Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling bayan at sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

[2] At nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga at ang karamihan sa mga nakikinig ay nanggilalas na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong mga bagay? At ano itong karunungan na ibinigay sa kaniya, na kahit ang ganitong mga makapangyarihang gawa ay nagagawa ng mga kamay niya?

[3] Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin dito ang kaniyang mga kapatid na babae?” At sila ay natisod sa kaniya.

[4] Subalit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay may karangalan maliban sa kaniyang sariling bayan, sa sarili niyang kamag-anak at sa sarili niyang sambahayan.”

[5] At si Jesus ay hindi makagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa maliban sa pagpatong ng kaniyang mga kamay sa ilang maysakit at sila ay pinagaling.

[6] At namangha siya dahil sa kanilang hindi pagsampalataya kaya siya ay pumunta sa palibot na mga nayon at nagturo roon.

[7] Tinawag niya ang labindalawang alagad at sinimulan niya silang isugo nang dala-dalawa at binigyan sila ng kapangyarihan laban sa mga karumal-dumal na espiritu.

[8] At sila ay pinagbilinan niya na huwag magdala ng anuman sa paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang supot, walang tinapay, walang salapi sa pamigkis

[9] maliban sa nakasuot nilang mga pangyapak at huwag magsuot ng dalawang tunika.

[10] At sinabi niya sa kanila, “Kapag pumasok kayo saan mang bahay, manatili kayo roon hanggang sa kayo ay makaalis.

[11] Ang sinumang hindi tatanggap o makikinig sa inyo, sa pag-alis ninyo roon, ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga talampakan bilang patotoo sa kanila. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, lalo pang madaling tiisin ang parusa sa Sodoma at Gomora kaysa sa lungsod na iyon sa araw ng paghuhukom.”

[12] At sa kanilang paghayo, ipinangaral nila sa mga tao na dapat silang magsisi,

[13] at sila ay nagpapalayas ng maraming demonyo at pinapahiran nila ng langis ang maraming maysakit at sila ay pinapagaling.

[14] Narinig ni Haring Herodes ang patungkol kay Jesus sapagkat naging tanyag na ang kaniyang pangalan, kaya sinabi niya, “Si Juan na tagapagbawtismo ay ibinangon mula sa mga patay at dahil dito, ang mga makapangyarihang gawa ay gumagana sa kaniya.”

[15] Ang iba ay nagsasabi, “Siya ay si Elias.” Sinasabi naman ng iba, “Siya ay propeta o katulad ng isa sa mga propeta.”

[16] Ngunit nang narinig ito ni Herodes, sinabi niya, “Ang taong ito ay si Juan, na pinugutan ko ng ulo, siya ay ibinangon mula sa mga patay.”

[17] Dahil mismong si Herodes ang nagsugo at dumakip kay Juan at gumapos sa kaniya sa bilangguan alang-alang kay Herodias, na kaniyang pinakasalan, na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe.

[18] Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa Kautusan na kunin mo ang asawa ng iyong kapatid.”

[19] Kaya si Herodias ay nagkikimkim ng galit kay Juan at kaniyang hinahangad na siya ay patayin ngunit hindi niya ito makakaya

[20] sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Dahil nalalaman niyang si Juan ay matuwid at banal na tao kaya siya ay binabantayan niya, at dahil nakinig siya kay Juan, maraming bagay siyang ginagawa at natutuwa siyang nakikinig sa kaniya.

[21] At pagdating ng pagkakataon, nang si Herodes ay naghanda ng hapunan sa kaniyang kaarawan para sa kaniyang matataas na opisyal, mga pinunong kapitan at mga pangunahing mamamayan ng Galilea,

[22] nang ang anak na babae ni Herodias ay pumasok at sumayaw, nasiyahan si Herodes at ang mga nakaupong kasama niya sa hapag-kainan. Kaya sinabi ng hari sa dalagita, “Hilingin mo sa akin ang anumang naisin mo at ibibigay ko sa iyo.”

[23] At nanumpa siya sa dalagita, “Ibibigay ko ang anumang hilingin mo kahit kalahati ng aking kaharian.”

[24] Kaya nang lumabas ang dalagita, tinanong niya ang kaniyang ina, “Ano ang hihilingin ko?” At sinabi ng ina, “Ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo.”

[25] At kaagad pumasok na may pagmamadali ang dalagita sa kinaroroonan ng hari at humiling na nagsasabi, “Ibig kong maibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa bandehado.”

[26] Kaya ang hari ay lubhang nagdalamhati, ngunit dahil sa kaniyang mga pinanumpaang pangako at sa mga panauhin, siya ay hindi niya matanggihan.

[27] At isinugo kaagad ng hari ang kaniyang pansariling tagapugot at inutusan na dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Kaya pagkaalis niya, pinugutan niya ng ulo si Juan doon sa bilangguan

[28] at dinala ang kaniyang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalagita at ibinigay naman ito ng dalagita sa kaniyang ina.

[29] Nang narinig ito ng kaniyang mga alagad, pumunta sila roon at kinuha ang kaniyang bangkay at inilagak nila ito sa libingan.

[30] At ang mga apostol ay sama-samang nagtipon kay Jesus at ibinalita sa kaniya ang lahat ng kanilang mga ginawa at lahat ng kanilang mga itinuro.

[31] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo! Kayo lamang, patungo sa isang ilang na dako at magpahinga kayo sandali” dahil sila na dumarating at sila na umaalis ay marami at wala na silang pagkakataong kumain.

[32] Kaya sila lamang ang umalis na nakasakay sa bangka patungo sa ilang na dako.

[33] At nakita ng napakaraming tao ang kanilang pag-alis at marami ang nakakilala kay Jesus, at sama-sama silang tumakbo mula sa lahat ng mga lungsod patungo roon at sila ay naunang dumating kaysa sa kanila at sama-samang lumapit kay Jesus.

[34] At pagkalunsad ni Jesus, nakita niya ang lubhang napakaraming tao at siya ay nahabag sa kanila sapagkat sila ay katulad ng mga tupang walang pastol, at sila ay sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.

[35] At pagkalipas ng maraming oras, lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad at kanilang sinabi, “Ito ay ilang na dako at lumipas na ang maraming oras.

[36] Paalisin mo na sila upang sa kanilang pagpunta sa mga karatig pook at sa mga nayon ay makabili ng mga tinapay para sa kanilang sarili sapagkat sila ay walang anumang makakain.”

[37] Subalit siya ay sumagot sa kanila na sinabi, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kaniya, “Aalis ba kami upang makabili ng halagang dalawandaang denaryong° tinapay upang mabigyan sila ng makakain?”

[38] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay ang mayroon kayo? Umalis kayo at tingnan ninyo.” Nang nalaman nila ay kanilang sinabi, “Limang tinapay at dalawang isda.”

[39] At sila ay inutusan niya upang paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.

[40] Kaya sila ay umupo nang ayon sa mga hanay ng isandaan at hanay ng limampu.

[41] Nang nakuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang maipamahagi sa kanila, at ang dalawang isda ay ipinamahagi niya sa lahat,

[42] at silang lahat ay kumain at nabusog.

[43] Kanilang pinulot ang mga pira-piraso ng tinapay at ng mga isda at napuno ang labindalawang bakol.

[44] At ang mga kumain ng mga tinapay ay halos limang libong lalaki.

[45] At inutusan kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at upang mauna sa kabilang ibayo patungong Betsaida hanggang sa mapauwi niya ang napakaraming tao.

[46] At nang sila ay napaluwas niya, siya ay umahon sa bundok upang manalangin.

[47] At pagsapit ng gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat, ngunit si Jesus ay nag-iisa sa lupa.

[48] At nakita niyang nahihirapan sila sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila. Nang malapit na ang ikaapat na pagbabantay sa gabi, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng dagat at ibig niyang lagpasan sila.

[49] Subalit pagkakita nila sa kaniya na naglalakad sa ibabaw ng dagat ay inakala nilang ito ay multo at sila ay sumigaw

[50] sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila ay nabalisa. Subalit kaagad siyang nagsalita sa kanila at sinabi sa kanila, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.”

[51] Siya ay sumakay sa kanilang bangka kaya humupa ang hangin at labis-labis silang nanggilalas at namangha

[52] sapagkat hindi nila naunawaan ang patungkol sa mga tinapay dahil tumigas na ang kanilang puso.

[53] At nang sila ay nakatawid na, dumating sila sa lupain ng Genesaret at dumaong sa dalampasigan.

[54] Nang nakababa sila mula sa bangka, si Jesus ay nakilala kaagad ng mga tao.

[55] Sila ay tumakbo sa palibot ng buong lupaing iyon at sinimulan nilang dalhin ang mga mayroong sakit na nakaratay sa higaan, saan man nila nababalitaan na naroroon siya.

[56] At saan man siya pumapasok, sa mga nayon, sa mga lungsod o sa mga karatig pook man, inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit at ipinamamanhik nila sa kaniya na kung maari ay mahawakan nila ang laylayan ng kaniyang kasuotan at ang sinumang nakakahawak nito ay napapagaling.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters