[1] Kaya sinasabi ko, itinakwil ba ng Diyos ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako rin ay isang Israelitang mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.
[2] Hindi itinakwil ng Diyos ang kaniyang bayan na kinilala niya nang una pa. Hindi ba ninyo alam kung ano ang sinasabi ng Kasulatan patungkol kay Elias, kung paano siya namagitan sa Diyos laban sa mga Israelita, na nagsasabi,
[3] “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at winasak nila ang iyong mga dambana at ako ay naiwang mag-isa at kanilang hinahanap ang aking buhay?” 1Ha 19:10, 14
[4] Ngunit ano ang sinasabi ng tugon ng Diyos sa kaniya? “Ako ay naglaan ng pitong libong mga lalaki na hindi lumuhod kay Baal.” 1Ha 19:18
[5] Kaya gayundin naman, sa kasalukuyang panahon ay mayroong naiwan ayon sa pagpili ng biyaya.
[6] Ngunit kung sa pamamagitan ng biyaya, ito ay hindi na sa pamamagitan ng mga gawa, kung hindi, ang biyaya ay hindi na nagiging biyaya. Subalit kung ito ay mula sa mga gawa, ito ay hindi na biyaya, kung hindi, ang gawa ay hindi na gawa.
[7] Ano ngayon? Hindi natamo ng Israel ang kaniyang hinahangad, ngunit ang pinili ang siyang nagtamo nito at ang mga natitira ay pinatigas ang mga puso.
[8] Ayon sa nasusulat, “Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkalito, ng mga mata na hindi nakakakita at ng mga tainga na hindi nakakarinig hanggang sa mismong araw na ito.” Deu 29:4; Isa 29:10
[9] At sinabi ni David, “Hayaan na maging bitag at patibong at katitisuran at kagantihan para sa kanila ang kanilang hapag.
[10] Hayaan na maging madilim ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita at patuloy mong baluktutin ang kanilang likod.” Awi 69:22-23
[11] Kaya sinasabi ko, sila ba ay natisod upang sila ay bumagsak? Huwag nawang mangyari. Sa halip, sa kanilang pagsalangsang, ang kaligtasan ay dumating sa mga Gentil upang panibughuin ang mga Judio.
[12] Ngayon kung ang pagsalangsang ng mga Judio ay naging kayamanan ng sanlibutan, at ang kanilang pagkabagsak ay kayamanan ng mga Gentil, gaano pa kaya sa kanilang lubos na pagkapanumbalik.
[13] Ako ay nagsasalita sa inyo na mga Gentil, yamang ako nga ay apostol ng mga Gentil, ipinagmamalaki ko ang aking paglilingkod
[14] upang sa anumang paraan ay aking mapanibugho ang aking kamag-anak sa laman at mailigtas ang ilan sa kanila.
[15] Sapagkat kung ang pagkatakwil sa kanila ay ang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano ang mangyayari sa pagtanggap sa kanila kundi ang buhay mula sa patay?
[16] At kung ang unang bunga ay banal ay gayundin ang buong masa at kung ang ugat ay banal ay gayundin ang mga sanga.
[17] Ngunit kung ang ilan sa mga sanga ay naputol at ikaw na bagaman olibong ligaw ay inihugpong sa kanila at ikaw ay naging kabahagi ng ugat at ng taba ng puno ng olibo,
[18] huwag kang magmalaki sa mga sanga. Subalit kung ikaw ay nagmamalaki, hindi ikaw ang nagdadala sa ugat kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo.
[19] Kaya iyong sasabihin, “Ang mga sanga ay pinutol upang ako ay maihugpong.”
[20] Sa katunayan, dahil sa hindi pagsampalataya, sila ay pinutol at ikaw ay nakatayo dahil sa pananampalataya. Huwag kang magmataas sa halip ay matakot ka
[21] sapagkat kung hindi pinaligtas ng Diyos ang mga likas na sanga, kahit ikaw ay hindi niya paliligtasin.
[22] Kaya masdan ang kabutihan at kahigpitan ng Diyos: sa kanila nga na nahulog, ito ay kahigpitan, ngunit sa iyo ay kabutihan kapag ikaw ay magpatuloy sa kaniyang kabutihan. Kung hindi, ikaw ay puputulin.
[23] Gayundin sila, kapag sila ay hindi magpatuloy sa hindi pagsampalataya, sila ay ihuhugpong sapagkat magagawa ng Diyos na sila ay muling ihugpong.
[24] Dahil kung ikaw na pinutol mula sa likas na olibong ligaw at laban sa kalikasan ay naihugpong sa mabuting puno ng olibo, gaano pa kaya ang mga ito, ang mga sanga na likas na ihuhugpong sa kanilang sariling puno ng olibo.
[25] Sapagkat hindi ko ninanais, mga kapatid, na kayo ay maging walang kaalaman sa hiwagang ito, upang huwag kayong magmarunong sa inyong sarili, na ang bahagyang pagmamatigas ng Israel ay nangyari na, hanggang sa makarating ang kaganapan ng mga Gentil.
[26] At sa gayon ay maliligtas ang buong Israel ayon sa nasusulat, “Ang tagapagligtas ay darating mula sa Zion at ang hindi pagiging makadiyos ay kaniyang ilalayo kay Jacob.
[27] At ito ang aking tipan sa kanila kapag maalis ko ang kanilang mga kasalanan.” Isa 27:9; 59:20-21; Jer 31:33, 34
[28] At patungkol nga sa ebanghelyo, sila ay mga kaaway dahil sa inyo. Ngunit patungkol sa pagpili, sila ay mga minamahal dahil sa mga ninuno
[29] sapagkat ang mga kaloob na biyaya at ang pagtawag ng Diyos ay hindi nababago.
[30] Dahil kung paanong kayo rin ay dating hindi sumampalataya sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay kinahabagan dahil sa kanilang hindi pagsampalataya,
[31] sa gayunding paraan, hindi sumampalataya ang mga ito ngayon upang sa pamamagitan ng iyong habag ay kahahabagan din sila.
[32] Sapagkat ang Diyos ang nagkulong ng lahat sa hindi pagsampalataya upang siya ay mahabag sa lahat.
[33] O kay lalim ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos! Ang kaniyang mga kahatulan ay hindi nasusuri at ang kaniyang mga landas ay hindi nasusundan,
[34] “Sapagkat sino ang nakaalam ng kaisipan ng Panginoon? O sino ang kaniyang naging tagapayo?” Isa 40:13
[35] “O sino ang unang nagbigay sa Diyos at ito ay muling babayaran sa kaniya?” Job 41:11
[36] Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay nagmula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya. Ang kaluwalhatian ay sa kaniya magpakailanman. Siya nawa.