[1] Kaya kung mayroong kasihayan kay Cristo, kung mayroong kaaliwan sa pag-ibig, kung mayroong pakikipag-isa sa Espiritu, kung mayroong mga mahabaging kalooban at mga kaawaan,
[2] lubusin ninyo ang aking kagalakan upang kayo ay maging isa sa pag-iisip na mayroong gayunding pag-ibig, isang damdamin sa isa't isa, isang kaisipan.
[3] Huwag ninyong gawin ang anumang bagay sa pamamagitan ng pakikipagtunggali o sa pagmamataas, sa halip ay sa kapakumbabaan ng pag-iisip, na itinuturing na higit na mabuti ang isa't isa kaysa sa sarili.
[4] Huwag tingnan ng bawat isa ang para sa kaniyang sarili lamang kundi tingnan ng bawat isa ang para rin sa iba.
[5] Ang ganitong pag-iisip ang sumainyo, na na kay Cristo Jesus din,
[6] na bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na dapat angkinin ang pagiging kapantay ng Diyos.
[7] Sa halip ay ibinaba ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkuha ng anyo ng alipin sa pagiging kawangis ng tao.
[8] At yamang siya ay natagpuan sa anyong katulad ng tao, ipinakumbaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, kahit sa kamatayan sa krus.
[9] At dahil dito, siya ay lubhang itinaas ng Diyos at ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng pangalan,
[10] upang sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa,
[11] at upang ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ang Panginoon, para sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.
[12] Kaya nga, mga minamahal ko, katulad ng palagi ninyong pagsunod, hindi lamang kung kasama ninyo ako kundi lalo na ngayon na hindi ninyo ako kasama, gamitin ninyong may takot at panginginig ang inyong kaligtasan,
[13] dahil ang Diyos ang gumagawa sa inyo upang naisin at gawin ang mga bagay alang-alang sa kaniyang mabuting kaluguran.
[14] Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang walang pabulung-bulong at pagtatalo,
[15] upang kayo ay maging mga walang kapintasan at walang dungis, mga anak ng Diyos na walang maipaparatang sa gitna ng lahing liko at lihis, upang magliwanag kayo sa kanila bilang mga ilaw sa sanlibutan,
[16] na itinatanghal ang salita ng buhay upang may ipagmalaki ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan, ni nagpagal nang walang kabuluhan.
[17] At bagaman ako ay ibunubuhos katulad ng haing ibinubuhos sa ibabaw ng handog at sa paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako ay nagagalak at nakikigalak na kasama ninyong lahat.
[18] Gayundin naman, magalak kayo at makigalak kayong kasama ko.
[19] Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo ko kaagad sa inyo si Timoteo upang ako rin ay maaliw kapag nalaman ko ang inyong kalagayan,
[20] sapagkat wala akong sinuman na katulad niya ang kaisipan, na tunay na magmamalasakit sa inyong kalagayan,
[21] dahil ang lahat ay naghahanap ng mga bagay para sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay na na kay Cristo Jesus.
[22] Ngunit nalalaman ninyo ang kaniyang subok na pag-uugali, sapagkat kagaya ng anak sa kaniyang ama, siya ay naglingkod kasama ko sa ebanghelyo.
[23] Kaya nga, siya ang aking inaasahang isugo sa inyo sa lalong madaling panahon pagkatapos kong malaman ang patungkol sa aking kalagayan,
[24] ngunit tiwala ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapariyan kaagad.
[25] Subalit inisip ko na kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, ang aking kapatid, kamanggagawa at kapwa kawal, ngunit siya ay inyong sugo at lingkod para sa aking pangangailangan.
[26] Sapagkat siya ay labis na nananabik sa inyong lahat, bagamat labis siyang namamanglaw dahil sa nabalitaan ninyo na siya ay nagkasakit.
[27] Sapagkat siya ay totoo ngang nagkasakit na muntik niyang ikamatay subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi ako rin upang ako ay huwag malungkot na may labis na kalungkutan.
[28] Kaya lalo kong pinagsikapang suguin siya upang pagkakita ninyong muli sa kaniya ay magalak kayo at ang aking kalungkutan ay mawala.
[29] Kaya tanggapin ninyo siya ng buong kagalakan sa Panginoon at bigyan ninyo ng karangalan ang mga katulad niya,
[30] sapagkat siya ay nabingit sa kamatayan dahil sa gawain ni Cristo, na hindi isinaalang-alang ang kaniyang buhay upang mapunan ang inyong kakulangan sa paglilingkod sa akin.