[1] Nangyari nang si Jesus ay natapos na sa pagbibigay ng utos sa kaniyang labindalawang alagad, siya ay umalis doon upang magturo at magpahayag sa kanilang mga lungsod.
[2] At nang narinig ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, siya ay nagsugo ng dalawa sa kaniyang mga alagad
[3] at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba yaong pumaparito, o iba ang hinihintay namin?”
[4] Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo at ibalita ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong naririnig at nakikita:
[5] Ang mga bulag ay nakakakita at ang mga lumpo ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis at ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay ibinabangon at ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mga dukha.
[6] At pinagpala ang sinumang hindi matitisod sa akin.”
[7] At pagkaalis nila, si Jesus ay nagsimulang magsalita sa napakaraming tao patungkol kay Juan. “Ano ba ang ipinunta ninyo sa ilang na nais ninyong pagmasdan? Isang tambo ba na inuuga ng hangin?
[8] Ngunit ano ba ang inyong ipinunta na nais ninyong makita? Isang tao ba na nakadamit ng malambot na kasuotan? Narito, sila na nagdadamit ng malalambot ay nasa mga bahay ng mga hari.
[9] Ngunit ano ba ang inyong ipinunta upang makita? Isang propeta ba? Oo, sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta
[10] sapagkat siya ito, yaong tinutukoy sa nasusulat, ‘Narito, isinusugo ko ang aking sugo na nauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.’ ” Mal 3:1
[11] “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang tumindig na higit kaysa kay Juan na tagapagbawtismo. Ngunit ang pinakamaliit sa paghahari ng langit ay higit kaysa sa kaniya.
[12] At mula sa mga araw ni Juan na tagapagbawtismo hanggang sa ngayon, ang paghahari ng langit ay nagdurusa ng karahasan at ito ay inaagaw ng mga mararahas
[13] sapagkat ang lahat ng mga Propeta at ang Kautusan ay naghahayag hanggang kay Juan.
[14] At kung ninanais ninyong tanggapin, siya ang Elias na siyang inaasahang darating.
[15] Siya na may mga tainga upang makinig, hayaan siyang makinig.
[16] “Ngunit saan ko ihahalintulad ang lahing ito? Ito ay katulad ng mga batang nakaupo sa mga pamilihan at sumisigaw sa kanilang mga kasama
[17] at sinasabi, ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta ngunit hindi kayo sumayaw. Nanaghoy kami sa inyo ngunit hindi kayo tumangis.’
[18] “Sapagkat si Juan ay dumating na hindi kumakain, ni umiinom kaya sinasabi nila, ‘Siya ay may demonyo.’
[19] Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinasabi nila, ‘Narito, ang taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’ Ngunit ang karunungan ay pinaging-matuwid ng kaniyang mga anak.”
[20] Pagkatapos nito, siya ay nagsimulang sumbatan ang mga lungsod kung saan naganap ang pinakamarami sa kaniyang makapangyarihang mga gawa, sapagkat hindi sila nagsisi.
[21] “Sa iyong aba, Corazin! Sa iyong aba, Betsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyahirang gawa na nangyari sa inyo ay nangyari sa Tiro at Sidon, sila ay matagal na sanang nagsisi na nasa kasuotang-sako at abo.
[22] Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo, magiging mas madaling tiisin ang sa Tiro at sa Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa sa inyo.
[23] At ikaw Capernaum, ikaw na itinaas hanggang sa langit, ikaw ay ibababa hanggang sa Hades sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na nangyari sa iyo ay nangyari sa Sodoma, nananatili sana sila hanggang sa araw na ito.
[24] Gayunpaman ay sinasabi ko sa inyo na magiging mas madaling tiisin ang sa lupain ng Sodoma sa araw ng paghuhukom kaysa sa inyo.”
[25] Sa panahong iyon, si Jesus ay sumagot at sinabi, “O Ama, ipinagbubunyi kita, Panginoon ng langit at ng lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at marurunong, ngunit ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol.
[26] Gayon nga Ama, sapagkat ito nga ay naging kaluguran sa iyong paningin.
[27] Ang lahat ay ipinagkaloob sa akin ng aking Ama at walang sinumang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, ni walang sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at sa sinumang ibig na pagpahayagan ng Anak.
[28] Pumarito kayo sa akin, kayong lahat na nagpapagal at nabibigatang lubha, bibigyan ko kayo ng kapahingahan.
[29] Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mapagpakumbaba sa puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan sa inyong mga kaluluwa
[30] sapagkat ang aking pamatok ay madali at ang aking pasanin ay magaan.”