[1] Sapagkat patungkol nga sa paglilingkod sa mga banal, kalabisan na ito sa akin upang sumulat pa sa inyo
[2] dahil alam ko ang kahandaan ng inyong pag-iisip na siyang dahilan na kayo ay aking ipinagmamalaki sa mga taga-Macedonia, na ang Acaya ay handa na mula pa noong isang taon at ang pagsusumigasig na nagmula sa inyo ay pumukaw sa karamihan.
[3] Ngunit ako ay nagsugo ng mga kapatid upang hindi mawalan ng kabuluhan ang aking pagmamalaki dahil sa inyo patungkol sa bahaging ito, upang ayon sa aking sinabi ay maging handa kayo.
[4] Baka kapag ang ilang taga-Macedonia ay sumama sa akin at kayo ay matagpuang hindi handa, kami ay mapapahiya (sapagkat hindi namin sasabihing kayo ay hindi handa) dahil sa katiyakan ng pagmamalaking ito.
[5] Kaya inisip kong kailangang magsumamo sa mga kapatid na sila ay maunang pumunta sa inyo at unang maihanda ang inyong ipinangakong biyaya, nang sa gayon ay maihanda ito bilang biyaya at hindi kagaya ng kasakiman.
[6] Ngunit ito ang sinasabi ko, siya na naghahasik ng kaunti ay aani naman ng kaunti at siya na naghahasik na may kasaganaan ay aani namang may kasaganaan.
[7] Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, hindi dahil sa kabigatan o dahil sa pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.
[8] Makapangyarihan ang Diyos upang pasaganain sa inyo ang bawat biyaya nang sa gayon kayo ay palaging magkaroon ng kasapatan sa lahat ng mga bagay at kayo ay maging masagana sa bawat mabuting gawa.
[9] Ito ang ayon sa nasusulat, “Siya ay namahagi sa malalayong dako, siya ay nagbigay sa mga dukha. Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.” Awi 112:9
[10] At siya na nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay para sa inyong pagkain, siya rin nawa ang magkakaloob at magpaparami ng inyong binhi at magpapalago ng mga bunga ng inyong katuwiran,
[11] upang sa lahat ng bagay ay payamanin kayo sa lahat ng inyong pagbibigay na nagbubunga ng pagpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan namin.
[12] Dahil ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lang nagpupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi sumasagana rin sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos,
[13] sa pamamagitan ng katibayan ng paglilingkod na ito ay kanilang niluluwalhati ang Diyos dahil sa inyong paghahayag ng inyong pagpapasakop sa ebanghelyo ni Cristo, at sa inyong pakikibahagi sa mayamang pagbibigay para sa kanila at para sa lahat ng mga tao,
[14] at sa kanilang panalanging-paghiling para sa inyo, na mga nananabik sa inyo dahil sa nangingibabaw na biyaya ng Diyos sa inyo.
[15] Ang pasasalamat ay sa Diyos dahil sa kaniyang kaloob na hindi maipaliwanag.