Skip to content
Opens in a new window

[1] Sama-samang nagkatipon patungo kay Jesus ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nagmula sa Jerusalem.

[2] Nang nakita nila ang ilan sa mga alagad ni Jesus na kumakain ng mga tinapay na may maruming mga kamay, ito ay ang hindi paghuhugas, sila ay kanilang pinulaan

[3] sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain maliban na sila ay makapaghugas ng kanilang mga kamay nang maigi, dahil pinanghahawakan nila ang kaugalian ng matatanda.

[4] Kapag sila ay galing sa pamilihan, hindi sila kumakain maliban na sila mismo ay makapaghugas. Marami pang ibang mga bagay ang kanilang tinanggap katulad ng paghugas ng saro, ng pitsel°, ng mga kagamitang tanso at ng mga higaan.

[5] Kaya tinanong siya ng mga Fariseo at ng mga eskriba, “Bakit hindi lumalakad ang iyong mga alagad ayon sa kaugalian ng matatanda, ngunit kumakain sila ng tinapay na hindi naghugas ng mga kamay?”

[6] Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tama ang ipinahayag ni Isaias patungkol sa inyo, mga mapagpaimbabaw. Ayon sa nasusulat, ‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin

[7] at sinasamba nila ako nang walang kabuluhan sa pagtuturo bilang katuruan ang mga kautusan ng mga tao.’ Isa 29:13

[8] Sapagkat iniwanan ninyo ang kautusan ng Diyos at inyong pinanghawakan ang mga kaugalian ng mga tao katulad ng paghuhugas ng mga pitsel at mga saro, at marami pang ibang mga bagay na ganito ang ginagawa ninyo.”

[9] At sinabi niya sa kanila, “Tama, ipinawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos upang masunod ninyo ang inyong kaugalian,

[10] sapagkat sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’ Exo 20:12; Deu 5:16 at ‘ang lumalapastangan sa kaniyang ama o ina, dapat siyang tapusin sa kamatayan.’ Exo 21:17; Lev 20:9

[11] Subalit sinasabi ninyo, ‘Kapag ang isang tao ay magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, “Ang anumang mula sa akin na kapaki-pakinabang sa inyo, ito ay Corban” ’ (na ang ibig sabihin ay handog sa Diyos)

[12] kaya pinahihintulutan ninyo siya na hindi na gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama at kaniyang ina,

[13] na winawalang kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong kaugalian na inyong ibinigay, at marami pang bagay na katulad nito ang ginagawa ninyo.”

[14] At pagkatawag ni Jesus sa napakaraming tao upang lumapit sa kaniya, sinabi niya sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ninyo.

[15] Walang anumang nasa labas ng tao na pumapasok sa kaniya ang makapagpaparumi sa kaniya kundi ang mga bagay na lumalabas sa kaniya, ang mga iyon ang nagpaparumi sa tao.

[16] Ang sinumang may tainga upang makinig, hayaan siyang makinig.”

[17] At nang nakapasok siya sa bahay mula sa napakaraming tao, tinatanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga.

[18] At sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay walang gayong pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na ang anumang bagay na ipinapasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya,

[19] sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan, at ito ay idinudumi sa palikuran, sa ganito ay nililinis ang lahat ng mga pagkain?”

[20] Kaya sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao, iyon ang nagpaparumi sa tao

[21] sapagkat sa loob, mula sa puso ng mga tao, nagmumula ang masasamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay,

[22] mga pagnanakaw, mga kasakiman, mga kasamaan, pandaraya, kahalayan, matang masama, paglapastangan, kayabangan at kahangalan.

[23] Ang lahat na masasamang bagay na lumalabas mula sa loob ang nagpaparumi sa tao.”

[24] Pagkatayo ni Jesus, siya ay pumunta mula roon patungo sa mga hangganan ng Tiro at Sidon. At pagkapasok niya sa bahay, ayaw niyang malaman ng sinuman na naroroon siya, ngunit hindi siya makapagtago

[25] sapagkat nang narinig ng babae, na may anak na batang babae na inaalihan ng karumal-dumal na espiritu, na naroroon si Jesus, siya ay pumunta at nagpatirapa sa kaniyang paanan.

[26] At hinihiling niya kay Jesus na palabasin ang demonyo mula sa kaniyang anak na babae, ngunit ang babae ay isang Griyego sa lahi ng taga-Sirofenicia.

[27] Subalit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hayaan mong unang mabusog ang mga anak, sapagkat hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.”

[28] Ngunit siya ay sumagot at sinabi kay Jesus, “Totoo, Panginoon! Sapagkat kahit ang mga anak ng aso na nasa ilalim ng hapag-kainan ay kumakain ng mga mumong nahuhulog mula sa mga anak.”

[29] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Dahil sa salitang ito, lumakad ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”

[30] Pagdating niya sa kaniyang bahay, natagpuan niya na nakalabas na ang demonyo, at ang kaniyang anak na babae ay nakahiga na sa higaan.

[31] At pagkaalis ni Jesus mula sa mga hangganan ng Tiro at Sidon, siya ay muling pumunta patungo sa dagat ng Galilea, na dumaan sa gitna ng mga hangganan ng Decapolis.

[32] At kanilang dinala kay Jesus ang lalaking bingi na nahihirapang magsalita at sila ay nagsumamo sa kaniya na maipatong niya sa lalaking ito ang kaniyang kamay.

[33] At nang nailayo siya nang bukod mula sa napakaraming tao, inilagay ni Jesus ang kaniyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, at pagkatapos dumura ni Jesus, hinawakan niya ang dila ng lalaki.

[34] Nang siya ay tumingala sa langit, siya ay dumaing at sinabi sa lalaki, “Efata” na ang ibig sabihin ay “Bumukas ka.”

[35] At ang mga tainga ng lalaki ay nabuksan kaagad at nakalag ang pumipigil sa kaniyang dila at nagsasalita na siya nang matuwid.

[36] Kaya binilinan sila ni Jesus na hindi nila ito dapat sabihin kaninuman. Ngunit habang sila ay pinagbabawalan, lalo naman nila itong ipinamamalita.

[37] At sila ay lubhang nanggigilalas na sinasabi, “Mabuti ang lahat ng kaniyang ginawa. Ginagawa niyang ang mga bingi ay makarinig at ang mga pipi ay makapagsalita.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters