[1] Ang pagmamalaki ay tunay na hindi kapakinabangan sa akin sapagkat ako ay tutungo sa mga pangitain at mga kapahayagan ng Panginoon.
[2] Ako ay may kilalang-kilala na isang tao na na kay Cristo labing-apat na taon na ang nakalipas, (kung nasa katawan ay hindi ko alam, o kung wala sa katawan ay hindi ko alam, ang Diyos ang nakaalam), na ang taong ito ay inagaw paitaas sa ikatlong langit.
[3] At alam ko ang taong iyon, (kung nasa katawan o kung wala sa katawan ay hindi ko alam, ang Diyos ang nakaalam),
[4] kung paanong siya ay inagaw paitaas patungo sa paraiso at nakarinig ng mga hindi mabigkas na mga salita, na hindi ipinapahintulot na salitain ng tao.
[5] Patungkol sa lalaking iyon, ako ay magmamalaki. Ngunit hindi ko ipagmamalaki ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan.
[6] Sapagkat kung ninais kong magmalaki, ako ay hindi magiging hangal dahil ang aking sasabihin ay katotohanan, ngunit ako ay nagpipigil baka may mag‑isip sa akin nang higit pa sa nakikita niya sa akin, o sa anumang naririnig niya mula sa akin.
[7] Upang hindi ko itaas ang aking sarili dahil sa dakilang mga pahayag, binigyan ako ng tinik sa laman, isang sugo ni Satanas, upang ako ay pagbuhatan nang sa gayon ay hindi ako magmataas.
[8] Dahil dito, isinamo ko nang tatlong ulit sa Panginoon na ito ay maalis sa akin.
[9] Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo sapagkat ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan.” Kaya ako ay lalong may kagalakang higit na magmalaki sa aking kahinaan upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin.
[10] Kung kaya ako ay nalulugod sa mga kahinaan, sa mga panlalait, sa mga pangangailangan, sa mga pagmamalupit, sa mga kagipitan alang-alang kay Cristo sapagkat kung kailan ako mahina, sa panahong iyon ay malakas ako.
[11] Ako ay naging hangal sa pagmamalaki at kayo ang pumilit sa akin sapagkat ako ang dapat ninyong ipinagmamapuri, dahil sa anumang bagay ay hindi ako huli sa pangunahing mga apostol kahit na ako ay walang ipagmamalaki.
[12] Totoo na ang mga tanda ng apostol ay ginawa sa kalagitnaan ninyo sa lahat ng pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kamangha‑manghang gawa at mga makapangyarihang gawa.
[13] Sapagkat mayroon bang anumang dahilan na kayo ay dinaig ng ibang mga iglesiya, maliban na ako mismo ay hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa kamaliang ito.
[14] Narito, ako ay handang pumunta sa inyo sa ikatlong pagkakataon at ako ay hindi magiging pabigat sa inyo sapagkat hindi ko hinahangad ang mga bagay na nasa inyo kundi kayo, dahil ang mga anak ay hindi dapat nag‑iipon para sa mga magulang kundi ang mga magulang ang nag‑iipon para sa mga anak.
[15] At ako ay maligayang lubos na gugugol at lubos na masaid para sa inyong kaluluwa, bagaman kayo ay iniibig ko nang labis‑labis, ako naman ay iniibig nang pakaunti.
[16] Ngunit magkagayunman, ako ay hindi naging pabigat sa inyo, subalit sa pagiging tuso ay nagawa ko kayong linlangin.
[17] Ako ba ay nakinabang sa inyo sa pamamagitan ng sinuman sa kanila na isinugo ko sa inyo?
[18] Ako ay nagsumamo kay Tito at isinugo kong kasama niya ang isang kapatid. Si Tito ba ay nakinabang sa inyo? Hindi ba kami namuhay sa iisang espiritu? Hindi ba kami namuhay sa gayunding mga yapak?
[19] Muli, iniisip ba ninyo na kami ay nagtatanggol ng aming mga sarili sa inyo? Sa harapan ng Diyos, kami ay nagsasalita dahil kay Cristo. Ngunit mga minamahal, ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay,
[20] sapagkat ako ay natatakot na baka sa aking pagdating ay hindi ko kayo matagpuan katulad ng ninanais ko, at baka ako ay matagpuan ninyo katulad ng hindi ninyo ninanais, na baka magkaroon ng paglalaban-laban, inggitan, labis na galit, pakikipagtunggalian, paninirang puri, pagsisitsit, kayabangan at kaguluhan.
[21] At baka sa aking muling pagdating ay ipapahiya ako ng Diyos sa harapan ninyo, at ako ay tatangis dahil sa kanila na nagkasala at hindi sila nagsisi sa karumihan at pakikiapid at kahalayan na kanilang ipinamuhay.