Skip to content
Opens in a new window

[1] “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang hindi kayo matisod.

[2] Kayo ay palalayasin nila sa mga sinagoga. Ngunit darating ang oras na ang bawat isang papatay sa inyo ay mag-aakalang naghahandog siya ng paglilingkod sa Diyos.

[3] Gagawin nila sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama, ni ako.

[4] Ngunit ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pagdating ng oras, maaalala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga ito. Subalit sa pasimula ay hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat ako ay kasa-kasama ninyo.

[5] “Subalit ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin at walang sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin, ‘Saan ka pupunta?’

[6] Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng pagdadalamhati ang inyong mga puso.

[7] Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Mang-aaliw ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay nakaalis, susuguin ko siya sa inyo.

[8] Pagdating niya ay kaniyang uusigin ang sangkatauhan patungkol sa kasalanan, patungkol sa katuwiran at patungkol sa kahatulan:

[9] patungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila sumasampalataya sa akin;

[10] patungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pumupunta sa aking Ama at hindi na ninyo ako nakikita;

[11] patungkol sa kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan na.

[12] “Marami pa akong sasabihin sa inyo ngunit hindi ninyo ito kayang batahin sa ngayon.

[13] Gayunpaman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, kayo ay papatnubayan niya sa lahat ng katotohanan sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Ngunit ang lahat na kaniyang narinig ay kaniyang sasabihin at ang mga bagay na darating ay kaniyang ipapahayag sa inyo.

[14] Ako ay luluwalhatiin niya sapagkat tatanggapin niya ito mula sa akin at ipapahayag sa inyo.

[15] Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Dahil dito, sinabi ko na tatanggapin niya ito mula sa akin at ipapahayag sa inyo.

[16] Sa sandaling panahon, at hindi na ninyo ako makikita. Muli, sa sandaling panahon, at ako ay makikita ninyo sapagkat ako ay pupunta sa Ama.”

[17] Kaya ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong sinasabi niya sa atin? ‘Sa sandaling panahon at hindi na ninyo ako makikita. Muli, sa sandaling panahon at ako ay makikita ninyo’ at ‘sapagkat ako ay pupunta sa Ama.’”

[18] Sinabi nga nila, “Ano itong sinasabi niya, ‘Sa sandaling panahon’? Hindi natin nauunawaan ang sinasabi niya.”

[19] Nalaman nga ni Jesus na ninanais nilang magtanong sa kaniya, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanong ba kayo sa isa't isa patungkol dito sa sinabi ko, ‘Sa sandaling panahon, at hindi ninyo ako makikita, at muli sa sandaling panahon, at ako ay makikita ninyo’?

[20] Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo na kayo ay tatangis at mananaghoy subalit ang sangkatauhan ay magagalak. Kayo ay magdadalamhati ngunit ang inyong pagdadalamhati ay magiging kagalakan.

[21] Ang babae kapag manganganak ay nagdaranas ng hirap sapagkat ang kaniyang oras ay dumating na. Subalit pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalala ang paghihirap dahil sa kagalakang may isang taong isinilang sa sanlibutan.

[22] Gayundin naman, kayo nga ngayon ay may pagdadalamhati subalit makikita ko kayong muli, at ang inyong puso ay magagalak at ang inyong kagalakan ay hindi maaagaw ng sinuman mula sa inyo.

[23] Sa araw na iyon ay hindi kayo hihiling sa akin ng anuman. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo na anuman ang inyong hilingin sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.

[24] Hanggang sa ngayon ay wala pa kayong hiniling sa pangalan ko. Humiling kayo at kayo ay makakatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.

[25] “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamamagitan ng mga kawikaan. Dumarating ang oras na hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga kawikaan, ngunit tuwiran ko nang ipapahayag sa inyo ang patungkol sa Ama.

[26] “Sa araw na iyon, kayo mismo ay hihiling sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo na hihiling ako sa Ama para sa inyo

[27] sapagkat ang Ama mismo ang siyang umiibig sa inyo dahil inibig ninyo ako at sumampalataya kayo na ako ay nagmula sa Diyos.

[28] Ako ay nagmula sa Ama at pumarito sa sanlibutan. Muli kong iiwanan ang sanlibutan at ako mismo ay pupunta sa Ama.”

[29] Ang kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, “Narito, tuwiran ka nang nagsasalita ngayon at wala ka ng sinasabing kawikaan.

[30] Ngayon ay tiyak na namin na alam mo ang lahat ng mga bagay at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito, kami ay sumasampalataya na ikaw ay nagmula sa Diyos.”

[31] Sumagot sa kanila si Jesus, “Sumasampalataya ba kayo ngayon?

[32] Narito, dumarating na ang oras at ngayon ay dumating na upang kayo ay magsisipangalat, magkaniya-kaniya at maiiwanan ninyo akong mag-isa, ngunit ako ay hindi nag-iisa sapagkat ang Ama ay kasama ko.

[33] Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay magkakaroon kayo ng kahirapan subalit lakasan ninyo ang inyong loob, napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters