[1] Sa katapus-tapusan, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay totoong hindi kabigatan para sa akin, kundi ito ay upang mailayo kayo sa panganib.
[2] Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama at mag-ingat kayo sa humihiwa ng laman.
[3] Sapagkat tayo ang pagtutuli, tayo ang mga sumasamba sa Diyos sa Espiritu at ang mga nagmamapuri kay Cristo Jesus at ang mga hindi na nagtitiwala sa laman,
[4] bagaman ako rin ay maaaring magkaroon ng pagtitiwala sa laman. Kung ang sinumang tao ay nag-aakala na mayroon siyang pagtitiwala sa laman, lalo na ako.
[5] Ako ay tinuli sa ikawalong araw, nagmula sa lahi ng Israel, sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na mula sa mga Hebreo, patungkol sa Kautusan, isang Fariseo,
[6] patungkol sa kasigasigan, pinagmalupitan ko ang iglesiya, patungkol sa katuwiran sa Kautusan wala akong naging kapintasan.
[7] Subalit ang anumang mga bagay na kapakinabangan sa akin, ang mga ito ay itinuring ko nang kalugihan alang-alang kay Cristo.
[8] Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng mga bagay para sa pinakamataas na pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, dinanas ko ang kalugihan sa lahat ng mga bagay at itinuring ko itong dumi upang makamtan ko si Cristo
[9] at masumpungan sa kaniya, hindi sa tinataglay kong katuwiran na mula sa Kautusan kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran na mula sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya,
[10] upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang pakikipag-isa sa kaniyang mga paghihirap, upang matulad ako sa kaniyang kamatayan,
[11] upang sa anumang paraan ay makarating ako sa muling pagkabuhay ng mga patay.
[12] Hindi dahil sa naangkin ko na, o ako ay naging ganap na, subalit ako ay nagsisikap upang maangkin ko rin yaon na kung saan ako ay inangkin din ni Cristo Jesus.
[13] Mga kapatid, hindi ko ibinibilang sa aking sarili na naangkin ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko nga ang mga bagay na nasa likuran at pinagsisikapang abutin ang mga bagay sa harapan.
[14] Pinagsisikapan kong abutin ang hangganan ng takbuhin para sa gantimpala ng mataas na pagkatawag ng Diyos sa akin kay Cristo Jesus.
[15] Kaya tayong lahat na mga ganap ay dapat mag-isip nga ng ganito, ngunit kung sa anumang bagay ay iba ang inyong iniisip, ito ay ipahahayag din ng Diyos sa inyo.
[16] Higit pa rito, sa anumang ating natamo, lumakad tayo sa gayunding pamantayan at sa gayunding pag-iisip.
[17] Mga kapatid, sama-sama kayong maging katulad ko at pagmasdan nga ninyo ang mga lumalakad ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin,
[18] sapagkat marami ang mga lumalakad, sila ang madalas kong sinasabi sa inyo at ngayon ay muli kong sinasabi na may pagtangis, sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo,
[19] ang katapusan nila ay kapahamakan, ang kanilang diyos ay ang kanilang tiyan at ang kanilang kaluwalhatian ay sa kanilang kahihiyan. Sila yaong ang mga iniisip ay nakatuon sa mga bagay na panlupa.
[20] Subalit ang ating pagkamamamayan ay nasa kalangitan, na mula roon ay atin ding hinihintay na may pananabik ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo.
[21] Siya ang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ito ng kaniyang maluwalhating katawan, ayon sa kakayahan niyang gumawa kahit ang pagsupil niya ng lahat ng mga bagay para sa kaniyang sarili.