[1] Kaya yamang tayo ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay mayroong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
[2] Sa pamamagitan din niya ay nagkaroon tayo ng paglapit sa biyayang ito sa pamamagitan ng pananampalataya kung saan tayo ay naninindigan at nagagalak sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.
[3] At hindi lamang gayon, kundi kahit sa paghihirap ay nagagalak tayo dahil alam na natin na ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis,
[4] at ang pagtitiis ay nagbubunga ng subok na pag-uugali at ang subok na pag-uugali ay nagbubunga ng pag-asa.
[5] At ang pag-asa ay hindi nagdudulot ng kahihiyan sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.
[6] Sapagkat nang tayo ay mahihina pa, si Cristo ay namatay sa takdang panahon alang-alang sa mga hindi makadiyos
[7] dahil mahirap na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa isang tao na matuwid, subalit maaring ang isang tao ay maglakas-loob na mamatay alang-alang sa isang mabuting tao.
[8] Ngunit ipinapakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay alang-alang sa atin.
[9] Higit pa rito, yamang tayo ngayon ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng kaniyang dugo, tayo ay maliligtas mula sa poot sa pamamagitan niya.
[10] Sapagkat nang tayo ay mga kaaway pa, tayo ay ipinagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang anak. Higit pa rito, dahil tayo ay ipinagkasundo, tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng buhay ng kaniyang anak.
[11] Hindi lamang gayon, sa halip ay nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na sa pamamagitan niya ay natamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.
[12] Kaya kung paanong pumasok ang kasalanan sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at sa pamamagitan ng kasalanan ay pumasok ang kamatayan, sa gayunding paraan ay dumating ang kamatayan sa lahat ng mga tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.
[13] Sapagkat bago pa ibinigay ang kautusan, ang kasalanan ay nasa sanlibutan na, ngunit ang kasalanan ay hindi ibinibilang nang wala pa ang kautusan.
[14] Subalit ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises at sa kanila na hindi nagkasala katulad ng pagsalangsang ni Adan na siyang larawan niyaong dumarating.
[15] Ngunit ang kaloob na biyaya ay hindi katulad sa pagsalangsang, sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsalangsang ng isa ay namatay ang marami, lalong higit na sumagana ang biyaya ng Diyos at ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ng isang tao na si Jesu-Cristo para sa marami.
[16] Subalit ang kaloob ay hindi katulad sa isang nagkasala sapagkat ang hatol sa kasalanan ng isa ay nagdulot ng kahatulan. Ngunit sa kabila ng maraming pagsalangsang, ang kaloob na biyaya ay nagbunga ng pagpapawalang-sala.
[17] Sapagkat kung sa pagsalangsang ng isang tao ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, lalong higit sa kanila na tumanggap ng kasaganaan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran, na maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.
[18] Kaya nga, kung paanong sa pagsalangsang ng isang tao ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao, sa gayunding paraan, sa pamamagitan ng gawa ng katuwiran ng isa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pagpapawalang-sala ng buhay.
[19] Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay naging makasalanan ang marami, sa gayunding paraan, sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ay mapapaging-matuwid ang marami.
[20] Subalit ang kautusan ay dumating upang dumami ang pagsalangsang, ngunit kung saan dumarami ang kasalanan ay lalong sumagana ang biyaya
[21] upang kung paanong naghari ang kasalanan patungo sa kamatayan, gayundin ang biyaya ay maghahari sa pamamagitan ng katuwiran patungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang ating Panginoon.