Skip to content
Opens in a new window

[1] Dahil dito, yamang tinataglay namin ang paglilingkod na ito ayon sa pagtanggap namin ng habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.

[2] Sa halip ay aming itinakwil ang mga nakatagong bagay na nakakahiya. Hindi kami lumalakad sa pandaraya, ni ginagamit sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan ay aming ipinapakilala ang aming mga sarili sa budhi ng bawat tao sa harapan ng Diyos.

[3] At kung ang aming ebanghelyo ay natakpan, ito ay natakpan sa kanila na napapahamak,

[4] na sa pamamagitan ng diyos ng kapanahunang ito ay binulag ang mga pag-iisip niyaong mga hindi sumampalataya, upang hindi magningning sa kanila ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos.

[5] Sapagkat hindi namin ipinapangaral ang aming sarili kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming sarili ay inyong mga alipin alang-alang kay Cristo

[6] dahil ang Diyos ang siyang nag-utos upang mula sa kadiliman ay magliwanag ang ilaw na siyang nagliwanag sa aming mga puso para sa kaliwanagan ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Jesu-Cristo.

[7] Ngunit tinataglay namin ang kayamanang ito sa sisidlang putik upang ang nangingibabaw na kapangyarihan ay mapunta sa Diyos at hindi sa amin.

[8] Sa lahat ng panig kami ay sinisiil ngunit hindi nagigipit, kami ay nililito ngunit hindi nawawalan ng pag-asa,

[9] kami ay pinagmamalupitan ngunit hindi pinababayaan, kami ay ibinabagsak ngunit hindi napapahamak.

[10] Taglay namin palagi ang kamatayan ng Panginoong Jesus sa aming katawan upang maipakita ang buhay rin ni Jesus sa aming katawan,

[11] sapagkat kami na nabubuhay ay palaging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus upang ang buhay rin ni Jesus ay makita sa aming laman na may kamatayan.

[12] Kung kaya ang kamatayan nga ay gumagawa sa amin, ngunit ang buhay ay gumagawa sa inyo.

[13] Ngunit dahil tinataglay namin ang iisang espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Ako ay sumampalataya kaya ako ay nagsalita,” Awi 116:10 kami rin ay sumampalataya kaya kami rin ay nagsasalita.

[14] Alam namin na yaong nagbangon sa Panginoong Jesus ay siya ring magbabangon sa amin sa pamamagitan ni Jesus at ihaharap kami na kasama ninyo

[15] sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo upang ang biyaya na sumagana sa karamihan ay lalo pang magpapasagana ng pasasalamat para sa kaluwalhatian ng Diyos.

[16] Dahil dito, kami ay hindi nanghihina at kahit ang aming panlabas na katauhan ay nabubulok, ang aming panloob na katauhan naman ay binabago araw-araw,

[17] sapagkat ang kagaanan ng aming panandaliang paghihirap ay nagbubunga sa amin ayon sa lalong nangingibabaw na timbang ng walang hanggang kaluwalhatian.

[18] Kami ay hindi nakatuon sa mga bagay na nakikita kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters