Skip to content
Opens in a new window

[1] Nagsimula muling magturo si Jesus sa tabi ng dagat at nagkatipon sa harap niya ang lubhang napakaraming tao, kaya siya ay sumakay upang umupo sa bangka na nasa dagat, ngunit ang lahat ng napakaraming tao ay nasa lupa sa tabi ng dagat.

[2] Sila ay tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sa kaniyang pagtuturo, sinabi niya sa kanila,

[3] “Makinig kayo! Narito, lumabas ang manghahasik upang maghasik.

[4] At nangyari, na sa kaniyang paghahasik ay may nahulog nga sa tabi ng daan at dumating ang mga ibon mula sa himpapawid at nilamon ito.

[5] At ang ilan ay nahulog sa lupang mababato na walang sapat na lupa. Ang mga ito ay sumibol kaagad dahil hindi malalim ang lupa.

[6] At sa pagsikat ng araw ay nalanta ito, at dahil naging walang ugat ito ay tuluyang natuyo.

[7] At ang ilan ay nahulog sa dawagan, at ang mga dawag ay lumago at sinakal ang mga ito kaya ang mga ito ay hindi nagbunga.

[8] At ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at ito ay namunga habang tumataas at lumalago. Ang isa ay nagbubunga ng tatlumpu, ang isa ay animnapu at ang isa ay isandaan.”

[9] At sinabi niya sa kanila, “Siya na mayroong mga tainga upang makinig, hayaan siyang makinig.”

[10] Nang nag-iisa na siya, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kaniya patungkol sa talinghaga.

[11] At sinabi niya sa kanila, “Ang makaalam ng hiwaga ng paghahari ng Diyos ay ibinigay na sa inyo, ngunit sa kanila na nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa talinghaga

[12] upang ‘sa pagtingin, sila ay makakita ngunit hindi makatalastas, at sa pagdinig, sila ay makarinig ngunit hindi makaunawa. Kung hindi gayon, sila ay manumbalik at ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad.’ ” Isa 6:9-10

[13] At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo maiintindihan ang lahat ng mga talinghaga?

[14] Yaong naghahasik ay naghahasik ng salita.

[15] Ito yaong mga nasa tabi ng daan kung saan ang salita ay naihasik. Sila yaong sa tuwing makarinig ng salita, dumarating kaagad si Satanas at kinukuha ang naihasik na salita sa kanilang mga puso.

[16] Gayundin naman, ito yaong mga naihasik sa mabatong mga lugar. Sila yaong sa tuwing makarinig ng salita, ito ay kaagad nilang tinatanggap na may galak.

[17] Ngunit sila ay walang ugat sa kanilang mga sarili, kaya sila ay pansamantalang nanatili.

[18] At ito yaong mga naihasik sa lugar ng mga dawag. Sila yaong mga nakakarinig ng salita,

[19] ngunit ang kabalisahan sa kapanahunang ito, ang pandaraya ng kayamanan at ang paghahangad sa ibang mga bagay na pumasok sa kanila ang sumisiksik sa salita at ito ay nagiging walang bunga.

[20] At ito yaong mga naihasik sa mabuting lupa. Sila yaong nakikinig at tumatanggap sa salita at nagbubunga, sa isa ay tatlumpu, sa isa ay animnapu at sa isa ay isandaan.”

[21] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Dinadala ba ang ilawan upang mailagay sa ilalim ng takalan o sa ilalim ng higaan? Hindi ba dapat mailagay ito sa lalagyan ng ilawan?

[22] Sapagkat walang anumang nakatago ang hindi mahahayag, ni ang nangyari sa lihim, sa halip, ito ay maibubunyag.

[23] Ang sinumang may mga tainga upang makinig, hayaan siyang makinig.”

[24] At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo kung ano ang inyong pinapakinggan. Sa panukat na inyong ipinapangsukat ay susukatin kayo, at sa inyo na mga nakikinig, ito ay idadagdag sa inyo,

[25] sapagkat siya na mayroon ay mabibigyan pa, ngunit siya na wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya.”

[26] At sinabi niya, “Ganito ang paghahari ng Diyos. Ito ay katulad sa isang tao na kapag maghasik ng binhi sa lupa,

[27] siya ay matutulog at babangon sa araw at gabi, at ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya alam kung paano,

[28] sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang buong butil sa uhay.

[29] Ngunit kapag mahinog na ang bunga, kaagad niyang isinusugo ang manggagapas sapagkat dumating na ang anihan.”

[30] At sinabi niya, “Sa ano natin maihahalintulad ang paghahari ng Diyos o sa aling talinghaga natin ito maihahambing?

[31] Ito ay katulad ng butil ng mustasa na kapag maitanim sa lupa, ito ay mas maliit kaysa sa lahat ng mga binhi na nasa lupa.

[32] Ngunit kapag ito ay maihasik, ito ay tutubo at nagiging higit na malaki sa lahat ng mga halaman, at nagkakaroon ito ng malalaking mga sanga upang ang mga ibon sa himpapawid ay makakasilong sa lilim nito.”

[33] Nangaral siya sa kanila ng salita sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, ayon sa kakayahan nilang makinig.

[34] At hindi siya nangaral sa kanila maliban sa mga talinghaga. Ngunit kapag siya at ang kaniyang mga alagad na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat.

[35] Sa araw na iyon, nang sumapit ang takipsilim, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

[36] At nang napauwi na nila ang napakaraming tao, isinama nila siya nang bukod sa bangka bagaman may kasama rin siyang maliliit na mga bangka.

[37] At dumating ang malakas na bagyo ng hangin at sinasalpok ng malalakas na alon ang bangka kaya napupuno na ito ng tubig.

[38] Siya ay natutulog na may unan sa hulihang bahagi ng bangka. At siya ay ginising nila at sinabi sa kaniya, “Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay napapahamak?”

[39] Sa kaniyang pagbangon, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumanatag ka! Tumahimik ka!” Kaya tumahimik ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.

[40] At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Paanong nagkagayon na wala kayong pananampalataya?”

[41] At natakot sila ng lubhang pagkatakot at nagsabi sila sa isa't isa, “Sino nga ba ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters