Skip to content
Opens in a new window

[1] Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa kabilang batis ng Kedron kung saan ay may halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.

[2] Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang lugar na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon.

[3] At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyal mula sa mga punong saserdote at sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.

[4] Si Jesus nga na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya ay lumabas at sinabi sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?”

[5] Sumagot sila sa kaniya, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako nga.” Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.

[6] Kaya nang kaniyang sinabi sa kanila, “Ako nga,” napaurong sila at natumba sa lupa.

[7] Muli nga niya silang tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” Sinabi nila, “Si Jesus na taga-Nazaret.”

[8] Sumagot si Jesus, “Sinabi ko sa inyo na ako nga. Kung ako ang inyong hinahanap, payagan ninyong umalis ang mga ito,”

[9] upang matupad ang salitang kaniyang sinabi, “Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong ipinahamak kahit isa sa kanila.”

[10] Si Simon Pedro nga ay may tabak, binunot niya ito at tinaga niya ang alipin ng pinakapunong saserdote at tinigpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.

[11] Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinumin ang saro na ibinigay sa akin ng Ama?”

[12] Hinuli nga si Jesus ng batalyon ng mga kawal, ng pinunong kapitan at ng mga opisyal ng mga pinuno ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.

[13] Siya ay dinala muna nila kay Anas na biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong saserdote ng taon ding iyon.

[14] Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti na isang tao ang mamatay para sa mga tao.

[15] Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong saserdote kaya siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong saserdote.

[16] Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Kaya, ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tagapagbantay sa pintuan at pinapasok si Pedro.

[17] Sinabi nga kay Pedro ng aliping babae na tagapagbantay sa pintuan, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?” Sinabi niya, “Hindi ako.”

[18] Ang mga alipin at mga opisyal ay nakatayo roon na nagpabaga ng uling sapagkat malamig noon at pinapainitan nila ang kanilang mga sarili. Si Pedro rin ay nakatayo kasama nila at pinapainitan ang kaniyang sarili.

[19] Tinanong si Jesus ng pinakapunong saserdote patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang katuruan.

[20] Sumagot si Jesus sa kaniya, “Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay palaging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na palaging pinagtitipunan ng mga Judio at wala akong sinabing lihim.

[21] Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Narito, alam nila ang sinabi ko.”

[22] Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa mga opisyal na nakatayo ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya, “Sa ganiyang paraan ka ba sumagot sa pinakapunong saserdote?”

[23] Sumagot sa kaniya si Jesus, “Kung masama ang aking sinabi, patunayan mo kung ito ay masama, subalit kung mabuti, bakit mo ako hinahampas?”

[24] Kaya iniutos ni Anas na nakagapos siyang dalhin kay Caifas na pinakapunong saserdote.

[25] Si Simon Pedro ay nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya, “Hindi ba ikaw rin ay isa sa kaniyang mga alagad?” Ipinagkaila niya ito at sinabi, “Hindi ako!”

[26] Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote na kamag-anak niyaong tinigpasan ni Pedro ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan?”

[27] Kaya muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang tandang.

[28] Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio, ngunit maaga pa noon kaya hindi sila pumasok sa Pretorio nang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Araw ng Paglagpas.

[29] Kaya lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?”

[30] Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Kung hindi salarin ang taong ito, hindi na sana namin siya ibinigay sa iyo.”

[31] Sinabi nga ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.” Sinabi nga ng mga pinuno ng mga Judio sa kaniya, “Wala kaming karapatang pumatay ng sinuman.”

[32] Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang kaniyang ipahayag kung sa anong paraan ng kamatayan siya ay mamamatay.

[33] Pumasok ngang muli si Pilato sa Pretorio, tinawag si Jesus at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”

[34] Sumagot sa kaniya si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?”

[35] Sumagot si Pilato, “Ako ba ay isang Judio? Dinala ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga punong saserdote. Ano ba ang ginawa mo?”

[36] Sumagot si Jesus, “Ang aking paghahari ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay mula sa sanlibutang ito, makikipaglaban sana ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ngayon ang aking paghahari ay hindi rito nagmula.”

[37] Kaya nga sinabi ni Pilato sa kaniya, “Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabi na ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at sa dahilang ito ay pumarito ako sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.”

[38] Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Pagkasabi niya nito, muli siyang pumunta sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakikita ni isang kasalanan sa kaniya.

[39] Ngunit kayo ay may kaugalian na aking mapapalaya ang isa sa inyo sa Araw ng Paglagpas. Nais nga ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

[40] Kaya silang lahat ay muling sumigaw na sinasabi, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas!” Ngunit si Barabas ay isang tulisan.

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters