[1] Si Pablo, ang alipin ni Jesu-Cristo ay tinawag ng Diyos na maging apostol at ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,
[2] na kaniyang unang ipinangako sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga Banal na Kasulatan,
[3] patungkol sa kaniyang Anak na nagmula sa lahi ni David ayon sa laman.
[4] Siya na itinalaga na Anak ng Diyos, na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
[5] Sa pamamagitan niya ay tumanggap kami ng biyaya at pagiging apostol sa lahat ng mga bansa para sa pagsunod sa pananampalataya alang-alang sa kaniyang pangalan,
[6] na sa mga ito ay tinawag din kayo na na kay Jesu-Cristo.
[7] Sa lahat ng nasa Roma na mga inibig ng Diyos at tinawag na mga banal, sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
[8] Una sa lahat nga ay nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo alang-alang sa inyong lahat dahil ang inyong pananampalataya ay naipapamalita sa buong sanlibutan,
[9] sapagkat ang Diyos ang aking saksi, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kaniyang Anak, kung paano ko kayo binabanggit nang walang patid sa aking mga panalangin.
[10] Palagi kong hinihiling sa aking panalangin na sa anumang paraan, sa pagkakataong iyon, ay magkaroon ako ng matagumpay na paglalakbay upang makapunta patungo sa inyo ayon sa kalooban ng Diyos
[11] sapagkat ako ay nananabik na makita kayo upang mabahaginan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob na siyang magpapatatag sa inyo,
[12] at ito ay upang mapalakas ang aking loob kasama kayo sa pamamagitan ng pananampalataya ng bawat isa, na kapwa nasa inyo at nasa akin.
[13] Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo na ilang ulit na akong nagbalak pumunta sa inyo upang magkaroon din ako ng ilang bunga sa inyo katulad din naman sa ibang mga bansa, ngunit ako ay nahahadlangan hanggang sa ngayon.
[14] Ako ay may pagkakautang, kapwa sa mga Griyego at sa mga barbaro, kapwa sa mga matatalino at sa mga mangmang.
[15] Kaya ako ay labis na nananabik na ipangaral ang ebanghelyo sa inyo rin na nasa Roma.
[16] Sapagkat hindi ko ikinakahiya ang ebanghelyo ni Cristo dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat isang sumasampalataya, una, sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego,
[17] dahil sa ebanghelyo ay nahayag ang katuwiran ng Diyos mula sa pananampalataya patungo sa pananampalataya ayon sa nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Hab 2:4
[18] Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahayag mula sa langit laban sa lahat ng hindi pagiging makadiyos at sa kalikuan ng mga tao na siyang pumipigil sa katotohanan sa pamamagitan ng kalikuan.
[19] Dahil dito, ang maaaring malaman mula sa Diyos ay maliwanag sa kanila sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila,
[20] dahil simula pa sa paglikha ng sanlibutan, ang mga bagay na hindi nakikita mula sa Diyos ay malinaw na nakikita at nauunawaan sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, kahit ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, upang sila ay walang maidadahilan.
[21] Sapagkat bagaman nakilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan siya. Sa halip, sila ay naging walang kabuluhan sa kanilang mga kaisipan at ang kanilang puso na walang pang-unawa ay naging kadiliman.
[22] Sa kanilang pagsasabi na sila ay matatalino, sila ay naging mga mangmang.
[23] At kanilang pinalitan ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa anyo na katulad ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa at ng mga hayop na gumagapang.
[24] Kung kaya sila ay hinayaan ng Diyos sa kahalayan ayon sa pagnanasa ng kanilang mga puso upang ipahiya nila ang kanilang mga katawan sa isa't isa.
[25] Sila ang nagpalit ng katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at kanilang sinamba at pinaglingkuran ang nilikha kaysa sa kaniya na lumikha na siyang kapuri-puri magpakailanman. Siya nawa.
[26] Dahil dito, hinayaan sila ng Diyos sa mahalay na pagnanasa, sapagkat maging ang kanilang mga kababaihan ay pinalitan ang likas na paggamit ng katawan na salungat sa kalikasan,
[27] at gayundin ang mga kalalakihan sa pag-iwan nila ng likas na paggamit sa mga babae ay nag-aalab ang kanilang pita sa isa't isa. Ang mga lalaki ay nagsasagawa ng kahihiyan sa kapwa lalaki, kaya tinatanggap nila ang kaparusahang karapat-dapat sa kanilang mga tiwaling gawa.
[28] At dahil sa hindi nila pagpasya na panatilihin ang pagkilala sa Diyos, sila ay hinayaan ng Diyos sa walang kabuluhang kaisipan upang kanilang gawin ang mga bagay na hindi karapat-dapat.
[29] Sila ay puno ng lahat ng kalikuan, pakikiapid, kasamaan, kasakiman, masamang hangarin, labis na pagkainggit, pagpatay, paglalaban-laban, panlilinlang, pamiminsala at pagsisitsit,
[30] mga mapanirang-puri, napopoot sa Diyos, mga mapanlait, mga mapagmalaki, mga mayabang, mga mapaglikha ng masamang mga bagay, mga masuwayin sa mga magulang,
[31] mga walang pang-unawa, mga hindi tumutupad sa usapan, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi nagpapatawad at mga walang awa;
[32] bagaman nalalaman nila ang matuwid na kahatulan ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay nararapat ng kamatayan, hindi lamang sila na ginagawa ang mga ito, kundi maging ang mga sumasang-ayon sa mga gumagawa ng mga ito.