Skip to content
Opens in a new window

[1] Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea. Naroroon ang ina ni Jesus.

[2] Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan.

[3] Nang nagkulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya, “Wala na silang alak.”

[4] Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ginang, ano ang kinalaman nito sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.”

[5] Sinabi ng kaniyang ina sa mga tagapaglingkod, “Gawin ninyo ang anumang sasabihin niya sa inyo.”

[6] Mayroon doong anim na tapayang bato na nakalagay alinsunod sa pagdadalisay ng mga Judio. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang sa dalawa o tatlong metreta°.

[7] Sinabi ni Jesus sa mga tagapaglingkod, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At kanilang pinuno ang mga tapayan hanggang sa labi nito.

[8] At sinabi niya sa kanila, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya dinala nila ito.

[9] At nang natikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak, hindi niya alam kung saan ito nanggaling (ngunit alam ng tagapaglingkod na sumalok ng tubig), tinawag ng lalaking namamahala ng kapistahan ang lalaking ikinasal.

[10] Sinabi niya sa kaniya, “Unang inihahain ng bawat tao ang mabuting alak at ang mababang uri ay inihahain kapag marami na silang nainom. Ngunit itinabi mo ang mabuting alak hanggang sa ngayon.”

[11] Ito ang simula ng mga tanda na ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at nahayag ang kaniyang kaluwalhatian at sumampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

[12] Pagkatapos nito ay bumaba siya patungong Capernaum. Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki at ang kaniyang mga alagad. Nanatili sila roon ng ilang araw.

[13] Malapit na ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio at umahon si Jesus patungong Jerusalem.

[14] Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, ng mga tupa at ng mga kalapati, at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo.

[15] Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid, itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo, at ang mga tupa at ang mga toro. Ibinuhos niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang kanilang mga mesa.

[16] Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama.”

[17] Naalala ng kaniyang mga alagad ang nasusulat, “Nilamon ako ng kasigasigan ng iyong bahay.” Awi 69:9

[18] Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?”

[19] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Gibain ninyo itong banal na dako ng templo at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”

[20] Kaya sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng banal na dako ng templong ito at itatayo mo ito sa loob ng tatlong araw?”

[21] Ngunit ang banal na dako ng templo na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan.

[22] Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sa kanila kaya sumampalataya sila sa Kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.

[23] Habang si Jesus ay nasa Jerusalem sa panahon ng kapistahan ng Paglagpas, marami ang sumampalataya sa kaniyang pangalan nang nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa.

[24] Gayunpaman, hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang sarili sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat ng mga tao.

[25] Kaya hindi na niya kailangang magpatotoo ang sinuman patungkol sa tao sapagkat nalalaman niya kung ano ang nasa kalooban ng tao.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters