Skip to content
Opens in a new window

[1] Habang si Pablo ay nakatitig nang mabuti sa Sanhedrin, kaniyang sinabi, “Mga ginoo at mga kapatid, ako ay namuhay na may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.”

[2] Ngunit iniutos ni Ananias na pinakapunong saserdote sa mga nakatayong malapit kay Pablo na hampasin siya sa bibig.

[3] Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya, “Malapit ka nang hampasin ng Diyos. Ikaw na pinaputing pader! Ikaw ba ay nakaupo upang hatulan ako ayon sa Kautusan ngunit iniuutos mo na ako ay hampasin nang labag sa Kautusan?”

[4] Subalit sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong saserdote ng Diyos?”

[5] At sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay ang pinakapunong saserdote sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa pinuno ng iyong bayan.’ ” Exo 22:28

[6] Ngunit nang nalaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduseo at ang iba ay mga Fariseo, siya ay sumigaw sa Sanhedrin, “Mga ginoo at mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng isang Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay.”

[7] At nang sinabi niya ito, nagkaroon kaguluhan sa mga Fariseo at sa mga Saduseo at nahati ang maraming tao

[8] sapagkat sinasabi nga ng mga Saduseo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, o ni espiritu, ngunit ang mga ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

[9] Kaya nagkaroon ng matinding sigawan. At tumindig ang ilan sa mga eskriba na bahagi ng mga Fariseo at nakipagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang masama sa taong ito. Ngunit kung siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag sana tayong lumaban sa Diyos.”

[10] Ngunit nang lumala ang kaguluhan, nangamba ang pinunong kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo, kaya inutusan niyang bumaba ang hukbo upang siya ay agawin sa kanilang kalagitnaan at dalhin sa himpilan.

[11] Nang sumunod na gabi, ang Panginoon ay tumayo malapit sa kaniya at sinabi, “Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem ay gayundin dapat ang iyong pagpapatotoo sa Roma.”

[12] Kinaumagahan, ang ilan sa mga Judio ay gumawa ng sabwatan at namanata sa kanilang sarili na sinasabing hindi sila kakain, ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.

[13] At sila na gumawa ng sabwatang ito ay mahigit na apatnapu.

[14] At sila ay pumunta sa mga punong saserdote at sa mga matatanda at kanilang sinabi, “Sa panata ay ipinanata namin ang aming mga sarili na hindi kami titikim ng anuman hanggang sa aming mapatay si Pablo.

[15] Kaya ngayon, kayo kasama ng Sanhedrin, ipagbigay-alam ninyo sa pinunong kapitan na siya ay ibababa niya sa inyo bukas gaya ng binabalak ninyong sisiyasatin siya nang mabuti at nakahanda kaming patayin siya bago pa siya makalapit.”

[16] Ngunit nang narinig ng anak na lalaki ng babaing kapatid ni Pablo ang kanilang nalalapit na pananambang, siya ay pumaroon at pumasok sa himpilan at ibinalita kay Pablo.

[17] Kaya pagkatawag ni Pablo sa isa sa mga senturion ay kaniyang sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa pinunong kapitan sapagkat mayroon siyang dala-dalang isang balita sa kaniya.”

[18] Kaya nga siya ay kaniyang isinama at dinala sa pinunong kapitan at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo at ipinakiusap sa akin na dalhin ko sa iyo ang binatang ito dahil siya ay may dala-dalang balita sa iyo.”

[19] Kaya siya ay hinawakan ng pinunong kapitan sa kamay at pumaroon sa isang tabi at tinanong, “Ano itong dala-dala mong balita sa akin?”

[20] At kaniyang sinabi, “Pinagkasunduan ng mga Judio na hingiin sa iyo bukas na pababain mo si Pablo sa Sanhedrin gaya ng binabalak nilang pagsisiyasat nang mabuti patungkol sa kaniya.

[21] Kaya huwag kang magpahikayat sa kanila sapagkat tinatambangan siya ng mahigit sa apatnapung kalalakihan. Sila ang mga namanata sa kanilang sarili na hindi kakain, ni iinom man hanggang sa siya ay kanilang mapatay. At ngayon sila ay nakahanda na habang naghihintay ng pangako mula sa iyo.”

[22] Kaya nga pinaalis ng pinunong kapitan ang binata at siya ay pinagbilinan, “Huwag mong sabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”

[23] At ang pinunong kapitan ay nagpatawag ng dalawa sa mga senturion at kaniyang sinabi, “Ihanda ninyo ang dalawandaang kawal upang magtungo sa Cesarea sa ikatlong oras ng gabi kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang maninibat.

[24] Ipaghanda rin sila ng mga hayop upang pagsakyan kay Pablo nang madala siyang ligtas kay gobernador Felix.”

[25] At sumulat siya ng isang liham na katulad nito,

[26] Ako, si Claudio Lisias, ay bumabati sa kagalang-galang na gobernador Felix.

[27] Ang lalaking ito na nahuli ng mga Judio at ipapapatay na sana nila ay iniligtas ko nang nalaman kong siya ay mamamayan ng Roma, nang dumating ako kasama ang hukbo.

[28] Sa kagustuhan kong malaman ang dahilan kung bakit siya ay kanilang isinakdal, ibinaba ko siya sa kanilang Sanhedrin.

[29] Siya ay natagpuan kong isinakdal patungkol sa mga katanungan sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang na inihaharap sa kaniya na karapat-dapat ng kamatayan o ng mga tanikala.

[30] Ngunit nang naipagbigay-alam sa akin ang sabwatang binalak na isasagawa ng mga Judio laban sa lalaking ito, siya ay kaagad kong ipinadala sa iyo at inutos ko sa mga nagparatang na magsalita laban sa kaniya sa harapan mo. Paalam.

[31] Kaya nga si Pablo ay kinuha ng mga kawal alinsunod sa iniutos sa kanila at dinala siya sa gabi patungo sa Antipatris.

[32] At kinabukasan, hinayaaan nila ang mga mangangabayo na maglakbay kasama ni Pablo, at sila ay bumalik sa himpilan.

[33] Nang sila ay dumating sa Cesarea at naibigay na ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kaniya.

[34] At nang nabasa ng gobernador ang sulat, itinanong niya kung saang lalawigan siya nagmula. Nang nalaman niyang si Pablo ay taga-Cilicia,

[35] sinabi niya, “Pakikinggan kita kapag ang mga nagsakdal sa iyo ay makarating din.” At iniutos niya na bantayan si Pablo sa hukuman ni Herodes.

Ang Mga Gawa Ng Mga Apostol — Chapters