[1] “Sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang tao na may-ari ng sambahayan, na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kaniyang ubasan.
[2] At pagkatapos niyang nakipagkasundo sa mga manggagawa na isang denaryo° sa isang araw, sila ay isinugo niya sa kaniyang ubasan.
[3] At nang siya ay lumabas bandang ikatlong oras, nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang na walang ginagawa.
[4] At sinabi niya sa kanila, ‘Kayo ay pumunta rin sa ubasan at kung anuman ang nararapat ay ibibigay ko sa inyo’ at sila ay pumunta.
[5] Siya ay muling lumabas bandang ikaanim at ikasiyam na oras, gayundin ang kaniyang ginawa.
[6] At nang bandang ikalabing-isang oras, siya ay lumabas at natagpuan niya ang iba na nakatayo na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’
[7] Sinabi nila sa kaniya, ‘Dahil walang sinumang umupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Kayo ay pumunta rin sa ubasan at kung anuman ang nararapat ay iyon ang inyong tatanggapin.’
[8] “Sa pagsapit ng takipsilim, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa at ibigay mo sa kanila ang kanilang upa, simula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
[9] At silang nasa bandang ikalabing isang oras ay dumating, bawat isa ay tumanggap ng isang denaryo.
[10] Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo.
[11] Kaya nang natanggap nila ito, sila ay nagbulung-bulungan laban sa may-ari ng sambahayan
[12] na sinabi, ‘Itong mga nahuli ay isang oras lamang gumawa, ngunit sila ay ginawa mong kapantay sa amin na nagbata ng hirap at init ng maghapon.’
[13] Ngunit siya ay sumagot at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginawang mali sa iyo. Hindi nga ba nakipagkasundo ka sa akin ng isang denaryo?
[14] Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na sapagkat ninanais kong ibigay sa nahuling ito ang katulad din ng sa iyo.
[15] Hindi ba nararapat sa akin na gawin ang ninanais ko sa anumang akin? Masama ba ang paningin mo dahil ako ay mabuti?’
[16] Kaya ang mga huli ay magiging una at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag, ngunit kakaunti ang mga pinili.”
[17] Habang umaahon si Jesus patungong Jerusalem, ang labindalawang alagad ay isinama niyang bukod sa daan at sinabi sa kanila,
[18] “Narito, tayo ay umaahon sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba, at siya ay hahatulan nila ng kamatayan.
[19] Ipagkakanulo rin siya sa mga Gentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus, ngunit sa ikatlong araw siya ay babangon.”
[20] Pagkatapos nito, ang ina ng mga anak ni Zebedeo kasama ang kaniyang mga anak na lalaki ay lumapit kay Jesus na sumasamba at humihiling sa kaniya.
[21] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang ninanais mo?” Sinabi niya sa kaniya, “Sabihin mo na itong dalawa kong anak ay mauupo sa iyong kaharian, ang isa ay sa iyong bahaging kanan at ang isa ay sa iyong bahaging kaliwa.”
[22] Ngunit sumagot si Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang inyong hinihiling. Kakayanin ba ninyong inumin ang sarong malapit ko nang inumin at bawtismuhan sa bawtismong ibinabawtismo sa akin?” Sinabi nila sa kaniya, “Makakaya namin.”
[23] Subalit sinabi niya sa kanila, “Iinumin nga ninyo ang aking saro at babawtismuhan kayo ng bawtismo na ibinabawtismo sa akin, ngunit hindi ako ang magkakaloob ng pag-upo sa aking bahaging kanan at sa aking bahaging kaliwa sapagkat ito ay para sa kanila na ipinaghanda ng aking Ama.”
[24] Nang narinig ito ng sampu ay lubha silang nagalit sa magkapatid.
[25] Ngunit sila ay tinawag ni Jesus na lumapit sa kaniya at sinabi, “Alam na ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay namamahalang may kapangyarihan sa kanila.
[26] Ngunit hindi dapat ganoon ang mangyayari sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo ang nagnanais na maging dakila, hayaan siyang maging tagapaglingkod ninyo.
[27] At sinuman sa inyo ang magnanais na maging pangunahin, hayaan siyang maging alipin ninyo,
[28] kung paanong ang Anak ng Tao ay hindi pumarito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa marami.”
[29] Habang sila ay papalabas sa Jerico, sumunod sa kaniya ang lubhang napakaraming tao.
[30] Narito, may dalawang lalaking bulag ang nakaupo sa tabi ng daan. Nang narinig nilang dumadaan si Jesus, sila ay sumigaw na sinasabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin!”
[31] At sila ay sinaway ng napakaraming tao upang sila ay tumahimik, ngunit lalo pa silang sumigaw na sinasabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin!”
[32] Kaya si Jesus ay huminto at tinawag sila at sinabi, “Ano ang ninanais ninyong gawin ko sa inyo?”
[33] Sinabi nila sa kaniya, “Panginoon, ang mabuksan ang aming mga paningin.”
[34] Kaya si Jesus ay nahabag sa kanila at hinawakan ang kanilang mga mata. At kaagad nanumbalik ang kanilang mga paningin at sumunod sa kaniya.