Skip to content
Opens in a new window

[1] Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania, na kinaroonan ni Lazaro na namatay na at kaniyang ibinangon mula sa mga patay.

[2] Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa hapag.

[3] Si Maria ay kumuha ng isang librang° mamahalin na pabangong langis ng nardo at ipinahid niya sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok ang mga paa ni Jesus, at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pabangong langis.

[4] Kaya si Judas na taga-Keriot na anak ni Simon, na isa sa kaniyang mga alagad na siyang magkakanulo kay Jesus, ay nagsabi,

[5] “Bakit hindi ipinagbili ang pabangong langis na ito sa halagang tatlong daang denaryo° at ipinamigay sa mga dukha?”

[6] Ito ay sinabi niya, hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay magnanakaw, at nasa kaniya ang supot ng salapi at kinukupit niya ang mga inilalagay rito.

[7] Kaya sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya, inilaan na niya ito para sa araw ng aking libing

[8] sapagkat ang mga dukha ay palagi ninyong kasama, ngunit ako ay hindi ninyo palaging makakasama.”

[9] Maraming mga Judio ang nakaalam na siya ay naroroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus kundi upang makita rin si Lazaro na ibinangon niya mula sa mga patay.

[10] Subalit ang mga punong saserdote ay nagsanggunian upang patayin din si Lazaro

[11] sapagkat dahil sa kaniya, maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus.

[12] Kinabukasan, nang narinig nila na si Jesus ay paparating sa Jerusalem, maraming mga tao na nanggaling sa kapistahan

[13] ang kumuha ng mga tangkay ng punong palma at lumabas upang salubungin siya at sumigaw, “Hosana! ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon,’ Awi 118:25-26 ang Hari ng Israel!”

[14] Nang natagpuan ni Jesus ang isang batang asno, sumakay siya rito kagaya ng nasusulat,

[15] “Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion! Narito, ang iyong hari ay dumarating na nakasakay sa bisiro.” Zak 9:9

[16] Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na ito: subalit nang naluwalhati na si Jesus, saka lamang nila naalala na ang mga bagay na ito ay nasusulat patungkol sa kaniya at ginawa nila ang mga bagay na ito sa kaniya.

[17] Kaya nga, nagpatotoo ang maraming tao na nakasama niya nang kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon mula sa mga patay.

[18] Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao sapagkat narinig nila na siya ang gumawa ng tanda na ito.

[19] Sinabi nga ng mga Fariseo sa kanilang mga sarili, “Nakikita ninyo na wala kayong anumang napapala. Narito, sumusunod na sa kaniya ang sangkatauhan.”

[20] At may ilang mga Griyego na kasama nila na pumaroon sa kapistahan upang sumamba.

[21] Sila nga ay lumapit kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea at humiling sa kaniya, na sinasabi, “Ginoo, nais naming makita si Jesus.”

[22] Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres at sinabi naman nina Andres at Felipe kay Jesus.

[23] Tinugon sila ni Jesus na sinasabi, “Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng Tao.

[24] Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kapag ito ay namatay, mamumunga ito ng maraming bunga.

[25] Siya na umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit siya na namumuhi sa kaniyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito patungo sa buhay na walang hanggan.

[26] Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay doroon din ang aking tagapaglingkod. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya ay pararangalan ng aking Ama.

[27] “Ngayon ay nababalisa ang aking kaluluwa. Ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito’? Subalit ito ang dahilan bakit ako naparito sa oras na ito.

[28] Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Nang magkagayon, may narinig silang tinig na nagmula sa langit na nagsasabi, “Niluwalhati ko na ito at muli ko itong luluwalhatiin.”

[29] Kaya ang maraming tao na nakatayo roon at nakarinig nito ay nagsabi na kumulog. Ang iba naman ay nagsabi, “Siya ay kinausap ng isang anghel.”

[30] Sumagot si Jesus at nagsabi, “Ang tinig na ito ay hindi dumating nang dahil sa akin kundi alang-alang sa inyo.

[31] Ngayon na ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang prinsipe ng sanlibutang ito ay palalayasin.

[32] At aking ilalapit ang lahat ng mga tao sa akin kapag ako ay maitaas na mula sa lupa.”

[33] Ngunit sinabi ito ni Jesus bilang kapahayagan kung paano siya mamamatay.

[34] Ang maraming tao ay tumugon sa kaniya, “Narinig namin mula sa Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Paano mo nasabing, ‘Ang Anak ng Tao ay kinakailangang maitaas’? Sino ba itong Anak ng Tao?”

[35] Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sandaling panahon na lamang ninyo makakasama ang liwanag. Lumakad kayo habang kayo ay may liwanag pa upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng naglalakad sa kadiliman kung saan siya papunta.

[36] Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga anak ng liwanag.” Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, siya ay umalis at nagtago mula sa kanila.

[37] Bagaman gumawa si Jesus ng napakaraming tanda sa harapan nila, hindi sila sumampalataya sa kaniya

[38] upang matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi, “Panginoon, sino ang sumampalataya sa aming pangangaral? Kanino naipahayag ang bisig ng Panginoon?” Isa 53:1

[39] Dahil dito, hindi nila magawang manampalataya sapagkat sinabing muli ni Isaias,

[40] “Binulag na niya ang kanilang mga mata at pinatigas na ang kanilang puso upang hindi makakita ang kanilang mga mata at hindi makaunawa ang kanilang puso, baka sila ay manumbalik at sila ay aking pagagalingin.” Isa 6:10

[41] Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang nakita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita patungkol sa kaniya.

[42] Gayunpaman, marami sa mga pinuno ang sumampalataya kay Jesus, subalit dahil sa mga Fariseo, siya ay hindi nila ipinahayag upang hindi sila mapalayas sa mga sinagoga

[43] sapagkat higit nilang inibig ang papuri ng mga tao kaysa sa papuri ng Diyos.

[44] Subalit si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.

[45] Siya na nakakakita sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin.

[46] Ako ang ilaw na pumarito sa sanlibutan upang ang bawat sumasampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.

[47] At kung ang sinuman ay nakapakinig ng aking mga salita at hindi sumasampalataya, hindi ko siya hahatulan sapagkat hindi ako pumarito upang hatulan ang sangkatauhan kundi upang iligtas ang sangkatauhan.

[48] May isang humahatol sa kaniya na tumatanggi sa akin at hindi tumatanggap sa mga salita na aking sinabi. Ang salita na aking sinabi ang siyang hahatol sa kaniya sa huling araw

[49] sapagkat hindi ako nagsasalita mula sa sarili ko kundi ang Ama na nagsugo sa akin. Siya ang nagbigay ng utos kung ano ang dapat kong sabihin at ano ang dapat kong bigkasin.

[50] Alam ko, na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya ang sinabi ko ay ayon sa sinabi ng Ama sa akin at sa ganoong paraan ako ay nagsasalita.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Juan — Chapters