Skip to content
Opens in a new window

[1] Sa panahong iyon ay narinig ni Herodes na tetrarka ang katanyagan ni Jesus.

[2] At sinabi niya sa kaniyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay muling bumangon mula sa mga patay at dahil dito, ang mga makapangyarihang gawa ay gumagawa sa pamamagitan niya.”

[3] Sapagkat si Herodes ang dumakip kay Juan at gumapos sa kaniya at nagdala sa bilangguan alang-alang kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe,

[4] dahil si Juan ang nagsabi sa kaniya, “Hindi ipinapahintulot na angkinin mo siya.”

[5] Bagamat ninanais niya na ipapatay si Juan, siya ay natakot sa napakaraming tao sapagkat siya ay ibinilang nila na isang propeta.

[6] Ngunit nang naganap ang kaarawan ni Herodes, ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw sa kalagitnaan at pinasaya si Herodes.

[7] Kaya siya ay nagpahayag ng pangako na ibibigay sa kaniya ang anumang hihilingin niya.

[8] At sa paghudyat ng kaniyang ina ay kaniyang sinabi, “Ipagkaloob mo sa akin dito ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakapatong sa bandehado.”

[9] Nagdalamhati ang hari, ngunit dahil sa kaniyang mga pangako at sa mga nakadulog sa hapag-kainan, iniutos niya na maibigay ito.

[10] Kaya siya ay nagsugo at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.

[11] At ang kaniyang ulo ay dinala na nakapatong sa bandehado at ibinigay sa dalaga at kaniyang dinala ito sa kaniyang ina.

[12] At ang mga alagad ni Juan ay dumating at kinuha ang kaniyang katawan at inilibing ito. Pagkatapos ay pumaroon sila at ibinalita kay Jesus.

[13] At nang ito ay narinig ni Jesus, siya ay umalis doon sa pamamagitan ng bangka patungo sa ilang na lugar na nag-iisa. At nang narinig ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kaniya nang naglalakad mula sa mga lungsod.

[14] At nang lumabas si Jesus, nakita niya ang lubhang napakaraming tao at siya ay nahabag sa kanila at pinagaling niya yaong mga maysakit sa kanila.

[15] At sa pagsapit ng takipsilim, ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya na sinasabi, “Ito ay isang ilang na lugar at lumipas na ang oras. Pauwiin mo ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa mga nayon at makabili ng mga pagkain para sa kanilang sarili.”

[16] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nila kinakailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.”

[17] At sinabi nila sa kaniya, “Wala tayong anuman dito maliban sa limang tinapay at dalawang isda.”

[18] Kaya sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin ang mga iyon.”

[19] At inutusan niya ang napakaraming tao na umupo sa damuhan. At pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, siya ay tumingala sa langit at kaniyang pinagpala at pagkatapos niyang pinagputol-putol ang mga tinapay ay kaniyang ibinigay sa kaniyang mga alagad at ang mga alagad sa napakaraming tao.

[20] At silang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay inipon nila ang mga lumabis na mga piraso ng tinapay at napuno ang labindalawang bakol.

[21] At sila na nakakain ay halos limang libong lalaki bukod sa mga babae at mga bata.

[22] At inutusan kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at mauna sa kaniya sa kabilang ibayo hanggang sa mapauwi niya ang napakaraming tao.

[23] At nang napaalis na niya ang napakaraming tao, siya ay umahon sa bundok na nag-iisa upang manalangin. At nang sumapit na ang gabi, siya ay mag-isa roon,

[24] ngunit ang bangka ay nasa kalagitnaan na ng dagat na sinasalpok ng malalakas na alon sapagkat ang hangin ay pasalungat.

[25] At sa ikaapat na pagbabantay sa gabi, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng dagat.

[26] At nang siya ay nakita ng mga alagad na naglalakad sa ibabaw ng dagat, sila ay nabalisa na sinasabi, “Ito ay multo!” At sila ay sumigaw dahil sa takot.

[27] Ngunit nagsalita kaagad si Jesus sa kanila na sinasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob, ako ito, huwag kayong matakot.”

[28] Kaya sumagot sa kaniya si Pedro na nagsasabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo ako na pumunta sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

[29] At sinabi niya, “Halika.” At si Pedro ay bumaba mula sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus.

[30] Ngunit nang makita niya ang malakas na hangin siya ay natakot at nagsimula nang lumubog, kaya siya ay sumigaw na nagsasabi, “Panginoon, iligtas mo ako.”

[31] Kaya kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya at sinabi sa kaniya, “Ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

[32] At nang sila ay nakasakay na sa bangka, humupa ang hangin.

[33] Kaya sila na nasa bangka ay lumapit at sumamba kay Jesus na sinasabi, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”

[34] At nang sila ay nakatawid na, dumating sila sa lupain ng Genesaret.

[35] Nang siya ay nakilala ng mga kalalakihan sa lugar na iyon, ipinamalita nila sa lahat ng lupaing nakapalibot at dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga maysakit.

[36] Isinamo nila sa kaniya na mahawakan man lang sana nila ang laylayan ng kaniyang damit. At ang bawat isang humawak nito ay gumaling nang lubos.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Mateo — Chapters