[1] Nang sila ay malapit na sa Jerusalem at dumating sa Betfage, patungo sa bundok ng mga Olibo, sa oras na iyon, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad
[2] na sinasabi sa kanila, “Pumaroon kayo sa nayon na nasa unahan ninyo at kayo ay makakatagpo kaagad ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisiro. Kalagan sila at dalhin ninyo sa akin.
[3] At kapag may magsabi sa inyo ng anuman, ito ang sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon’ at sila ay kaagad niyang ipapadala.”
[4] At ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi,
[5] “Sabihin ninyo sa anak na babae ng Zion, Isa 62:11 ‘Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay maamo at nakasakay sa isang asno, sa bisirong anak ng asno.’ ” Zak 9:9
[6] Kaya lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus.
[7] At kinuha nila ang asno at ang bisiro, at ipinatong nila sa mga ito ang kanilang mga damit at siya ay iniupo nila sa mga ito.
[8] At ang lubhang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga mula sa mga punongkahoy at inilatag sa daan.
[9] At ang napakaraming tao na nauuna sa kaniya at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi, “Hosana sa Anak ni David! ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!’ Awi 118:25-26 Hosana sa kataas-taasan!”
[10] At nang siya ay pumasok sa Jerusalem, ang buong lungsod ay nayanig na sinasabi, “Sino ito?”
[11] Kaya sinabi ng napakaraming tao, “Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.”
[12] At si Jesus ay pumasok sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng mga nagtitinda at mga namimili sa templo at itinaob niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
[13] Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’ Isa 56:7 ngunit ginawa ninyo itong ‘yungib ng mga tulisan.’ ” Jer 7:11
[14] At lumapit ang mga bulag at mga pilay kay Jesus sa templo at sila ay pinagaling niya.
[15] Ngunit nang nakita ng mga punong saserdote at ng mga eskriba ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya at ang mga batang sumisigaw sa loob ng templo, na sinasabi, “Hosana sa Anak ni David!” sila ay lubhang nagalit.
[16] Kaya sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo, hindi ba ninyo nabasa, ‘Mula sa bibig ng mga bata at ng mga sanggol na sumususo ay inihanda mo ang papuri’?” Awi 8:2
[17] Kaya nang sila ay iniwan niya roon, siya ay lumabas sa lungsod patungo sa Betania at nagpalipas ng gabi roon.
[18] Kinaumagahan, siya ay nagutom habang siya ay pabalik sa lungsod.
[19] At pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, ito ay nilapitan niya ngunit siya ay walang nakita sa puno kundi ang mga dahon lamang, kaya sinabi niya sa puno, “Kailanman ay hindi ka na magkakaroon ng bunga.” At ang puno ng igos ay natuyo kaagad.
[20] Nang nakita ito ng mga alagad, sila ay namangha na sinasabi, “Paano natuyo kaagad ang puno ng igos?”
[21] Kaya si Jesus ay sumagot sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kapag kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa itong gaya sa puno ng igos. Subalit kapag inyo ring sasabihin sa bundok na ito, ‘Maalis ka at maihagis ka sa dagat’ ay mangyayari ito.
[22] At ang lahat ng mga bagay, anuman ang inyong hihilingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong makakamtan.”
[23] At pagkapasok ni Jesus sa templo, nilapitan siya ng mga punong saserdote at ng matatanda habang siya ay nagtuturo, at sinabi sa kaniya, “Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?”
[24] Ngunit si Jesus ay sumagot sa kanila, “Isang bagay rin ang itatanong ko sa inyo na kapag masagot ninyo, sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
[25] Saan nagmula ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?” At sila ay nagbigay-katuwiran sa isa't isa na sinasabi, “Kapag sabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Kung gayon, bakit siya ay hindi ninyo pinaniwalaan?’
[26] Ngunit kapag sabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ nakakatakot para sa atin ang napakaraming tao sapagkat si Juan ay kinikilala ng lahat bilang propeta.”
[27] Kaya sila ay sumagot kay Jesus at sinabi, “Hindi namin alam.” Sumagot din siya sa kanila, “Ako man ay hindi magsasabi sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.”
[28] “Ngunit ano sa palagay ninyo? Ang isang tao ay may dalawang anak. Siya ay lumapit sa una at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon at gumawa ka sa aking ubasan.’
[29] Sumagot ito at sinabi, ‘Ayaw ko,’ ngunit di nagtagal siya ay nagsisi at lumisan.
[30] Siya ay lumapit sa ikalawa at gayundin ang kaniyang sinabi. At sumagot ito at sinabi, ‘Panginoon, ako ay pupunta,’ ngunit siya ay hindi pumunta.
[31] Sino sa kanilang dalawa ang gumawa ng kalooban ng ama?” Sinabi nila sa kaniya, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos,
[32] sapagkat si Juan ay dumating sa inyo sa daan ng katuwiran at siya ay hindi ninyo pinaniwalaan. Ngunit ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay naniwala sa kaniya. Bagamat nakita ninyo ito, di nagtagal ay hindi kayo nagsisi upang maniwala sa kaniya.
[33] “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang lalaking nagmamay-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan at siya ay naglagay ng bakod sa palibot, at naghukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng tore, at ipinaupahan ito sa mga magsasaka, at siya ay naglakbay.
[34] At nang papalapit na ang panahon ng pamumunga, isinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.
[35] Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin at hinagupit nga nila ang iba at pinatay nila ang iba at pinagbabato nila ang iba.
[36] Muli, siya ay nagsugo ng ibang alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna at gayundin ang ginawa nila sa kanila.
[37] Ngunit sa kahuli-hulihan, isinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalaki na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
[38] Ngunit nang nakita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at angkin natin ang kaniyang mana.’
[39] Kaya siya ay kinuha nila at dinala sa labas ng ubasan at pinatay.
[40] “Kapag bumalik nga ang panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magsasakang iyon?”
[41] Sinabi nila sa kaniya, “Walang awa niyang pupuksain ang masasamang taong iyon at ang ubasan ay papaupahan niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bunga sa kanilang panahon.”
[42] Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nabasa sa Kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagpatayo ang siya ring naging ulo ng panulok. Ito ay gawa ng Panginoon at ito ay kamangha-mangha sa ating mga paningin’? Awi 118:22-23
[43] “Dahil dito ay sinasabi ko sa inyo, ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbibigay ng kaniyang mga bunga.
[44] Ang sinumang babagsak sa batong ito ay magkakapira-piraso, ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay magkakadurug-durog.”
[45] Nang narinig ng mga punong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, kanilang naunawaan na sinasabi niya ito patungkol sa kanila.
[46] At bagaman sila ay naghahanap ng pagkakataon upang siya ay dakpin, sila ay natakot sa napakaraming tao sapagkat siya ay tinanggap nila bilang propeta.