[1] Ito ang simula ng ebanghelyo patungkol kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos
[2] tulad ng nasusulat sa aklat ng mga propeta, “Narito, isinusugo ko ang aking sugo na nauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.” Mal 3:1
[3] “May tinig ng isang sumisigaw sa ilang, ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.’ ” Isa 40:3
[4] Si Juan na tagapagbawtismo ay dumating sa ilang upang ipangaral ang bawtismo ng pagsisisi dahil sa kapatawaran ng mga kasalanan.
[5] At pumunta sa kaniya ang lahat ng mga nasa lalawigan ng Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. At silang lahat ay nagpabawtismo sa kaniya sa ilog Jordan, na ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan.
[6] At nakadamit si Juan ng kasuotang yari sa balahibo ng kamelyo at sa baywang niya ay may pamigkis na balat ng hayop. Ang kaniyang kinakain ay mga balang at pulut-pukyutan.
[7] At siya ay nangaral na sinasabi, “Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak.
[8] Kayo nga ay binawtismuhan ko sa pamamagitan ng tubig, ngunit kayo ay babawtismuhan niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.”
[9] At nangyari sa mga araw na iyon na si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea at binawtismuhan siya ni Juan sa ilog ng Jordan.
[10] At nang umaahon si Jesus mula sa tubig ay kaagad niyang nakita na nabuksan ang kalangitan at ang Espiritu na katulad ng kalapati ay bumababa sa kaniya.
[11] May tinig na nagmula sa langit na nagsasabi, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”
[12] At kaagad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
[13] Apatnapung araw siyang nanatili sa ilang at doon siya ay tinukso ni Satanas, at ang kasama niya roon ay mababangis na hayop. At pinaglingkuran siya ng mga anghel.
[14] Nang naipabilanggo si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos.
[15] Sinasabi niya, “Naganap na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Magsisi kayo at sampalatayanan ninyo ang ebanghelyo.”
[16] Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid niyang si Andres na naghahagis ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda.
[17] Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
[18] Kaya kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.
[19] Nang siya ay malayu-layo na, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan. Sila ay nasa bangka na naghahayuma ng kanilang mga lambat.
[20] At kaagad silang tinawag ni Jesus. Kaya iniwan nila sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ang mga upahang manggagawa, at sila ay sumunod na kaniya.
[21] Pagdating nila sa Capernaum, kaagad pumasok si Jesus sa sinagoga sa araw ng Sabat at siya ay nagturo.
[22] Sila ay nanggilalas sa kaniyang katuruan sapagkat sila ay tinuturuan niya katulad ng isang may kapamahalaan at hindi katulad ng mga eskriba.
[23] Sa kanilang sinagoga ay may sumisigaw na lalaking inaalihan ng karumal-dumal na espiritu
[24] na nagsasabi, “Hayaan mo kami! Ano ito sa iyo at sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami ay puksain? Kilala namin kung sino ka, ikaw ang Banal ng Diyos.”
[25] Sinaway siya ni Jesus na sinasabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kaniya!”
[26] Matapos siyang pangisayin ng karumal-dumal na espiritu at pasigawin na may malakas na tinig, ito ay lumabas mula sa kaniya.
[27] Silang lahat ay namangha kaya sila ay nagtanungan sa isa't isa na sinasabi, “Anong bagay ba ito? Anong bagong katuruan ito na kahit ang mga karumal-dumal na espiritu ay inuutusan niyang may kapamahalaan at sumusunod sila sa kaniya?”
[28] Kaya kumalat kaagad ang balita patungkol sa kaniya sa buong palibot ng Galilea.
[29] At pagkaalis nila sa sinagoga, sila ay pumunta kaagad sa bahay nina Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan.
[30] Ang babaing biyenan ni Simon ay nakaratay dahil siya ay nilalagnat kaya kaagad nilang sinabi kay Jesus ang patungkol sa kaniya.
[31] Nilapitan siya ni Jesus at hinawakan ang kaniyang kamay at ibinangon, at nawala kaagad ang kaniyang lagnat at naglingkod siya sa kanila.
[32] At sa pagsapit ng takipsilim, nang lumubog ang araw, dinala nila kay Jesus ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo,
[33] at ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pintuan.
[34] Marami siyang pinagaling na may iba't ibang sakit at nagpalayas siya ng maraming demonyo at hindi niya pinayagang magsalita ang mga demonyo sapagkat kilala nila kung sino siya.
[35] Kinaumagahan habang madilim pa, si Jesus ay bumangon at lumabas at pumunta siya sa liblib na lugar at doon ay nanalangin siya.
[36] Hinanap siya ni Simon at ng kaniyang mga kasama,
[37] at nang siya ay natagpuan nila, sinabi nila sa kaniya, “Hinahanap ka ng lahat.”
[38] Sinabi niya sa kanila, “Tayo na sa mga karatig-bayan upang makapangaral din ako roon sapagkat iyan ang layunin ng aking pagparito.”
[39] Kaya si Jesus ay nangaral sa buong Galilea sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
[40] May ketonging lumapit kay Jesus na namamanhik at naninikluhod, at sinabi sa kaniya, “Kung nais mo, malilinis mo ako!”
[41] Nahabag si Jesus, iniabot ang kaniyang kamay at hinawakan ang ketongin na sinasabi, “Ibig ko, maging malinis ka.”
[42] Pagkasabi nito sa kaniya ni Jesus, nawala kaagad ang ketong at luminis siya.
[43] Kaya mahigpit siyang binilinan ni Jesus at pinaalis kaagad
[44] na sinasabi sa kaniya, “Ingatan mong huwag sasabihin kaninuman ang nangyaring ito, sa halip ay humayo ka mismo at magpakita ka sa saserdote. Magdala ka ng handog para sa iyong pagkalinis ayon sa iniutos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”
[45] Ngunit nang siya ay lumabas, sinimulan niyang ipinamalita at ipinangalat sa marami ang nangyari. Dahil dito, hindi na hayagang makapasok sa lungsod si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas na mga liblib na pook, kaya pinuntahan siya ng mga taong nagmula sa iba't ibang dako.