Skip to content
Opens in a new window

[1] Nang si Jesus ay bumaba mula sa bundok, siya ay sinundan ng lubhang napakaraming tao.

[2] At narito, may lumapit na isang ketongin at sinamba siya na nagsasabi, “Panginoon kung nanaisin mo ay makakaya mong linisin ako.”

[3] Iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya na nagsasabi, “Ninanais ko. Maging malinis ka.” At ang kaniyang ketong ay nalinis kaagad.

[4] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ingatan mo na hindi ito masabi kaninuman sa halip ay humayo ka at ipakita mo ang iyong sarili sa saserdote at maghain ka ng kaloob ayon sa inutos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”

[5] Nang pumasok si Jesus sa Capernaum, isang senturion ang lumapit sa kaniya at nagsusumamo sa kaniya

[6] na nagsasabi, “Panginoon, nakaratay sa bahay ang aking lingkod na lumpo at lubhang nahihirapan.”

[7] Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ay paroroon at pagagalingin siya.”

[8] Ngunit ang senturion ay sumagot at sinabi, “Panginoon, ako ay hindi karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa aking bahay. Ngunit sabihin mo lamang ang salita at mapapagaling mo ang aking lingkod

[9] sapagkat ako rin ay isang taong nasa ilalim ng kapamahalaan na may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo. At sa iba, ‘Pumarito ka,’ at siya ay pumaparito. At sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito ay kaniyang ginagawa.”

[10] Namangha si Jesus nang ito ay narinig niya kaya sinabi niya sa kanila na sumusunod, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko pa natagpuan sa Israel ang ganito kalaking pananampalataya.

[11] At sinasabi ko sa inyo na marami ang darating na nagmula sa silangan at kanluran at mauupong kasama ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit.

[12] Ngunit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

[13] At sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka at mangyari ang ayon sa iyong pananampalataya.” At ang kaniyang lingkod ay gumaling sa oras ding iyon.

[14] At nang dumating si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay at nilalagnat.

[15] At hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang kaniyang lagnat. At siya ay bumangon at naglingkod sa kanila.

[16] Kinagabihan, dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat na mga maysakit

[17] upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias na nagsasabi, “Kinuha niya ang ating mga karamdaman at dinala niya ang ating mga sakit.” Isa 53:4

[18] Nang nakita ni Jesus ang lubhang napakaraming tao sa palibot niya, siya ay nag-utos upang tumawid patungo sa kabilang ibayo.

[19] At may isang eskribang lumapit sa kaniya na nagsabi, “Guro, susunod ako sa iyo kahit saan ka man pupunta.”

[20] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.”

[21] At isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi sa kaniya, “Panginoon, pahintulutan mo muna ako na umuwi at ilibing ang aking ama.”

[22] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sumunod ka sa akin at hayaan mo ang mga patay na ilibing ang kanilang mga patay.”

[23] At pagkasakay niya sa bangka, sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

[24] At narito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa dagat kung kaya ang bangka ay naaapawan ng malalakas na alon ngunit si Jesus ay natutulog.

[25] Kaya lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at ginising siya na nagsasabi, “Panginoon, iligtas mo kami, kami ay napapahamak.”

[26] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot, O kayong maliit ang pananampalataya?” At pagkabangon niya ay kaniyang sinaway ang mga hangin at ang dagat at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.

[27] Kaya ang mga tao ay namangha na nagsasabi, “Anong uri ng tao ito na kahit ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”

[28] At nang dumating siya sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaki na inaalihan ng mga demonyo. Sila ay mula sa mga libingan at sila ay lubhang mababangis, kung kaya walang sinuman ang may kakayahang dumaan sa daang iyon.

[29] At narito, sila ay sumigaw na nagsasabi, “Ano ito sa amin at sa iyo, Jesus, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang kami ay pahirapan bago dumating ang panahon?”

[30] Sa hindi kalayuan mula sa kanila ay may kawan ng maraming baboy na nanginginain.

[31] Kaya nagsumamo sa kaniya ang mga demonyo na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.”

[32] Kaya sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” At pagkalabas nila, sila ay pumasok sa kawan ng mga baboy, at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay tumakbong palusong sa bangin patungo sa dagat at ang mga ito ay namatay sa tubig.

[33] At ang mga tagapag-alaga niyaon ay tumakbo at nang sila ay nakarating sa lungsod, kanilang ipinamalita ang lahat maging ang mga nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo.

[34] Kaya narito, ang buong lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. At nang siya ay nakita nila, sila ay nagsumamo na siya ay umalis mula sa mga hangganan ng kanilang lupain.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Mateo — Chapters