[1] Nang mga araw na iyon, ang mga tao ay lubhang napakarami at wala silang anumang makain, kaya tinawag ni Jesus na lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad na sinasabi sa kanila,
[2] “Ako ay nahahabag sa napakaraming tao sapagkat tatlong araw na silang nanatiling kasama ko at wala silang anumang makain,
[3] at kung pauwiin ko sila sa kanilang tirahan na hindi pa nakakakain, manlulupaypay sila sa daan sapagkat malayo pa ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”
[4] At sumagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, “Saan makakakuha ng tinapay ang sinuman upang mabusog ang mga taong ito na nasa ilang na dako?”
[5] Kaya tinanong niya sila, “Ilang tinapay ang mayroon kayo?” At sumagot sila, “Pito.”
[6] At iniutos niya sa napakaraming tao na umupo sa lupa. At nang nakuha niya ang pitong tinapay at nakapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay niya sa kaniyang mga alagad upang maipamahagi. At ibinahagi nila ang mga ito sa napakaraming tao.
[7] At sila ay mayroong ilang maliliit na isda. At nang kaniyang napagpala ang mga ito, kaniyang sinabi na ipamahagi rin sa kanila.
[8] Kaya sila ay kumain at nabusog. At kanilang pinulot ang lumabis na pira-pirasong tinapay at nakapuno sila ng pitong kaing.
[9] At ang mga nakakain ay halos apat na libo. Pagkatapos nito, sila ay pinauwi ni Jesus.
[10] At nang siya ay sumakay sa bangka kasama ng kaniyang mga alagad, nagtungo siya kaagad sa mga baybayin ng Dalmanuta.
[11] At lumabas ang mga Fariseo at nagsimula silang magtanong sa kaniya, na hinahanapan siya ng tanda mula sa langit upang subukin siya.
[12] At sa kaniyang malalim na pagdaing sa kaniyang espiritu ay sinasabi niya, “Bakit masikap na naghahanap ng tanda ang lahing ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang ibibigay na tanda sa lahing ito.”
[13] At pagkaiwan niya sa kanila at pagkasakay niyang muli sa bangka, siya ay tumawid sa kabilang ibayo.
[14] At nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay at wala silang dalang tinapay sa bangka maliban sa isa.
[15] At pinagbibilinan sila ni Jesus na sinasabi, “Masdan ninyo, mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at sa pampaalsa ni Herodes.”
[16] At sila ay nagbigay-katuwiran sa isa't isa na sinasabi, “Ito ay dahil wala tayong tinapay.”
[17] At nang nalaman ito ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagbigay-katuwiran na wala kayong tinapay? Hindi ba ninyo nalalaman, ni hindi nauunawaan? Pinatigas pa rin ba ang inyong puso?
[18] Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi ba ninyo naaalala?
[19] Nang pinagputul-putol ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang bakol na puno ng mga pira-pirasong tinapay ang inipon ninyo?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”
[20] “At nang pinagputul-putol ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing ang napuno ng mga pira-pirasong tinapay ang inipon ninyo?” Sinabi nila, “Pito.”
[21] At sinabi niya sa kanila, “Paanong ito ay hindi ninyo nauunawaan?”
[22] At siya ay pumunta sa Betsaida at kanilang dinala sa kaniya ang lalaking bulag at sila ay nagsumamo kay Jesus na mahawakan siya.
[23] Kaya nang hinawakan ni Jesus sa kamay ang lalaking bulag, siya ay inakay niyang palabas sa nayon. At nang dinuraan niya ang mga mata ng lalaki at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa lalaki, siya ay tinanong ni Jesus kung may nakikita siyang anuman.
[24] At nang siya ay tumingin, kaniyang sinabi, “Ako ay nakakakita ng mga tao na parang mga punongkahoy na naglalakad.”
[25] Pagkatapos niyaon, muling ipinatong ni Jesus ang kaniyang mga kamay sa mga mata ng bulag at muli siyang pinatingin at napanumbalik ang kaniyang paningin at malinaw niyang nakita ang lahat.
[26] At pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang bahay na sinasabi, “Huwag kang papasok sa nayon, ni huwag mo itong sasabihin sa kaninumang nasa nayon.”
[27] Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at habang sila ay nasa daan, tinanong sila ni Jesus na sinasabi, “Sino raw ako, ayon sa sinasabi ng mga tao?”
[28] At sila ay sumagot, “Si Juan na tagapagbawtismo, at ang sabi ng iba, si Elias, ngunit ang sabi ng iba, isa sa mga propeta.”
[29] At sinabi niya sa kanila, “Ngunit ayon sa inyo, sino naman ako?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, “Ikaw ang Cristo.”
[30] At sila ay pinagbawalan ni Jesus na huwag nilang masabi sa kaninuman ang patungkol sa kaniya.
[31] At siya ay nagsimula sa pagtuturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdanas ng matinding pagdurusa, at tatanggihan ng matatanda at ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ipapapatay at muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.
[32] At ang salitang ito ay hayagang sinabi ni Jesus sa kanila. Kaya isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang sawayin.
[33] Ngunit nang lumingon at nakita ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi, “Pumunta ka sa likuran ko, Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na para sa Diyos kundi ang mga bagay na para sa mga tao.”
[34] At nang tinawag ni Jesus upang lumapit sa kaniya ang napakaraming tao, kasama ang kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang ibig na ako ay sundan, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod siya sa akin
[35] sapagkat ang sinumang magnanais na ingatan ang kaniyang buhay ay mawawala ito, ngunit ang sinuman na ang kaniyang buhay ay mawawala alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ay maiingatan ito.
[36] Sapagkat ano ang mapapakinabangan ng tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan ngunit mapahamak ang kaniyang kaluluwa?
[37] O ano ang ibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?
[38] Sapagkat kapag ikakahiya ako at ang aking mga salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang lahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”