Skip to content
Opens in a new window

[1] Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga taga-Gadara.

[2] Pagkababa ni Jesus mula sa bangka, kaagad siyang sinalubong ng lalaki na galing sa mga libingan, na may karumal-dumal na espiritu.

[3] Siya ay may tirahan sa mga libingan at walang sinuman ang makakagapos sa kaniya kahit pa sa pamamagitan ng mga tanikala

[4] sapagkat siya ay madalas nilang iginagapos ng mga pangaw at tanikala, ngunit nilalagot niya ang mga tanikala at pinagpuputol ang mga pangaw, at walang sinumang nakakapigil sa kaniya.

[5] Araw at gabi, sa mga kabundukan at sa mga libingan, siya ay palaging sumisigaw at sinusugatan niya ng bato ang kaniyang sarili.

[6] Subalit pagkakita niya kay Jesus mula sa malayo, siya ay tumakbo at sumamba sa kaniya.

[7] At nang siya ay sumigaw na may malakas na tinig, sinabi niya, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Isinasamo ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, huwag mo akong pahirapan.”

[8] Sapagkat sinabi sa kaniya ni Jesus, “Lumabas ka mula sa taong iyan, ikaw na karumal-dumal na espiritu!”

[9] At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” At siya ay sumagot, “Ang pangalan ko ay Lehiyon, sapagkat kami ay marami.”

[10] Kaya labis niyang ipinamamanhik sa kaniya na huwag silang palayasin mula sa lupaing iyon.

[11] Doon sa libis ng mga bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain.

[12] Kaya ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga demonyo na sinasabi, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang sa kanila kami pumasok.”

[13] At kaagad silang pinahintulutan ni Jesus. Kaya nang lumabas ang mga karumal-dumal na espiritu mula sa lalaki, sila ay pumasok sa mga baboy. At ang kawan, na halos dalawang libo, ay mabilis na tumakbong palusong sa matarik na bangin patungo sa dagat at sila ay nalunod sa dagat.

[14] Kaya ang mga tagapag-alaga ng mga baboy ay tumakbong patakas at ipinamalita ito sa lungsod at sa mga nayon, kaya pumunta roon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari.

[15] At lumapit sila kay Jesus at nakita nila na nakaupo, nakadamit at nasa wastong pag-iisip ang taong dating inaalihan ng mga demonyo na siyang nagkaroon ng lehiyon, kaya sila ay natakot.

[16] At isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa kaniya na inalihan ng mga demonyo at ang patungkol sa mga baboy.

[17] Kaya nagsimula silang mamanhik kay Jesus na umalis sa kanilang mga lupain.

[18] At nang sumakay na si Jesus sa bangka, ang inalihan ng mga demonyo ay nagsumamo na makasama siya sa kaniya.

[19] Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, sa halip ay sinabi niya sa kaniya, “Umuwi ka sa iyong bahay, sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila kung gaano kadakila ang ginawa sa iyo ng Panginoon at ikaw ay kinahabagan niya.”

[20] At siya ay umalis at nagsimulang maghayag sa Decapolis kung gaano kadakila ang ginawa ni Jesus sa kaniya, at ang lahat ay namangha.

[21] At nang si Jesus ay muling tumawid sa kabilang ibayo na sakay ng isang bangka, nagtipon sa kaniya ang lubhang napakaraming tao at siya ay nasa tabi ng dagat.

[22] At narito, lumapit ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo at pagkakita niya kay Jesus, nagpatirapa siya sa kaniyang paanan.

[23] At siya ay namanhik nang lubos na nagsasabi, “Nag-aagaw buhay ang anak kong dalagita. Sumama ka at ipatong mo ang inyong mga kamay sa kaniya upang siya ay mapagaling at siya ay mabuhay.”

[24] Kaya sumama si Jesus sa kaniya at sumunod sa kaniya ang lubhang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa kaniya.

[25] At mayroong isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,

[26] at siya ay nahirapang labis sa kamay ng maraming manggagamot, at kahit nagugol na ang lahat na mayroon siya, siya ay hindi pa rin napabuti, sa halip, siya ay naging lalong malubha.

[27] Nang narinig niya ang patungkol kay Jesus, siya ay pumunta mula sa likuran ng napakaraming tao at hinawakan niya ang kasuotan ni Jesus

[28] sapagkat sinabi niya, “Kapag mahawakan ko ang kaniyang kasuotan, ako ay gagaling.”

[29] At kaagad na naampat ang pag-agas ng kaniyang dugo at nalaman niya sa kaniyang katawan na siya ay gumaling na mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.

[30] At kaagad ngang nalaman ni Jesus sa kaniyang sarili na may kapangyarihang lumabas mula sa kaniya, kaya lumingon siya sa napakaraming tao, na sinasabi, “Sino ang humawak sa aking mga kasuotan?”

[31] Sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng napakaraming tao at sinasabi mo, ‘Sinong humawak sa akin?’ ”

[32] At tumingin siya sa paligid upang makita yaong gumawa nito.

[33] Kaya lumapit ang babae na natatakot at nanginginig dahil alam na niya ang nangyari sa kaniya, at nagpatirapa sa harap ni Jesus at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.

[34] Kaya sinabi ni Jesus, “Anak, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang may kapayapaan at gumaling ka mula sa sakit na nagpapahirap sa iyo.”

[35] Habang nagsasalita si Jesus, may mga taong dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na sinasabi, “Ang anak mong babae ay namatay na. Bakit inaabala mo pa ang Guro?”

[36] Ngunit nang narinig ni Jesus ang salitang ito, kaagad niyang sinabi sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, sumampalataya ka lang.”

[37] At hindi niya pinayagang sumunod sa kaniya ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan na kapatid ni Santiago.

[38] At siya ay dumating sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nakita niya ang kaguluhan at ang mga taong tumatangis at labis na nananaghoy.

[39] At nang nakapasok siya, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at tumatangis? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog.”

[40] At si Jesus ay kanilang pinagtawanan na may pangungutya. Ngunit nang napalabas na niya ang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga kasama niya at siya ay pumasok kung saan nakahiga ang bata.

[41] Habang hawak niya ang kamay ng bata, sinabi sa kaniya, “Talitha kumi,” na ang kahulugan ay, “Dalagita, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.”

[42] At bumangon kaagad ang dalagita. Siya ay labindalawang taong gulang na. Lubhang namagha and mga tao.

[43] Kaya mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na ito ay hindi dapat malaman ng kahit sino at sinabi rin niya na bigyan ang dalagita ng makakain.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters