[1] O ikaw na tao, dahil dito ay wala kang maidadahilan, sino ka man na humahatol sa iba sapagkat sa paghatol mo sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili dahil ikaw na humahatol ay gumagawa ng gayon ding mga bagay.
[2] Ngunit alam natin na ang hatol ng Diyos sa mga gumagawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.
[3] At iniisip mo ba ito na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos, O ikaw na tao na siyang humahatol sa kanila na gumagawa ng gayong mga bagay ngunit gumagawa rin ng gayon?
[4] O binabaliwala mo ba ang kasaganaan ng kaniyang kabutihan at ng kaniyang kahinahunan at ng kaniyang pagtitiis, sa pamamagitan ng iyong hindi pagkilala na ang kabutihan ng Diyos ay gumagabay sa iyo patungo sa pagsisisi?
[5] Ngunit ayon sa iyong katigasan at sa hindi nagsisising puso, ikaw ay nag-iipon ng poot para sa iyong sarili sa araw ng poot at ng kapahayagan ng matuwid na hatol ng Diyos
[6] na siyang magbibigay ng ganti sa bawat isa ayon sa kaniyang mga gawa:
[7] buhay na walang hanggan para sa kanila na sa pamamagitan nga ng matiyagang paggawa ng mabuti ay naghahanap ng kaluwalhatian, at ng karangalan at ng walang kabulukan,
[8] ngunit labis na galit at poot para sa kanila dahil sa pakikipagtunggali at hindi nga pagsunod sa katotohanan subalit sumusunod sa kalikuan.
[9] Sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama ay paghihirap at kabalisahan, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego,
[10] ngunit sa bawat isang gumagawa ng mabuti ay kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang gantimpala, una sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego
[11] sapagkat sa Diyos ay walang pagtatangi ng tao.
[12] Sapagkat ang sinumang nagkasala na hindi sa ilalim ng kautusan ay mapapahamak din na hindi sa ilalim ng kautusan, at ang sinumang nagkasala sa ilalim ng kautusan ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan.
[13] Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang matuwid sa paningin ng Diyos kundi ang mga tumutupad sa kautusan ang mapapawalang-sala.
[14] Sapagkat kapag ang mga Gentil na walang kautusan ay gumagawa ayon sa kalikasan ng mga bagay na nasa kautusan, sila na walang kautusan, ang mga ito ay nagiging kautusan sa kanilang sarili.
[15] Ang mga ito ang nagpapakita ng gawa ng kautusan na nakasulat sa kanilang mga puso, na pinatotohanan din ng kanilang budhi, at ang isipan ng bawat isa ang umuusig o kaya ang nagtatanggol sa kanila
[16] sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ayon sa ebanghelyo na ipinangaral ko.
[17] Narito, ikaw ay tinatawag na Judio at nagtitiwala sa Kautusan, at nagmamalaking nasa Diyos
[18] at nakakaalam ng kaniyang kalooban at sinasang-ayunan ang mga bagay na higit na mabuti dahil naturuan ka sa Kautusan,
[19] at may tiwala ka sa iyong sarili na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, liwanag ng mga nasa kadiliman,
[20] tagapagturo ng mga mangmang at guro ng mga sanggol, na tinataglay ang anyo ng kaalaman at ng katotohanan ng kautusan.
[21] At ikaw na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?
[22] Ikaw na nagsasabi, “Huwag mangalunya,” nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyos-diyosan, ninanakawan mo ba ang templo?
[23] Ikaw na nagmamalaki patungkol sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos dahil sa paglabag mo sa kautusan?
[24] Sapagkat “ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan sa mga Gentil dahil sa inyo,” Isa 52:5; Eze 36:22 katulad ng nasusulat.
[25] Sapagkat ang pagtutuli nga ay napapakinabangan kapag tinutupad mo ang Kautusan, ngunit kapag ikaw ay maging tagasuway ng Kautusan, ang iyong pagtutuli ay naging hindi pagtutuli.
[26] Kaya kapag ang hindi pagtutuli ay tumutupad sa mga alituntunin ng Kautusan, hindi nga ba maibibilang na pagtutuli ang kaniyang di-pagtutuli?
[27] At hindi ba ang hindi pagtutuli ayon sa kalikasan, na tumutupad sa Kautusan, ang hahatol sa iyo na siyang tagasuway ng Kautusan dahil sa sulat at pagtutuli?
[28] Sapagkat hindi Judio yaong nasa panlabas na anyo, o nasa pagtutuli yaong nasa panlabas na laman,
[29] ngunit ang isang Judio ay siya na nasa kalooban at ang pagtutuli ay nasa puso, sa espiritu at hindi sa sulat, na ang papuri ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.