Skip to content
Opens in a new window

[1] Kinaumagahan, ang mga punong saserdote ay kaagad bumuo ng sanggunian, kasama ang matatanda at ang mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Pagkagapos nila kay Jesus, siya ay dinala nila at ibinigay kay Pilato.

[2] At si Pilato ay nagtanong sa kaniya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Ngunit nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kaniya, “Ikaw ang nagsasabi.”

[3] At ang mga punong saserdote ay nagparatang sa kaniya ng maraming bagay ngunit wala siyang isinagot.

[4] Kaya si Pilato ay muling nagtanong sa kaniya na sinasabi, “Wala ka bang isinasagot na anuman? Tingnan mo kung gaano karami ang ipinaparatang nila laban sa iyo”

[5] Ngunit si Jesus ay wala pa ring anumang isinagot upang mamangha si Pilato.

[6] Subalit ayon sa kaugalian ng pista, siya ay magpapalaya sa kanila ng isang bilanggo, sinuman ang kanilang hilingin.

[7] At may isang lalaki na tinatawag na Barabas. Siya ay nakabilanggo kasama ang mga manghihimagsik na mga nakapatay sa isang pag-aalsa.

[8] Nang sumigaw ang napakaraming tao, nagsimula silang humiling kay Pilato na gawin ang ayon sa palagi niyang ginagawa para sa kanila.

[9] Ngunit sumagot si Pilato sa kanila na sinasabi, “Ibig ba ninyong palalayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

[10] Sinabi niya ito sapagkat alam niya na dahil sa inggit, si Jesus ay dinala ng mga punong saserdote sa kaniya.

[11] Ngunit inudyukan ng mga punong saserdote ang napakaraming tao, na sa halip ay si Barabas ang mapalaya para sa kanila.

[12] Subalit nang sumagot si Pilato, muli niyang sinabi sa kanila, “Ano ngayon ang ibig ninyong gawin ko sa kaniya na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”

[13] At muli silang sumigaw, “Ipako siya sa krus!”

[14] At sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ang masama na kaniyang ginawa?” Subalit lalo pa silang sumigaw, “Ipako siya sa krus!”

[15] Kaya sa pagnanais ni Pilato na mabigyang-lugod ang napakaraming tao, pinalaya niya si Barabas sa kanila at ibinigay niya si Jesus sa kanila pagkatapos niyang hagupitin, upang siya ay maipako sa krus.

[16] Kaya dinala siya ng mga kawal sa loob ng bulwagan na tinatawag na Pretorio at tinawag nilang magtipon ang buong batalyon.

[17] At siya ay dinamitan nila ng kulay ube at ipinutong nila sa kaniyang ulo ang nakatirintas na putong na tinik.

[18] At sila ay nagsimulang bumati sa kaniya na sinasabi, “Magalak ka, Hari ng mga Judio!”

[19] At siya ay kanilang hinampas ng tambo sa ulo at dinuraan siya, at sa kanilang pagluhod, siya ay sinamba nila.

[20] At pagkatapos nila siyang kutyain, hinubad nila sa kaniya ang kulay ubeng damit at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit. At siya ay kanilang dinala palabas upang ipako sa krus.

[21] At pagdaan ni Simon na taga-Cerene na dumating galing sa kaniyang bukid, siya ay pinilit nilang magbuhat ng krus ni Jesus. Siya ay ama nina Alejandro at Rufo.

[22] At dinala nila si Jesus sa dako ng Golgota na ang kahulugan ay Dako ng Bungo.

[23] At siya ay binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira upang kaniyang inumin, ngunit hindi niya ito tinanggap.

[24] At pagkatapos nila siyang ipako sa krus, pinaghati‑hatian nila ang kaniyang mga damit sa palabunutan, kung alin ang makukuha ng bawat isa.

[25] Ikatlo na ang oras nang siya ay ipinako nila sa krus.

[26] At ang nakaukit na nakasulat na paratang sa kaniya ay: ANG HARI NG MGA JUDIO.

[27] At kasama sa kaniya, ang dalawang tulisan ay kanilang ipinako sa krus, ang isa ay nasa bahaging kanan at ang isa ay nasa bahaging kaliwa niya.

[28] At naganap ang Kasulatan na nagsasabi, “Siya ay ibinilang sa mga hindi kumikilala sa kautusan.” Isa 53:12

[29] At siya ay nilapastangan ng mga dumaraan, na iniiling ang kanilang mga ulo at sinasabi, “Aba, ikaw na gigiba ng banal na dako ng templo at sa ikatlong araw ay itatayo ito,

[30] iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”

[31] Gayundin naman, sa pagkutya ng mga punong saserdote kasama ang mga eskriba, sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili.

[32] Cristo, Hari ng Israel, bumaba ka ngayon mula sa krus upang makita namin at maniwala kami.” At sila na mga kasama niyang ipinako sa krus ay umalipusta sa kaniya.

[33] Nang dumating ang ikaanim na oras, nagkaroon ng kadiliman sa buong lupain hanggang sa ikasiyam na oras.

[34] At sa ikasiyam na oras, sumigaw si Jesus na may malakas na tinig na nagsasabi, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” Ang kahulugan nito ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Awi 22:1

[35] Nang narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, sinabi nila, “Narito, tinatawag niya si Elias.”

[36] Ngunit nang tumakbo ang isang tao, pinuno niya ng maasim na alak ang isang espongha at inilagay niya sa isang tambo upang ipainom sa kaniya, at nagsabi, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.”

[37] At pagkasigaw ni Jesus na may malakas na tinig, nalagutan siya ng hininga.

[38] At ang tabing ng banal na dako ng templo ay napunit sa dalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba.

[39] Nang nakita ng senturion na nakatayo sa tapat ni Jesus, na sa ganoong pagsigaw ay nalagutan siya ng hininga, siya ay nagsabi, “Totoong ang taong ito ay ang Anak ng Diyos.”

[40] May mga babae ring nakatingin mula sa malayo, kabilang sa kanila sina Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Santiago na maliit at ni Jose, at si Salome

[41] (sila rin ang mga sumunod at naglingkod kay Jesus habang siya ay nasa Galilea,) at ang marami pang ibang babae na kasama niyang umahon sa Jerusalem.

[42] Nang sumapit na ang gabi, yamang noon ay Araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabat,

[43] dumating si Jose na mula sa Arimatea, na isang marangal na tagapayo at naghihintay rin sa paghahari ng Diyos. Siya ay naglakas‑loob na pumunta kay Pilato upang hilingin ang katawan ni Jesus.

[44] Ngunit nagtaka si Pilato na namatay na pala si Jesus, kaya pagkatawag niya sa senturion, itinanong niya kung matagal na siyang namatay.

[45] Nang nabatid niya ito sa senturion, ibinigay niya ang katawan kay Jose.

[46] Pagkatapos niyang bumili ng telang lino, ibinaba niya si Jesus at siya ay kaniyang binalot ng telang lino at inilagay sa libingan na iniuka mula sa bato, at iginulong niya ang bato sa bukana ng libingan.

[47] At nakita ni Maria na taga-Magdala at ni Maria na ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters