Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngunit patungkol sa paglikom para sa mga banal ay gayundin ang gawin ninyo katulad sa aking ibinilin sa mga iglesiya sa Galacia.

[2] Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa sa inyo ay maglaan sa pamamagitan ng pagbubukod ayon sa pagpapala ng Diyos sa kaniya upang sa aking pagdating ay wala nang paglilikom na gagawin.

[3] At kapag ako ay makarating, sinuman ang inyong pinagpasyahan sa pamamagitan ng sulat, sila ang aking isusugo upang magdala ng inyong kaloob sa Jerusalem.

[4] Ngunit kapag ako rin ay nararapat na pumunta, sila ay pupuntang kasama ko.

[5] Ngunit ako ay pupunta sa inyo kapag ako ay makadaan sa Macedonia sapagkat ako ay dadaan sa Macedonia.

[6] At maaari akong manatili sa inyo, o kaya magpapalipas ng taglamig na kasama kayo upang ako ay masamahan ninyo kahit saan man ako pupunta,

[7] sapagkat hindi ko ninanais na makita kayo ngayon sa daan, kundi ako ay umaasa na manatili ng ilang panahon kasama ninyo kapag pahihintulutan ng Panginoon.

[8] Subalit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes

[9] sapagkat ang isang malaki at mabungahing pintuan ay nabuksan sa akin, ngunit sila na humahadlang ay marami.

[10] At kapag si Timoteo ay makarating diyan, sikapin ninyo na siya ay makarating na walang takot sapagkat ginagawa niya ang gawain ng Panginoon katulad din ng ginagawa ko.

[11] Kaya huwag ninyong hayaan na siya ay hamakin ng sinuman, sa halip, siya ay tulungan ninyong humayo nang mapayapa upang siya ay makarating sa akin sapagkat ako at ang mga kapatid ay naghihintay sa kaniya.

[12] Ngunit patungkol sa kapatid na si Apollos, ako ay lubos na nagsumamo sa kaniya na makapunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Subalit hindi ito ang nais niya na siya ay makapunta ngayon, ngunit siya ay pupunta kapag siya ay magkaroon ng pagkakataon.

[13] Maging mapagbantay kayo, maging matatag kayo sa pananampalataya, maging matapang kayo, maging malakas kayo.

[14] Gawin ninyo na may pag-ibig ang lahat ng mga bagay.

[15] At isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, (kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas na ito ang unang bunga sa Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal,)

[16] na magpasakop din kayo sa kanila at sa bawat isa na kasama naming gumagawa at nagpapagal.

[17] At ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico sapagkat ang mga lalaking ito ang nagpuno ng inyong kakulangan

[18] dahil pinasigla nila ang aking espiritu at ang inyong espiritu, kaya kilalanin ninyo sila.

[19] Ang mga iglesiya sa Asya ay bumabati sa inyo. Sina Aquila at Priscila kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan ay lubos na bumabati sa inyo.

[20] Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng banal na halik.

[21] Ito ang pagbati ko sa pamamagitan ng sarili kong kamay, si Pablo.

[22] Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesu-Cristo, siya ay sumpain. Maranatha.

[23] Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

[24] Ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus ay sumainyo. Siya nawa.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters