[1] Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakakataas na kapamahalaan sapagkat walang kapamahalaan maliban sa nagmula sa Diyos at ang mga kapamahalaang iyon ay itinakda na ng Diyos.
[2] Kung kaya, siya na sumasalungat sa kapamahalaan ay tumanggi na sa itinalaga ng Diyos at sila na mga tumanggi ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili
[3] sapagkat ang mga namumuno ay hindi kinakatakutan ng mga gumagawa ng mabuti kundi ng mga gumagawa ng masama. Ngunit ninanais mo bang hindi matakot sa pamahalaan? Gumawa ka ng mabuti at magkaroon ka ng papuri mula sa pamahalaan
[4] sapagkat siya ay lingkod ng Diyos sa iyo para sa kabutihan. Ngunit kapag masama ang iyong ginagawa, matakot ka dahil hindi siya nagdadala ng tabak ng walang kabuluhan sapagkat siya ay lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magdala ng poot sa gumagawa ng masama.
[5] Dahil dito, kailangang magpasakop kayo hindi lang dahil sa poot kundi dahil din sa budhi.
[6] Ito rin ang dahilan kung bakit kayo ay nagbabayad ng buwis sapagkat sila ay mga lingkod-bayan ng Diyos, na matiyagang nagsasagawa mismo sa bagay na ito.
[7] Kaya ibigay ninyo sa lahat ang nararapat: ang buwis sa kaniya na dapat buwisan, ang bayarin sa kaniya na dapat bayaran, ang takot sa kaniya na dapat katakutan, ang paggalang sa kaniya na dapat na igalang.
[8] Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, sa halip ay mag-ibigan kayo sa isa't isa sapagkat siya na umiibig sa iba ay nakaganap na ng kautusan.
[9] Dahil dito, “Huwag kang mangalunya,” “Huwag kang pumatay,” “Huwag kang magnakaw,” “Huwag kang magsalaysay ng maling patotoo,” “Huwag kang mag-imbot” Exo 20:13-15, 17; Deu 5:17-19, 21 at kung may iba pang utos, ito ay nakapaloob sa salitang ito, “Iibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.” Lev 19:18
[10] Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ay ang katuparan ng kautusan.
[11] Yamang alam na natin ang panahon, ito na ang oras upang tayo ay gumising mula sa pagkatulog sapagkat ngayon ay mas malapit na ang ating kaligtasan kaysa noong tayo ay sumampalataya.
[12] Papalipas na ang gabi at mag-uumaga na, kaya hubarin na natin ang mga gawa ng kadiliman at isuot na natin ang baluti ng liwanag.
[13] Magsilakad na tayo nang marangal katulad ng sa araw, hindi sa magulong pagtitipon at sa paglalasing, hindi sa kalaswaan at sa kahalayan, hindi sa paglalaban-laban at sa inggitan.
[14] Sa halip ay isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo at huwag ninyong gawan ng pagkakataon ang pagnanasa ng laman.