Skip to content
Opens in a new window

[1] At si Jesus ay muling sumagot at nagsalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga na sinasabi,

[2] “Ang paghahari ng langit ay inihalintulad sa tao, sa isang hari, na gumawa ng piging ng kasalan para sa kaniyang anak na lalaki.

[3] At isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga naanyayahan para sa piging ng kasalan, ngunit ayaw nilang pumunta.

[4] Muli, siya ay nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga naanyayahan, “Narito, ang aking piging ay inihanda ko na. Ang aking mga toro at mga pinatabang baka ay kinatay na at handa na ang lahat. Halina na kayo sa piging ng kasalan.” ’

[5] Ngunit sila na hindi nagpahalaga ay umalis, ang isa nga ay patungo sa kaniyang bukid at ang isa ay patungo sa kaniyang kalakal.

[6] Ngunit hinuli ng mga naiwan ang kaniyang mga alipin at sila ay inalipusta at sila ay pinatay.

[7] Subalit nang narinig ito ng hari, siya ay labis na nagalit at isinugo niya ang kaniyang mga hukbo at pinuksa nila ang mga mamamatay taong iyon at sinunog ang kanilang lungsod.

[8] Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin, ‘Ang piging ng kasalan ay talagang handa na, ngunit ang mga naanyayahan ay hindi karapat-dapat.

[9] Kaya pumunta kayo sa mga lagusan ng mga daan at gaano man karami ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging ng kasalan.’

[10] Kaya lumabas ang mga aliping iyon sa mga daan at kanilang tinipon ang lahat gaano man karami ang kanilang natagpuan, kapwa ang mga masama at ang mga mabuti. At ang kasalan ay napuno ng mga panauhin.

[11] “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, siya ay nakakita ng isang lalaki roon na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan.

[12] At sinabi niya sa kaniya, ‘Kaibigan, papaano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Ngunit siya ay nanahimik.

[13] Kaya sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod, ‘Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay at siya ay dalhin ninyo at itapon sa kadilimang nasa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

[14] “Sapagkat marami ang tinawag ngunit kaunti ang pinili.”

[15] Pagkatapos nito ay umalis ang mga Fariseo at nagkaroon ng pagsanggunian kung paano nila mahuli si Jesus sa kaniyang pananalita.

[16] Kaya isinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga Herodiano na nagsasabi, “Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan, at ikaw ay walang itinatanging sinuman sapagkat ikaw ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng tao.

[17] Kaya sabihin mo sa amin, Ano sa iyong palagay? Ipinahihintulot ba na magbigay ng buwis kay Cesar o hindi?”

[18] Ngunit dahil sa alam ni Jesus ang kanilang kasamaan ay kaniyang sinabi, “Mga mapagpaimbabaw, bakit ninyo ako sinusubok?

[19] Ipakita ninyo sa akin ang perang para sa buwis.” Kaya dinala nila sa kaniya ang isang denaryo°.

[20] At sinabi niya sa kanila, “Kaninong anyo at sulat ang nakatatak dito?”

[21] Sinabi nila sa kaniya, “Kay Cesar.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kaya ibigay ninyo kay Cesar ang ukol kay Cesar at ibigay ninyo sa Diyos ang ukol sa Diyos.”

[22] At sila ay namangha nang ito ay kanilang narinig at iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.

[23] Sa araw na iyon ay pumunta sa kaniya ang mga Saduseo, sila na nagsasabi na walang muling pagkabuhay, at sila ay nagtanong sa kaniya

[24] na sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘kapag ang sinumang lalaki ay mamatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ang kaniyang asawang babae upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki.’ Deu 25:5

[25] Ngunit sa amin, mayroong pitong magkakapatid na lalaki at ang panganay ay namatay pagkatapos magpakasal. At dahil siya ay walang anak, iniwan niya ang kaniyang asawang babae sa kaniyang nakababatang kapatid na lalaki.

[26] Gayundin ang nangyari sa pangalawa at sa pangatlo hanggang sa pangpito.

[27] At sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae.

[28] Kung gayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang magiging asawa niya? Sapagkat silang lahat ay naging asawa niya.”

[29] Ngunit si Jesus ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kayo ay naliligaw dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Diyos

[30] sapagkat sa muling pagkabuhay, sila ay hindi na nag-aasawa, ni ipinapakasal. Ngunit sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit.

[31] Subalit patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos, na sinasabi,

[32] ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Exo 3:6, 15Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.”

[33] Ngunit nang narinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang katuruan.

[34] Subalit nang narinig ng mga Fariseo na pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon doon.

[35] At ang isa sa kanila na dalubhasa sa kautusan ay nagtanong na sinusubok siya, na sinasabi,

[36] “Guro, alin ang dakilang utos sa Kautusan?”

[37] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “ ‘Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Deu 6:5

[38] Ito ang una at dakilang utos.

[39] At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Iibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.’ Lev 19:18

[40] Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan at ang mga Propeta.”

[41] At tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon,

[42] na sinasabi, “Ano ang inyong palagay patungkol kay Cristo? Kanino siyang anak?” Sinabi nila sa kaniya, “Kay David.”

[43] Sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, paano siya tinawag ni David sa Espiritu, ‘Panginoon,’ na sinasabi,

[44] ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa aking bahaging kanan hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa”’? Awi 110:1

[45] Yamang tinawag nga siya ni David, ‘Panginoon,’ paanong siya ay naging kaniyang anak?”

[46] At wala ni isang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala nang sinumang naglakas-loob na tanungin siya simula sa araw na iyon.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Mateo — Chapters