[1] Ito ang ikatlong pagkakataon na ako ay pupunta sa inyo, “Sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapapagtibay ang bawat salita.” Deu 19:15
[2] Sinabi ko na sa inyo noong una at aking ipinapaunang‑sabi kagaya nang ako ay kaharap ninyo sa ikalawang pagkakataon, ngayong ako ay wala sa inyo, sumusulat ako sa mga nagkasala noon at sa lahat ng iba pa, upang kapag ako ay muling pumariyan, ako ay hindi magtitimpi.
[3] Yamang kayo ay naghahanap ng katibayan na nagsasalita sa akin si Cristo, na para sa inyo ay hindi nagiging mahina sa halip ay nagiging makapangyarihan sa inyo,
[4] sapagkat kahit na siya ay ipinako sa krus sa pamamagitan ng kahinaan, gayunpaman siya ay nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Dahil nanghihina rin tayo sa kaniya, gayumpaman tayo ay mabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na sumasa inyo.
[5] Suriin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo ay nasa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nakikilala ang inyong mga sarili na si Jesu-Cristo ay nasa inyo, maliban na kayo ay mga bagsak sa pagsubok?
[6] Ngunit ako ay umaasa na inyong malalaman na tayo ay hindi mga bagsak sa pagsubok.
[7] Kaya idinadalangin ko sa Diyos na huwag kayong gumawa ng anumang masama, hindi upang kami ay mahayag na katanggap-tanggap, kundi upang inyong magawa ang mabuti kahit na kami ay maitutulad sa mga bagsak sa pagsubok,
[8] sapagkat wala kaming anumang makakaya laban sa katotohanan kundi para sa katotohanan,
[9] dahil kami ay nagagalak kapag kami ay nanghihina, kayo naman ay nagiging malalakas. At ito rin ang aming idinadalangin, ang inyong pagiging-ganap.
[10] Dahil dito, yamang ako ay wala sa inyo, isinusulat ko ang mga bagay na ito upang kapag ako ay kaharap ninyo, ako ay hindi gagamit ng kabagsikan ayon sa ibinigay ng Panginoon sa akin na kapamahalaan para sa ikatitibay at hindi sa ikababagsak.
[11] Sa katapusan, mga kapatid, magalak kayo, maging ganap kayo, magkaroon kayo ng kaaliwan, magkaisa kayo ng pag‑iisip, mamuhay kayo nang payapa, at ang Diyos ng pag‑ibig at ng kapayapaan ang sasainyo.
[12] Batiin ninyo ng banal na halik ang isa't isa.
[13] Ang lahat ng mga banal ay bumabati sa inyo.
[14] Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo at ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu ang sumainyong lahat. Siya nawa!