[1] Kaya akong si Pablo mismo ay sumasamo sa inyo sa pamamagitan ng kaamuan at kagandahang-loob ni Cristo, na sa inyong harapan ay mababang-loob, ngunit kapag hindi ninyo kaharap ay malakas ang loob.
[2] Gayunpaman ako ay sumasamo sa inyo na kapag ako ay haharap sa inyo, ako ay hindi maglakas-loob sa pagtitiwala sa iniisip kong maging matapang sa kaninuman sa kanila na nag-iisip sa amin na kami ay namumuhay ayon sa laman,
[3] sapagkat kahit na kami ay namumuhay sa laman, kami ay hindi nakikipaglaban ayon sa laman.
[4] Ang aming mga sandata sa pakikipaglaban ay hindi ayon sa laman subalit makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos patungo sa pagkabagsak ng matitibay na kuta,
[5] upang ibagsak ang mga pag-aakala at bawat mataas na bagay na nagtataas sa kaniyang sarili laban sa kaalaman ng Diyos, at upang dalhing bihag ang bawat kaisipan patungo sa pagsunod kay Cristo
[6] at sa kahandaang maghiganti sa lahat ng pagsuway kapag maganap ninyo ang pagsunod.
[7] Tinitingnan ba ninyo ang mga bagay ayon sa panlabas na anyo? Kung ang sinuman ay nagtiwala sa kaniyang sarili na siya ay kay Cristo, isipin niyang muli ito sa kaniyang sarili, sapagkat kung paanong siya ay kay Cristo, kami naman ay kay Cristo sa ganitong paraan
[8] sapagkat kahit na ako ay lubos na magmamalaki sa anuman patungkol sa aming kapamahalaan na ibinigay ng Panginoon sa amin para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikababagsak, ako ay hindi mahihiya,
[9] nang sa gayon nawa ay hindi akalaing nananakot ako sa inyo sa pamamagitan ng mga sulat.
[10] Mayroong nagsasabi, “Sapagkat totoong ang kaniyang mga sulat ay malaman at makapangyarihan, ngunit siya ay mahina kung kaharap at ang kaniyang salita ay hinahamak.”
[11] Pag‑isipan ito ng isang iyon, na kung sino kami sa salita sa pamamagitan ng mga sulat kapag kami ay hindi kaharap ay gayundin kami sa aming gawa kapag kami ay kaharap.
[12] Sapagkat hindi kami naglalakas ng loob na ibilang o ihambing ang aming mga sarili sa ilan sa kanila na nagtataas ng kanilang sarili. Subalit sila na sinusukat ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili at inihahambing ang kanilang sarili sa kanilang sarili ay mga walang pang-unawa.
[13] At kami ay hindi nga magmamalaki patungkol sa mga bagay na hindi nasusukat ngunit ayon sa sukat ng pamantayan na ibinahagi ng Diyos sa amin, na isang panukat upang makarating din hanggang sa inyo,
[14] sapagkat hindi namin pinilit ang aming mga sarili nang higit sa aming kakayahan na parang hindi kami dumarating sa inyo dahil kami ay nakarating hanggang sa inyo alang-alang sa ebanghelyo ni Cristo.
[15] Hindi namin ipinagmamalaki ang mga bagay na hindi namin masukat katulad ng mga pagpapagal ng ibang tao. Ngunit mayroon kaming pag-asa na habang lumalago ang inyong pananampalataya ay lalawak ang aming gawain sa pamamagitan ninyo, ayon sa aming panukat patungo sa labis na kasaganaan,
[16] upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong lagpas sa inyo at hindi upang ipagmalaki ang sukat ng mga bagay na inihanda ng iba.
[17] Subalit “siya na nagmamalaki, hayaang siya ay magmalaki sa Panginoon” Jer 9:24
[18] sapagkat hindi yaong nagpaparangal sa kaniyang sarili ang siyang katanggap‑tanggap, kundi siya na pinaparangalan ng Panginoon.