Skip to content
Opens in a new window

[1] Sumakay si Jesus sa bangka, naglayag at dumating sa kaniyang sariling lungsod.

[2] At narito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralitiko na nakahiga sa higaan. At nang nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatawad na sa iyo ang iyong mga kasalanan.”

[3] Narito, ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay naglalapastangan.”

[4] Si Jesus na nakakaalam ng kanilang mga kaisipan ay nagsabi, “Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso?

[5] Alin ba ang higit na madaling sabihin, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka at lumakad ka’?

[6] Ngunit upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaang magpatawad ng mga kasalanan sa lupa” (pagkatapos ay sinabi niya sa paralitiko), “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay.”

[7] Kaya siya ay tumindig at umalis patungo sa kaniyang bahay.

[8] Ngunit nang ito ay nakita ng napakaraming tao, sila ay namangha at niluwalhati nila ang Diyos na siyang nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

[9] At habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang lalaki na tinatawag na Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis. At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumindig at sumunod sa kaniya.

[10] At nangyari, nang si Jesus ay nakadulog sa hapag-kainan sa isang bahay, narito, dumating ang maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila ay dumulog sa hapag-kainan kasama ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.

[11] Nang nakita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit ang inyong Guro ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

[12] Ngunit nang narinig iyon ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.

[13] Subalit humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito, ‘Habag ang ninanais ko at hindi hain’ Ose 6:6 sapagkat ako ay hindi pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.”

[14] Pagkatapos nito ay lumapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay madalas na nag-aayuno ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?”

[15] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang magluksa ang mga anak ng silid-kasalan habang ang lalaking ikakasal ay kasama nila? Ngunit darating ang mga araw kung kailan kukunin mula sa kanila ang lalaking ikakasal. Pagkatapos nito sila ay mag-aayuno.

[16] At walang sinumang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat ang tagpi nito ay bumabatak sa damit at ang punit nito ay lalong lumalala.

[17] Hindi sila nagsasalin ng bagong alak sa mga lumang sisidlang-balat sapagkat, kapag magkagayon, pumuputok ang mga sisidlang-balat, nabubuhos ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Ngunit isinasalin nila ang bagong alak sa mga bagong sisidlang-balat at kapwa tumatagal ang mga ito.”

[18] Samantalang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno na sumasamba sa kaniya at nagsasabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae ngunit sumama ka sa akin at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya at siya ay mabubuhay.”

[19] Kaya si Jesus ay tumindig at sumama sa kaniya gayundin ang kaniyang mga alagad.

[20] At narito, isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa kaniya, mula sa likuran, at hinawakan ang laylayan ng kaniyang damit

[21] sapagkat sinabi ng babae sa kaniyang sarili, “Kapag mahawakan ko lamang ang kaniyang damit, ako ay gagaling.”

[22] Ngunit si Jesus ay lumingon at pagkakita niya sa babae ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” At ang babae ay gumaling mula sa oras ding iyon.

[23] Nang si Jesus ay dumating sa bahay ng pinuno at nakita niya ang mga tumutugtog ng plawta at ang napakaraming tao na nagkakagulo,

[24] sinabi niya sa kanila, “Lumabas kayo sapagkat ang batang babae ay hindi namatay kundi natutulog lamang.” At siya ay kanilang pinagtawanan.

[25] At nang napalabas na ang napakamaraming tao, siya ay pumasok at hinawakan niya ang kamay nito at ang batang babae ay bumangon.

[26] At ang katanyagan nito ay lumaganap sa buong lupaing iyon.

[27] Habang papaalis si Jesus doon, siya ay sinundan ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw at nagsasabi, “Anak ni David, mahabag ka sa amin.”

[28] At nang pumasok siya sa isang bahay, ang mga lalaking bulag ay lumapit sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumasampalataya ba kayo na ito ay makakaya kong gawin?” Sinabi nila sa kaniya, “Oo, Panginoon.”

[29] Pagkatapos nito ay hinawakan niya ang kanilang mga mata na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”

[30] At namulat ang kanilang mga mata. Ngunit mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na sinasabi, “Ingatan ninyong huwag itong malaman ng sinuman.”

[31] Ngunit nang sila ay nakaalis, ipinamalita nila ang katanyagan ni Jesus sa buong lupaing iyon.

[32] At habang sila ay papaalis, narito, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.

[33] At nang napalayas niya ang demonyo, ang pipi ay nagsalita at ang napakaraming tao ay namangha na sinasabi, “Kailanman ay wala pang nakitang ganito sa Israel.”

[34] Ngunit sinabi ng mga Fariseo, “Siya ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”

[35] At ang lahat ng mga lungsod at mga nayon ay nilibot ni Jesus na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at ipinapahayag ang ebanghelyo ng paghahari at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman ng mga tao.

[36] Ngunit nang makita niya ang napakaraming tao, siya ay nahabag sa kanila sapagkat sila ay nanlulupaypay at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol.

[37] Pagkatapos nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Totoong marami ang anihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa.

[38] Dumalangin nga kayo sa Panginoon ng anihan upang magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Mateo — Chapters