking pangalan ay hinding-hindi mawawala ang kaniyang gantimpala.

[42] “Ngunit ang sinumang makakapagpatisod ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pa na ang gilingang-bato ay maibitin sa kaniyang leeg at siya ay maitapon na sa dagat.

[43] At kapag makakapagpatisod sa iyo ang iyong kamay, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa buhay na putol ang isang kamay kaysa sa may dalawang kamay na pumunta sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay

[44] kung saan ‘Ang kanilang uod doon ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi namamatay.’ Isa 66:24

[45] At kapag ang iyong paa ay makakapagpatisod sa iyo, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa buhay na putol ang isang paa kaysa sa may dalawang paa na itapon sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay

[46] kung saan ‘Ang kanilang uod doon ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi namamatay.’ Isa 66:24

[47] At kapag ang iyong mata ay makakapagpatisod sa iyo, dukutin mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa paghahari ng Diyos na iisa ang mata kaysa may dalawang mata na itapon sa impiyerno ng apoy

[48] kung saan ‘Ang kanilang uod doon ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi namamatay.’ Isa 66:24

[49] “Sapagkat ang bawat isa ay aasinan sa apoy at ang bawat hain ay aasinan sa asin.

[50] Ang asin ay mabuti, ngunit kapag ito ay mawalan ng alat, papaano ninyo ito mapapaalat? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters