[1] Kaya nang si Festo ay dumating sa lalawigan, siya ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea pagkalipas ng tatlong araw.
[2] At ang pinakapunong saserdote at ang mga pinuno ng mga Judio ang nagpabatid sa kaniya laban kay Pablo, at isinasamo nila sa kaniya
[3] na hinihiling ang kaniyang pagsang-ayon laban kay Pablo, upang siya ay ipadala sa Jerusalem, nang maisagawa ang pananambang at mapatay siya sa daan.
[4] Gayunpaman, si Festo ay sumagot na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea at siya mismo ay patungo na roon sa lalong madaling panahon.
[5] Sinabi niya, “Ang mga may kakayahan nga sa inyo ay lumusong kasama ko. At kung may anumang pagkakamali ang lalaking ito, siya ay isakdal nila.”
[6] At pagkatapos niyang nanatili sa kanila nang mahigit sa sampung araw, siya ay lumusong sa Cesarea. Kinabukasan, nang siya ay umupo sa hukuman, kaniyang inutos na ipadala si Pablo.
[7] At nang siya ay dumating, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na hindi nila kayang patunayan.
[8] Sa pagtatanggol ni Pablo ay sinabi niya, “Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako nagkasala ng anuman.”
[9] Ngunit dahil nagnanais si Festo na magpakita ng kagandahang-loob sa mga Judio, siya ay sumagot kay Pablo na sinabi, “Ninanais mo bang umahon sa Jerusalem upang doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?”
[10] Subalit sinabi ni Pablo, “Ako ay nakatayo sa hukuman ni Cesar kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio kagaya ng iyo namang lubos na nalalaman.
[11] Sapagkat kung ako nga ay gumagawa ng kamalian at gumawa na ng anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako tumatangging mamatay. Subalit kung wala naman itong mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, ako ay hindi maaring ibigay ninuman sa kanila. Ako ay dumudulog kay Cesar.”
[12] Nang magkagayon, pagkatapos nakipagsangguni si Festo sa mga tagapayo, siya ay sumagot, “Ikaw ay dumudulog kay Cesar, kay Cesar ka pupunta.”
[13] At pagkaraan ng ilang araw, si Haring Agripa at si Bernice ay dumating sa Cesarea upang batiin si Festo.
[14] At nang sila ay nanatili roon ng maraming araw, ipinaliwanag ni Festo sa hari ang patungkol kay Pablo na sinasabi, “May isang lalaking bilanggo na iniwan ni Felix.
[15] Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga punong saserdote at ang matatanda ng mga Judio ay nagpabatid sa akin patungkol sa kaniya. Sila ay humihiling ng paghatol laban sa kaniya.
[16] Ako ay sumagot sa kanila, ‘Hindi kaugalian ng mga mamamayan ng Roma na ibinibigay ang sinumang tao sa kapahamakan. Nauuna muna ang pagkakaroon ng paghaharap ng mga nagsasakdal at ng pinaparatangan upang makapagbigay siya ng pagtatanggol sa paratang laban sa kaniya.’
[17] Kaya nang sila ay nagkatipon dito, walang pag-aantala kong iniutos na dalhin kinabukasan ang lalaki sa pag-upo ko sa hukuman.
[18] Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya, sila ay walang maiharap na paratang laban sa kaniya kagaya ng aking inaakala.
[19] Ngunit sila ay may mga katanungan laban sa kaniya patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay na, na pinaninindigan ni Pablo na siya ay nabubuhay.
[20] At dahil ako ay naguguluhan patungkol sa ganitong uri ng pagtatalo, tinanong ko siya kung binabalak niyang pumaroon sa Jerusalem upang doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito.
[21] Ngunit dahil si Pablo ay nanawagan na siya ay ingatan para sa paglilitis ng Emperador, iniutos ko na maingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.”
[22] At sinabi ni Agripa kay Festo, “Ako rin mismo ay nagnanais na pakinggan ang lalaki.” Kaya sinabi niya, “Bukas, siya ay mapapakinggan mo.”
[23] Kaya kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice na may malaking karilagan. Sila ay pumasok sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga pinunong kapitan at ang mga lalaking tanyag sa lungsod, at sa utos ni Festo, si Pablo ay ipinasok.
[24] At sinabi ni Festo, “Haring Agripa at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin, mga ginoo, nakikita ninyo ang lalaking ito, dahil sa kaniya, nanawagan sa akin ang lahat ng mga Judio sa Jerusalem at sa dakong ito. Kanilang isinisigaw na siya ay hindi na dapat mabuhay nang matagal.
[25] Ngunit nang nalaman kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan, at dahil siya mismo ang nanawagan sa Emperador, ipinasiya ko na siya ay ipadala.
[26] Ako ay walang tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon patungkol sa kaniya, kaya siya ay dinala ko sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa, upang pagkatapos ng pagsisiyasat, ako ay magkakaroon ng bagay na maisusulat,
[27] sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo at hindi isinasaad ang paratang laban sa kaniya.”