Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya ito ang ipinasiya ko sa aking sarili na ako ay hindi na muling pupunta sa inyo na may pagdadalamhati

[2] sapagkat kung kayo ay aking pagdadalamhatiin, sino pa ang magpapasaya sa akin kundi siya na aking pinagdalamhati?

[3] At ganito ang isinulat ko sa inyo upang sa aking pagdating ay wala akong pagdalamhati mula sa mga dapat kong ikinagagalak, na may pagtitiwala sa inyong lahat dahil ang aking kagalakan ay ang kagalakan ninyong lahat,

[4] sapagkat sa maraming kapighatian at kahapisan ng puso, ako ay sumulat sa inyo sa pamamagitan ng maraming pagluha, hindi upang kayo ay pagdalamhatiin kundi upang malaman ninyo ang kasaganaan ng pag-ibig ko sa inyo.

[5] Ngunit kung ang sinuman ay nagpadalamhati, hindi ako nagdalamhati, maliban sa isang bahagi, upang kayong lahat ay hindi ko labis na mapabigatan.

[6] Sapat na sa tao na iyon ang kaparusahang ito na ipinarusa ng karamihan.

[7] Kung kaya sa kabila nito, siya naman ay dapat ninyong patawarin at aliwin baka siya ay mapuno ng labis na kalungkutan.

[8] Dahil dito, ako ay sumasamo sa inyo na siya ay bigyan ninyo ng katiyakan ng inyong pag-ibig,

[9] sapagkat ito rin ang dahilan na ako ay sumulat upang malaman ko ang inyong subok na pag-uugali kung kayo ay naging masunurin sa lahat ng mga bagay.

[10] Ngunit ang sinumang pinapatawad ninyo sa anumang bagay ay pinapatawad ko rin, sapagkat kung pinatawad ko rin ang anumang bagay, kanino ko man ito ipinatawad, ay ipinatawad ko alang-alang sa inyo sa harapan ni Cristo

[11] upang hindi makapagsamantala si Satanas dahil hindi lingid sa ating kaalaman ang kaniyang mga layunin.

[12] Ngunit nang ako ay pumunta sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo at isang pinto ang binuksan sa akin ng Panginoon,

[13] ako ay hindi nagkaroon ng kapahingahan sa aking espiritu dahil hindi ko natagpuan si Tito na aking kapatid. Kaya ako ay nagpaalam sa kanila at ako ay pumunta sa Macedonia.

[14] Ngunit salamat sa Diyos na siyang palaging nagbibigay sa amin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ni Cristo, at ang samyo ng kaniyang kaalaman ay nahahayag sa lahat ng dako sa pamamagitan namin,

[15] sapagkat kami ay mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa kanila na mga naliligtas at sa kanila na mga napapahamak.

[16] Sa iba ay samyo kami ng kamatayan patungo sa kamatayan, ngunit sa iba ay samyo kami ng buhay patungo sa buhay. At sino ang karapat-dapat sa mga bagay na ito?

[17] Dahil kami ay hindi katulad ng karamihan na ipinanghahanap-buhay ang salita ng Diyos. Subalit ayon sa katapatan at ayon sa Diyos, kami ay nagsasalita sa pamamagitan ni Cristo sa paningin ng Diyos.

Ang Ikalawang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters