[1] Lumapit ang mga Fariseo at ang mga Saduseo, sa kanilang panunubok, hiniling nila sa kaniya na magpakita siya sa kanila ng tanda mula sa langit.
[2] Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sa pagsapit ng gabi, sinasabi ninyo, ‘Mabuti ang panahon dahil pumupula ang langit.’
[3] At sa umaga ay sinasabi ninyo, ‘Ngayong araw, masama ang panahon dahil pumupula at kumukulimlim ang langit.’ Mga mapagpaimbabaw! Marurunong nga kayong kilalanin ang anyo ng langit subalit hindi ninyo kaya ang mga tanda ng mga nakatakdang panahon.
[4] Ang lahing masama at mapangalunya ay naghahanap ng tanda ngunit walang ibibigay na tanda sa kaniya maliban sa tanda ni Jonas na propeta.” At sila ay kaniyang iniwan at umalis.
[5] At nang ang kaniyang mga alagad ay nakarating sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng mga tinapay.
[6] Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Magbantay kayo at mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at ng mga Saduseo.”
[7] Ngunit sila ay nagbigay-katuwiran sa kanilang mga sarili na sinasabi, “Ito ay dahil wala tayong dinalang mga tinapay.”
[8] Ngunit dahil ito ay alam ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Kayong maliit ang pananampalataya, bakit kayo nagbigay-katuwiran sa inyong mga sarili na hindi kayo nagdala ng mga tinapay?
[9] Hindi pa ba ninyo nauunawaan, ni naaalala ang limang tinapay ng limang libo, at ilang bakol ang inyong nakuha?
[10] O kaya ang pitong tinapay ng apat na libo, at ilang kaing ang inyong nakuha?
[11] Bakit hindi ninyo nauunawaan na hindi patungkol sa tinapay ang sinabi ko sa inyo? Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Fariseo at ng mga Saduseo.”
[12] Pagkatapos nito ay naunawaan nila na hindi niya sinabi na mag-ingat sila sa pampaalsa ng tinapay kundi sa katuruan ng mga Fariseo at ng mga Saduseo.
[13] At nang nakarating si Jesus sa mga lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kaniyang mga alagad, na sinasabi, “Sino ako na Anak ng Tao ayon sa sinasabi ng mga tao?”
[14] At sinabi nila, “Ang ilan: si Juan na tagapagbawtismo, sa iba si Elias, sa mga iba pa si Jeremias o isa sa mga propeta.”
[15] Sinabi niya sa kanila, “Ngunit kayo, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?”
[16] At sumagot si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”
[17] Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at ng dugo kundi ng aking Ama na siyang nasa langit.
[18] At ako naman ang nagsasabi sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya at ang mga tarangkahan ng Hades ay hindi mananaig laban sa kaniya.
[19] At ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng paghahari ng langit. At kung anuman ang iyong talian sa lupa ay natalian na sa langit at kung anuman ang iyong kalagan sa lupa ay nakalagan na sa langit.”
[20] Pagkatapos nito ay kaniyang pinagbilinan ang kaniyang mga alagad na huwag nilang sasabihin kahit kaninuman na siya ay si Jesus, ang Cristo.
[21] Mula noon ay sinimulan nang ipakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem upang maghirap ng labis mula sa matatanda at sa mga punong saserdote at sa mga eskriba. At siya ay papatayin subalit muling ibabangon sa ikatlong araw.
[22] At siya ay isinama ni Pedro at sinimulan siyang sawayin na sinasabi, “Panginoon, huwag nawang mangyari sa iyo. Hinding-hindi ito mangyayari sa iyo.”
[23] Ngunit nang siya ay lumingon at kaniyang sinabi kay Pedro, “Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ikaw ay hadlang sa akin sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.”
[24] Pagkatapos nito ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod siya sa akin.
[25] Ito ay sapagkat ang sinumang magnanais na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay masusumpungan ito.
[26] Dahil ano ang napapakinabangan ng isang tao kapag makamtan niya ang buong sanlibutan at mapahamak ang kaniyang kaluluwa? O ano ang ibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang kaluluwa?
[27] Sapagkat ang Anak ng Tao ay malapit ng dumating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos nito ay gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang gawa.
[28] “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi makakaranas ng kamatayan hanggang sa kanilang makita ang Anak ng Tao na dumarating sa kaniyang kaharian.”