Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo at si Timoteo, ang mga alipin ni Jesu-Cristo, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na mga nasa Filipos kasama ang mga tagapangasiwa at mga diyakono,

[2] sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

[3] Pinasasalamatan ko ang aking Diyos sa bawat pag-alaala sa inyo

[4] sa aking palaging pananalangin para sa inyong lahat ng panalanging may kagalakan,

[5] dahil sa inyong pakikipag-isa para sa ebanghelyo mula pa noong unang araw hanggang sa ngayon,

[6] dahil ako ay nakatitiyak sa bagay na ito, na siya na nagsimula ng mabuting gawa sa inyo ang siyang magtatapos nito hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo,

[7] yamang matuwid na ganito ang aking pag-iisip para sa inyong lahat sapagkat kayo ay nasa aking puso. Kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, kahit sa aking pagkatanikala, sa pagtatanggol at sa pagpapatunay na totoo ang ebanghelyo

[8] sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung gaano ako nananabik sa inyong lahat sa mahabaging kalooban ni Jesu-Cristo.

[9] Ito ang aking ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay lalo pang labis na sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pagkaunawa,

[10] upang mapatunayan ninyo ang mga bagay na pinakamabuti, upang kayo ay maging matapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo,

[11] na napuspos kayo ng mga bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

[12] Mga kapatid, ibig kong maunawaan ninyo na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagdulot ng paglaganap ng ebanghelyo.

[13] Dahil dito, ang aking mga pagkatanikala kay Cristo ay naging maliwanag sa buong Pretorio at sa lahat ng iba pang mga dako.

[14] Kaya ang karamihan ng mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala sa aking mga pagkatanikala, ay lalong naging matapang sa pagpapahayag ng salita nang walang takot.

[15] Totoo ngang ipinapangaral ng ilan ang patungkol kay Cristo dahil sa inggit at paglalaban-laban, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.

[16] Ang ilan nga ay ipinapahayag si Cristo dahil sa pakikipagtunggali, hindi sa katapatan ng kalooban, sa pag-aakalang ito ay makakadagdag ng paghihirap sa aking mga pagkatanikala.

[17] Ngunit ang iba ay nagpapahayag mula sa pag-ibig dahil alam nila na ako ay itinalaga para sa pagtatanggol ng ebanghelyo.

[18] Ano naman ito? Kahit gayon, sa anumang paraan, kahit sa pagkukunwari o sa katotohanan ay ipinapahayag si Cristo, at dahil dito ay nagagalak ako at totoong magagalak.

[19] Sapagkat alam ko na ang kahihinatnan nito ay ang aking kalayaan sa pamamagitan ng inyong panalangin at sa kaloob ng Espiritu ni Jesu-Cristo

[20] ayon sa aking mataimtim na pag-asam at pag-asa na sa anumang bagay ay hindi ako mapapahiya. Sa halip, sa buong katapangan kagaya ng dati at kahit sa ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan kahit sa pamamagitan ng buhay o sa pamamagitan ng kamatayan,

[21] sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay si Cristo at ang mamatay ay pakinabang.

[22] Ngunit kung ako ay mabuhay sa laman, ito ay bunga ng aking pagpapagal, gayunpaman, hindi ko nalalaman kung ano ang aking pipiliin,

[23] sapagkat ako ay napipigilan ng dalawa, ang pagnanais na pumanaw at makasama si Cristo na lalong higit na mabuti,

[24] ngunit ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.

[25] At dahil sa katiyakang ito, alam kong ako ay mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat para sa inyong pagsulong at kagalakan sa pananampalataya,

[26] upang ang inyong pagmamalaki ay higit na mag-uumapaw kay Cristo Jesus para sa akin dahil sa muli kong pagdating sa inyo.

[27] Ngunit ipamuhay ninyong karapat-dapat ang ebanghelyo ni Cristo, upang kung ako ay makapunta riyan at makita ko kayo o hindi, ay marinig ko ang mga bagay patungkol sa inyo, na kayo ay naninindigan sa isang espiritu at isang kaisipan, na kayo ay sama-samang nagpupunyagi sa pananampalataya ng ebanghelyo.

[28] At sa anuman ay hindi kayo matatakot sa kanila na sumasalungat sa inyo, na para sa kanila ay patunay nga ito ng kanilang kapahamakan, ngunit para sa inyo ay kaligtasan at ito ay mula sa Diyos.

[29] Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang sumampalataya sa kaniya kundi upang magbata rin ng paghihirap alang-alang sa kaniya

[30] sa pagkakaroon ng gayunding pakikibaka, na nakita ninyo sa akin at ngayon ay nababalitaan ninyo sa akin.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Filipos — Chapters