[1] Si Pablo, ang apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto kasama ang lahat ng mga banal na nasa buong Acaya,
[2] sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
[3] Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan,
[4] na siyang nagbibigay sa amin ng kaaliwan sa lahat ng aming kahirapan upang aming maaliw yaong mga nasa kahirapan sa pamamagitan ng kaaliwan kung saan kami mismo ay inaaliw ng Diyos,
[5] sapagkat kung paanong sumasagana ang paghihirap ni Cristo sa amin ay gayundin sumasagana ang aming kaaliwan sa pamamagitan ni Cristo.
[6] Ngunit kung kami ay nahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan na gumagawa sa pamamagitan ng pagbabata mismo ng mga paghihirap na dinadanas din namin, o kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan.
[7] At tiyak ang aming pag-asa sa inyo dahil alam namin na kung paanong kayo ay kabahagi sa mga paghihirap, gayundin kayo ay kabahagi sa kaaliwan.
[8] Sapagkat hindi namin ninanais mga kapatid, na hindi ninyo malaman ang aming mga paghihirap na nangyari sa amin sa Asya, na kami ay labis na nabigatan nang higit sa aming lakas, kung kaya kami ay nawalan ng pag-asa kahit sa buhay.
[9] Ngunit kami mismo sa aming mga sarili ay may hatol ng kamatayan upang kami ay hindi na magtiwala sa aming mga sarili kundi sa Diyos na siyang nagbabangon sa mga patay,
[10] na siyang nagligtas sa amin mula sa malagim na kamatayan at patuloy na nagliligtas, na sa kaniya ay umasa kami na siya ay patuloy pang magliligtas.
[11] At kayo rin ay sumasamang tumutulong para sa amin sa pamamagitan ng panalangin, upang ang pagpapasalamat ay maibigay ng marami alang-alang sa amin sa kaloob na ibinibigay ng marami.
[12] At ito ang aming ipinagmamalaki, ang patotoo ng aming budhi, sapagkat kami ay namuhay sa sanlibutang ito na may katapatan at may kadalisayan sa Diyos na lalong sumasagana para sa inyo, hindi sa pamamagitan ng karunungang pantao kundi sa biyaya ng Diyos,
[13] dahil kami ay walang ibang isinusulat sa inyo maliban sa inyong mga nababasa at inyo ring kinikilala, at ako ay umaasa na hanggang sa wakas ay inyong kikilalanin
[14] ayon din sa pagkilala ninyo sa amin ng bahagya, dahil kami ay inyong ipinagmamalaki, kayo ay gayundin sa amin sa Araw ng Panginoong Jesus.
[15] Dahil sa pagtitiwalang ito, ako ay nagpasyang pumunta sa inyo noon upang magkaroon kayo ng ikalawang kapakinabangan,
[16] at upang dumaan sa inyo sa aking pagpunta sa Macedonia at muling dumaan sa inyo pagkagaling sa Macedonia, at upang ako ay makapaghanda sa paglalakbay patungo sa Judea sa pamamagitan ninyo.
[17] Kaya nang ako ay nagpasya, hindi ko ba ito pinag-isipang mabuti? Ang pagpapasiya ko bang ito ay pagpapasiya ng tao, upang sa akin ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi?
[18] Ngunit ang Diyos ay matapat upang ang aming salita sa inyo ay hindi maging oo at hindi,
[19] sapagkat ang Anak ng Diyos na si Jesu-Cristo ang siyang ipinangaral sa pamamagitan ko, kasama sina Silas at Timoteo, ay hindi naging oo at hindi, kundi sa kaniya ay oo,
[20] dahil sa kaniya, ang lahat ng mga pangako ng Diyos ay oo at sa kaniya ang siya nawa, para sa kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan namin.
[21] At siya na nagpapatatag sa amin kasama ninyo para kay Cristo at siya na nagpahid ng langis sa amin ay ang Diyos,
[22] at siya ang nagtatak sa amin at nagbigay ng katiyakan ng Banal na Espiritu sa aming puso.
[23] Ngunit ako ay tumawag sa Diyos bilang saksi ng aking kaluluwa upang kayo ay maligtas, kaya hindi na ako pumunta sa Corinto
[24] sapagkat hindi namin pinapangunahan ang inyong pananampalataya, sa halip ay mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan dahil kayo ay nanindigan sa pamamagitan ng pananampalataya.