[1] Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinanabikan, kayo ang aking kagalakan at putong. Mga minamahal, kayo nga ay magpakatatag sa Panginoon.
[2] Namamanhik ako kay Euodias at namamanhik ako kay Sintique na maging isa sila ng pag-iisip sa Panginoon.
[3] Hinihiling ko rin sa iyo, tunay na kamanggagawa, tulungan mo ang mga babaing kasama kong nagpunyagi para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente at ng iba pang mga kamanggagawa ko na ang mga pangalan ay nasa Aklat ng Buhay.
[4] Magalak kayong palagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak kayo!
[5] Hayaan ninyong makilala ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Malapit ang Panginoon.
[6] Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip, sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at ng paghiling na may pasasalamat ay ipagbigay-alam ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan,
[7] at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng pang-unawa ang mag-iingat sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
[8] Sa katapus-tapusan mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na marangal, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na dalisay, anumang mga bagay na kalugud-lugod, anumang mga bagay na mabuting ulat, kung mayroon mang pinakamabuti at kung mayroon mang kapuri-puri, pakaisipin ninyo ang mga ito.
[9] Ang mga bagay rin na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin, isagawa ninyo ang mga ito at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
[10] Ngunit lubos akong nagalak sa Panginoon, na sa wakas ay muling nanariwa ngayon ang inyong pagmamalasakit sa akin, na bagaman mayroon kayong pagmamalasakit subalit wala kayong pagkakataong ipakita ito.
[11] Hindi ako nagsasalita dahil sa pangangailangan, sapagkat natutunan ko ang kasiyahan sa anumang kalagayan.
[12] Alam ko ang magpakumbaba at alam ko ang managana sa lahat ng mga bagay at sa lahat ng dako. At tinuruan akong mabusog at magutom, kahit ang managana at ang mangailangan.
[13] Nagagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.
[14] Gayunpaman, mabuti ang inyong ginawang pakikibahagi sa aking paghihirap.
[15] Ngayon, kayong mga taga-Filipos, alam din ninyo na sa simula ng pangangaral ng ebanghelyo nang ako ay umalis mula sa Macedonia, na walang ibang iglesiya ang nakibahagi sa akin sa pagkakaloob at sa pagtanggap maliban sa inyo lamang,
[16] sapagkat kahit sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking pangangailangan.
[17] Hindi dahil ako ay naghahangad ng kaloob kundi hinahangad ko ang bunga na nananagana para sa inyong kapakanan.
[18] Mayroon akong lahat ng mga bagay at ako ay sumasagana. Napunan na ang aking pangangailangan nang natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga bagay na inyong ipinadala. Ito ay mahalimuyak na samyo, isang haing katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa Diyos.
[19] Ngunit ang aking Diyos ang magpupuno sa lahat ng inyong pangangailangan ayon sa kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
[20] Ngayon, sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
[21] Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.
[22] Binabati kayo ng lahat ng mga banal lalung-lalo na sila na nasa sambahayan ni Cesar.
[23] Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.